ni Justine Daguno - @Life and Style | August 29, 2020
Bakit nga ba kahit anong pagsisikap ang gawin ay wala pa ring asenso?
Ito ang madalas na linya ng mga taong kahit pa may trabaho o may pinagkakakitaan ay tila ramdam na ramdam pa rin ang kakapusan ng pera.
Sa totoo lang, ang pag-asenso ay hindi lamang tungkol sa kita o pera na ipinapasok natin, bagkus ay malaking epekto rin ang pera o halaga na ating inilalabas. ‘Ika nga, depende kung gaano ka-wais ang ating ‘spending habits’.
Anu-ano nga ba ang mga gastusin na dapat nating iwasan nang sa gayun ay hindi palaging maging ‘feeling broken’ ang ating wallet?
1. PAGGASTOS DAHIL SA EMOSYON. Karamihan sa atin ay biktima ng emosyunal na paggastos. Ito ‘yung tipong kapag galit o naiinis ay gagastos, kapag sobrang saya o tuwang-tuwa ay gagastos at iba pa. Kumbaga, nagiging batayan ang ating emosyon para gumastos. At ang ending, dahil masyado tayong nadala ng emosyon, nauubos agad ang ating pera.
2. PAGGASTOS NANG WALA SA BUDGET. Kapag wala tayong matinong budget o hindi natin alam kung paano gagastusin nang maayos ang ating pera, sobrang bilis nitong mauubos. Isang malaking trap ang kawalan ng budget dahil once na hindi natin ito magawa nang tama, magkakagulo ang ating gastusin at ang masaklap na resulta, kakailanganin na nating mangutang—na panibago na namang pinansiyal na problema.
3. PAGGASTOS NANG WALANG EMERGENCY FUND. Huwag tayong gumastos nang gumastos kung wala naman tayong emergency fund. Siguraduhing maglaan muna ng sapat na halaga para rito bago magwaldas. Oks lang magtipid sa ngayon at least, hindi tayo mauubusan ng pera sa mga susunod na pagkakataon.
4. PAGGASTOS PARA SA BISYO. ‘Ika nga nila, ang paggatos para sa bisyo ay pagtatapon ng pera. Walang magandang maidudulot ang bisyo kundi pansamantalang ‘saya’. Maging matalino sa bagay na pinaggagastusan, oks lang mag-chill minsan, pero ‘wag sanang dumating sa punto na may budget na para rito.
Sa panahon ngayon, sobrang mahalaga na maging matalino tayo sa paggatos, iwasan ang mga bagay na magdadahilan sa atin para maglabas nang maglabas ng pera. Sa pag-iwas sa mga nabanggit, posibleng sa umpisa ay parang wala lang o hindi agad dama pero kalauna’y mapapansin natin ang maganda at malaking epekto nito sa ating pinansiyal na aspeto. Okay?