ni Justine Daguno - @Life and Style | August 28, 2021
Maraming puwedeng makalimutan sa araw-araw, pero isang bagay ang hindi puwedeng mangyari — ang hindi pagsusuot ng underwear. Hindi tulad sa Western countries, kilalang konserbatibo ang tayong mga Pinoy kaya big deal ang hindi pagsusuot nito.
Ayon sa pag-aaral, ito ay dahil sa social norm kung saan ang mga taong hindi nag-a-underwear ay malaswa o liberated agad. Pero knows n’yo ba na may magandang epekto sa katawan ang hindi pagsusuot ng underwear? Yup, narito ang ilan sa mga ito:
1. MAAARING MAIWASAN ANG IMPEKSIYON. Sa katagalan na hindi pagsusuot ng underwear, maaaring maiwasan ang pagkakaroon ng urinary tract o yeast infection. Bakit? Ayon kay Dr. Nini Mai, DACM, madalas ma-absorb ng underwear ang sobrang pawis at mikrobyo. Kaya’t ang naiipong pawis ang siyang pinagmumulan ng fungus na dahilan kaya nagkakaroon ng yeast infections at iba pang uri ng impeksiyon.
2. MAS MAKAKAHINGA ‘DOWN THERE’. Ayon sa OB-GYN na si Alyse Kelly-Jones, tulad sa katawan, kailangan ding makahinga ‘down there’. Payo nito, mas makabubuti kung walang underwear, lalo na sa pagtulog nang sa gayun ay maging presko at maaliwalas ang pakiramdam sa bahaging ito. Ang ganitong routine ay nakatutulong din upang magkaroon ng maginhawa o magandang mood paggising.
3. MAIIWASAN ANG PANGINGITIM. Paliwanag ng OB-GYN na si Kecia Gaither, may iba’t ibang uri ng tela ang underwear. Ang pagsusuot ng underwear na masyadong mahigpit ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng friction na nagdudulot ng iritasyon. Ito ang dahilan kung bakit nangingitim ang bahaging ito.
4. MAI-IMPROVE ANG SIRKULASYON NG DUGO. Bukod sa komportable ang pakiramdam kapag walang suot na underwear, nakatutulong din ito upang mapaganda ang sirkulasyon ng ating dugo. Ani Dr. Donnica Moore, sa pagsusuot ng masikip na panloob ay nakaaapekto sa sirkulasyon ng dugo kung saan mas mahigpit ay mas hirap ang dugo na makadaloy sa ating katawan, na siya namang hindi maganda para sa ating kalusugan.
5. MAIIWASAN ANG DIGESTIVE ISSUES. May pag-aaral din na ang hindi pagsusuot ng underwear ay nakatutulong para maiwasan ang mga digestive issue, tulad ng acid reflux. Ang masikip na underwear ay nakapagdudulot ng pressure, hindi lamang sa bahaging tinatakpan nito kundi maging sa tiyan. Kapag masyadong masikip ang suot ay mas malakas ang pressure na kaya mas naitutulak ang acid sa esophagus na nagdudulot ng mabilis na pag-akyat ng acid o kaya nagkakaroon ng madalas na acid reflux.
Sabi nga nila, walang mawawala kung susubukan ang isang bagay. Pero tandaan, may epekto ang lahat ng ating gagawin, maaaring makabuti o hindi. Walang masama na matututo sa mga bagay na gusto nating subukan, pero dapat maging responsable tayo nang sa gayun ay hindi mapasama ang sarili, gayundin hindi makaapekto sa ibang tao. Okay?