ni Justine Daguno - @Life and Style | October 17, 2021
Mula nang magsimula ang pandemya, marami sa atin ang pumasok na sa mundo ng pagnenegosyo, partikular ang online business. Marami man ang nawalan ng trabaho, namulat naman sa ibang paraan para magkaroon ng pagkakakitaan. Ang maganda sa pag-o-online selling, less-hassle, sa pagalingan ng diskarte ay paniguradong kikita talaga.
Sa kabilang banda, dahil halos lahat nga ay nagnenegosyo na, kailangan talagang makipagsabayan para hindi matulog ang business at siyempre, ang bumubuhay dito ay ang mga mamimili. Kaya naman, narito ang ilan sa mga paraaan para dumami ang online customers:
1. MAGBIGAY NG SAMPLE. Epektibo itong paraan upang magkaroon o madagdagan ang mga kustomer. Oks ito lalo na kung nagsisimula pa lamang sa negosyo o may bagong ipakikilalang produkto. Tayong mga Pinoy, mas gustong nasubukan muna ang produkto bago ito tangilikin. Tandaan, ang “pagbibigay ng sample” ay isang chance lang dapat ibigay mo ang best shot!
2. MAG-SALE O MAG-PROMO. Ang ganitong estratehiya ay kailangang gawin kapag hindi na gumagalaw ang sales o kung tila nauumay na ang mga customer. Isa pa sa mga ugali ng mga Pinoy ay madali silang “mabudol” o maengganyo sa mga “sale” o “promo” dahil sa kaisipan mas makakatipid sila kumpara sa pagbili sa regular na presyo ng produkto. Kung gustong mapansin ng mga tao ang iyong negosyo, subukan ang diskarte ‘to.
3. MAG-LIVE SELLING. Dahil halos lahat ng mga tao ngayon ay gumagamit na ng social media — pang-school, trabaho o libangan man ay siguradong puwedeng makakuha ng mga customer. Libre lang ang ganitong feature sa FB kaya samantalahin natin. Well, kung personality mo ang pag-e-entertain, paniguradong sisiw ‘to, sure na makakahakot ng mga magma-“mine” sa iyong produkto!
4. SUMALI SA MGA FB GROUPS. Epektibo ang ganitong strategy para mas ma-target ang market. Halimbawa, kung ang business ay may kinalaman sa “mommy and baby thingy”, puwedeng sumali sa FB groups na ang miyembro ay mommies, dahil bukod sa forum, karamihan sa kanila ay naghahanap din ng mga recommendations kung saan puwede mong ipasok ang iyong negosyo.
5. GAMITIN LAHAT NG SOCIAL MEDIA PLATFORMS. Walang dapat ikahiya kung legal ang iyong negosyo. I-promote ito nang i-promote hanggang sa tangkilikin ito, at mismong customer na ang lalapit sa ‘yo. Hindi lang sa FB puwede makabenta, nar’yan din ang Twitter, Instagram, YouTube at marami pang iba. Pag-aralan ang socmed platform na swak sa iyong online business.
Ngayong pandemya, dapat maging madiskarte dahil walang mangyayari kung aasa lamang sa iisang source of income. Samantalahin ang mga pagkakataong nakukuha sa social media, hindi lamang libangan ang puwede ritong mapala kundi oportunidad din. Walang masama kung susubukan ang isang bagay, lalo na kung sa makakatulong sa sarili, gayundin sa ating kabuhayan.