keso, panlaban sa heart disease, diabetes at pampababa pa ng cholesterol
ni Justine Daguno - @Life and Style | August 15, 2020
Say cheese! Marami sa atin ang mahilig sa cheese—pang-toppings o panlagay sa spaghetti, pizza, salad, palaman sa tinapay o kahit papakin lang ay panalo talaga!
Sabihin man ng iba na ito ay ‘unhealthy’ sapagkat nagtataglay ito ng saturated fat. Pero alam n’yo ba na ayon sa pag-aaral, ang tamang pagkonsumo ng keso ay maraming magandang benepisyo sa atin? Narito ang ilan sa mga ito:
1. PANLABAN SA HEART DISEASE. Ang pagkonsumo ng 2 ounces o 1-inch cube ng cheese araw-araw ay maaaring makatulong upang maiwasan ang iba’t ibang heart disease. Ito ay dahil ang keso ay nagtataglay ng iba’t ibang bitamina tulad ang calcium, potassium at magnesium, riboflavin at B12.
2. PANG-IWAS SA DIABETES. Para sa mga taong mayroong ‘sweet tooth’ o mahilig sa pagkain ng matatamis, oks kung kahihiligan din ninyo ang keso. Ang pagkain ng 1 3/4 ounces ng cheese kada araw ay nakatutulong upang mapababa ang risk sa pag-develop ng Type 2 diabetes nang hanggang walong porsiyento. Ang calcium umano na tinataglay nito ay malaki ang epekto upang mapanatiling normal ang insulin sa katawan ng tao.
3. MABUTI PARA SA CHOLESTEROL. Ang araw-araw din na pagkain ng cheese ay nakatutulong upang mapababa ang cholesterol ng tao. Ayon sa pag-aaral, bagama’t nagtataglay ito ng kaparehong amount ng saturated fat at calories, ang mga ‘cheese eaters’ ay hindi hamak na mas mababa ang LDL cholesterol kumpara sa mga taong mas pinipili ang butter o margarine.
4. NAKAPAGPAPALAKAS NG KATAWAN. Ang pagkain ng halos isang tasa ng ricotta cheese sa isang araw sa loob ng 12 linggo ay nakatutulong upang mapalakas ang kalamnan lalo na sa matatanda o may edad 60 pataas. Sa resulta ng isang pag-aaral noong 2014 sa Clinical Interventions, ipinapayo sa matatanda ang regular at tamang pagkonsumo ng keso sapagkat ito ay milk protein base na hindi lamang nakapagpapatibay ng mga buto kundi nakapagpapalakas talaga ng katawan.
‘Ika nga ng mga ‘cheese lovers’, “The cheesier, the better!” Totoo na ang paborito nating keso ay hindi lang para talaga masarap, kundi sobrang oks din dahil marami pala itong magandang benepisyo sa ating katawan. Pero siyempre, tulad ng ibang pagkain, dapat hinay-hinay pa rin dahil alam naman natin lahat ng sobra ay hindi rin maganda. Tandaan na moderation ang kailangan sa anumang bagay. Okie?!