ni Justine Daguno - @Life and Style | November 4, 2021
Knows n’yo ba na ang average adult ay naglalabas ng hangin o umuutot nang 13 hanggang 21 beses sa isang araw? Well, ayon sa pag-aaral, ang pagkakaroon ng hangin sa tiyan ay natural lamang, sapagkat ito ay bahagi ng proseso ng digestion, kaya ‘wag mahiyang umutot — dahil kapag ito’y pinigil, malamang ay “See you, doc” ‘yan dahil maaaring makaramdam ng pananakit o discomfort sa tiyan o ‘yung tinatawag na “kabag”, na ang masaklap, maaari pang magdulot ng mas malalang sakit tulad ng constipation o diarrhea.
Pero worry no more dahil narito ang ilan sa mga epektibong home remedy sa kabag o hangin sa tiyan:
1. ‘WAG MASYADONG MAG-CHEWING GUM. Mataas ang chance na magkaroon ng kabag ‘pag masyadong nagtsu-chewing gum. Sa bawat pagnguya, tuluy-tuloy na nakapapasok ang hangin sa bibig kaya ito’y naiipon sa sikmura na nagdudulot ng gas pain. Kung hindi naman maiiwasan, piliin na lang ang menthol o ‘yung hindi gaanong matamis kaysa sa sweetened gums dahil mas nakababawas ng pag-trigger sa gas pain ang unsweetened gums.
2. GUMAMIT NG HOT COMPRESS. Kapag inaatake ng kabag, lapatan agad ng hot compress ang tiyan nang sa gayun ay kumalma ito. Ang init mula rito ang makatutulong upang ma-relax ang muscles at madaling maitulak palabas ang hangin.
3. ‘WAG MAGING YOSI-KADIRI. “Classic yosi”, vape o e-cigarette man ‘yan, ang madalas na pagyo-yosi ay nakapagdudulot ng kabag, sapagkat sa bawat hitit nito ay malaking porsiyento rin ng hangin ang nahihigop, na siyang naiipon sa digestive tract.
Makabubuti ang pag-iwas sa paninigarilyo, hindi lamang para maiwasan ang kabag, hindi upang magkaroon ng mas malusog na pangangatawan.
4. KUMAIN NG MABUTI. Ibig sabihin, ‘wag magmadali o nguyain nang maayos ang pagkain. Isa sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng kabag ay dahil hindi nada-digest nang maayos ang pagkain sapagkat hindi ito maayos na nanguya. Kaya naman, siguraduhing mangunguya nang at least 30-times ang pagkain bago ito tuluyang lunukin.
5. ‘WAG MAHIYANG UMUTOT. Muli, walang dapat ikahiya sa ganitong bagay dahil ito ay normal na bahagi ng ating sistema. Kung ayaw nating lumala ang kabag, ‘wag pigilin ang paglabas ng hangin sa ating katawan, pero siyempre, gawin ito nang hindi nakakaperhuwisyo ng ibang tao. Kumbaga, dapat natural, pero disenteng gawain pa rin.
Bagama’t simpleng bagay lamang ito, kapag paulit-ulit na nangyayari ay hindi na dapat ipinagsasawalambahala. Sa panahon ngayon, dapat prayoridad ang kalusugan dahil mas maganda pa ring harapin ang bukas nang walang kahit anong iniinda sa katawan.
Ganern!