ni Justine Daguno - @Life and Style | October 22, 2020
Habang tumatagal, palapit na nang papalapit ang Pasko pero bago ‘yan ay may iba pang mga okasyon na isine-celebrate ang marami sa atin, at isa na rito ang Halloween.
Bagama’t hindi ito big deal sa ating bansa dahil dedma lang ang iba nating kababayan, alam n’yo ba na ang ibang mga bansa ay may kani-kanilang pagdiriwang o tradisyon para sa nasabing okasyon?
Well, paano nga ba isine-celebrate ang Halloween sa iba’t ibang panig ng mundo?
IRELAND AT SCOTLAND. Kapwa ipinagdiriwang sa Ireland at Scotland ang modern Halloween kung saan nag-aabala ang mga tao na gumawa ng bonfires, magpalaro, at maghanda ng mga tradisyunal na pagkain tulad ng “barmbrack” o Irish fruitcake na naglalaman ng mga barya, buttons at singsing para sa fortunetelling. Ang singsing ay nangangahulugang kasal, habang ang mga barya ay nangangahulugan ng masaganang buhay sa susunod na taon.
MEXICO. Mula Nobyembre 1 hanggang Nobyembre 2, ipinagdiriwang ng Mexico at iba pang bahagi ng Latin America ang Día de los Muertos (Araw ng mga Patay). Pinaniniwalaan na ang Gates of Heaven ay magbubukas sa hatinggabi ng Oktubre 31 at ang kaluluwa ng mga bata ay bumabalik upang muling makasama ang kanilang pamilya sa loob ng 24-oras. Samantala, sa Nobyembre 2, ang mga kaluluwa naman ng mga adult ang bumaba mula sa langit upang sumali sa pagdiriwang.
JAPAN. Sa nakaraang 21 years, halos 4,000 fans ng Halloween ang nagtitipon sa Kawasaki para sa Kawasaki Halloween Parade kung saan ito ang pinakamalaking Halloween parade sa buong Japan. Gayunman, hindi lahat ay maaaring sumali dahil ang nasabing event ay exclusive lamang sa mga legit fans, kailangang may application at magbayad bago magsimula ang parade, pero ang panonood ay libre naman.
PHILIPPINES. Siyempre, meron din sa ‘Pinas kung saan “pangangaluluwa” ang tradisyon na pagkilala sa okasyong ito. Bago pa man ang pandemic, marami sa ating mga kababayan ang naghahanda upang maglinis at pumunta sa mga sementeryo. Madalas itong nagiging ‘reunion’ ng mga mag-anak, nag-aalay ng mga pagkain at dasal para sa namayapang mahal sa buhay.
HONG KONG. Tuwing ika-15 araw ng ikapitong lunar month o mid-August to mid-September, ipinagdiriwang ng mga taga-Hong Kong ang Hungry Ghost Festival. Sa maraming bahagi ng East Asia, pinaniniwalaan na ang mga espiritu ay hindi mapakali sa mga oras na ito ng taon kaya nagsisimula silang gumala. Ang nasabing festival ay paraan upang “pakainin” ang mga espiritung ito, kailangan silang handugan pagkain at pera na kailangan nila sa kabilang buhay.
CAMBODIA. Mula sa pagtatapos ng Setyembre hanggang sa kalagitnaan ng Oktubre, ang mga pamilyang Buddhist ay nagtitipon upang ipagdiwang ang Pchum Ben. Ito ay religious holiday upang gunitain ang mga namayapang mahal sa buhay. Ang mga tao ay nagbibigay ng mga pagkain, tulad ng sweet sticky rice at beans na nakabalot sa dahon ng saging at bumibisita sila sa mga templo upang mag-alok ng mga basket ng bulaklak, paraan ito upang bigyang-respeto ang kanilang yumaong mga ninuno.
Interesting talagang malaman ang mga kakaibang pagdiriwang na ito, na kung sumunod man tayo o hindi ay wala namang kaso. Tunay na may kani-kanyang tradisyon ng mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo. Pero magkakaiba man ito, ang mensahe ang okasyon ang pinakaimportante. Gets mo?