ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Sep. 14-Oct. 28, 2024
MID STORY - September 13, 2024
“SANA narito rin ang parents ko,” matabang na sabi ni Thunder.
Malungkot ang kanyang mukha, habang nakatitig sa magulang ni Chantal. Tiyak niya kasing sobrang mahal ng mga ito ang kanilang anak. Hindi niya tuloy mapigilan ang mapabuntong hininga. Napatingin lang siya kay Chantal, dahil hinagilap nito ang kanyang kamay at pinisil. Wari’y sinasabi nito na huwag siyang mag-alala, dahil nasa tabi lang niya ito. Hindi niya tuloy napigilan ang mapangiti. Mas lumawak pa ang kanyang ngiti, dahil nakatingin ito sa kanya na parang puno ng pag-ibig.
“Nasa puso mo naman sila.”
“Hindi man lang sumama ang kapatid ko.”
“Niyaya mo ba si Santino?” Gilalas nitong tanong.
“Hindi naman masama ang intensyon ko. Siyempre, kapamilya ko siya. Apektado ka pa ba sa presensiya niya?” Nag-aalalang tanong nito.
“No,” mariin nitong sabi.
Nakatitig ito sa kanya nang sabihin ang mga salitang iyon, kaya naniniwala siya rito. Idagdag pang sobra niya itong mahal, kaya naman may tiwala siya rito.
“Wala ka bang tiwala sa akin?” Nagdaramdam na tanong nito.
“Nagtatanong lang naman ako.”
“Masyado ka kasing seryoso. Wala na akong nararamdaman para kay Santino. Crush ko lang naman siya, at ikaw ang mahal ko.”
Hindi tuloy niya mapigilan ang mapangiti. Iyon kasi ang pinakamagandang salita na narinig niya sa buong buhay niya.
“Para kayong cotton candy d’yan, ah? Masyadong matamis,” wika ng kanilang Lolo Matias.
“Sa palagay mo ba ay sapat na ang ginawa mo para masiyahan ang magulang ni Chantal?”
Tanong sa kanya ng matandang lalaki.
Wala naman kasing sinabi ang magulang ni Chantal nang magpaalam siya na magpapakasal na sila ni Chantal. Basta ang sinabi ng ama ni Chantal, gusto pa siyang makilala nito.
“Kailangan mong manilbihan para mapatunayan nila na seryoso ka nga,” wika ng kanyang lolo.
“Ano’ng dapat kong gawin?”
“Manilbihan ka,”buong diin niyang sabi.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 14, 2024
HINDI maiwasan ni Chantal ang makaramdam ng kilig habang tinititigan si Thunder na nagsisibak ng kahoy. Napalunok lang siya, dahil nakahubad ito, at kita-kita ang matikas nitong pangangatawan.
Si Thunder ay hindi lang isang cute, dahil napaka-hot din nito kung titingnan. Muli ay napalunok siya para kasing pinagnanasahan na niya ito.
Kahit tumatagaktak na ang pawis nito, gusto niya pa rin itong hagkan.
“Ngayon ko lang nakitang ginawa ng apo ko ‘yan, dahil sa isang babae. Mukhang mahal ka talaga niya,” nakangiting sabi ni Lolo Matias. Parang bituin na kumukislap ang mga mata nito sa sobrang kasiyahan.
“Ang suwerte ko po pala.”
“Masuwerte rin naman siya sa’yo.”
Bigla siyang napaisip, hindi niya kasi alam kung paano naging masuwerte si Thunder sa kanya.
“Alam n’yo po bang hindi naman talaga ako caregiver?”
“Yup. Alam ko.”
Bahagya siyang natigilan, hindi kasi niya matandaan na nagkuwento siya tungkol sa tunay niyang pinagkakakitaan.
“Nabanggit ni Santino.”
“Isa po akong manunulat.”
“Nice!”
“Si Santino ho talaga ang dahilan kaya ako pumasok bilang caregiver sa inyo.” Lakas loob niyang sabi.
“Destiny.”
“Ho?”
“Nakatakda na siguro sa kapalaran n’yo ni Thunder ang magkita, kaya pinagtagpo kayo ng inyong kapalaran,” nakangiting sabi ng matandang lalaki.
Sa tingin niya ay tama ang sinasabi nito, kaya napatango na lang siya.
“Pero, kailangan mong mag-ingat.”
“Ano pong ibig mong sabihin?” Naguguluhan niyang tanong.
“Dahil baka agawin ka ni Santino kay Thunder.”
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 15, 2024
BIGLANG kinabahan si Chantal sa sinabi ni Lolo Matias. Tingin kasi niya, kayang-kaya iyon gawin ni Santino. Hindi man magkuwento sa kanya si Santino, ramdam niya ang matinding galit nito kay Thunder.
Sa palagay nga niya iyon ang dahilan kaya kinakausap siya ni Santino. Dati naman kasi kahit na panay ang pagpapa-cute niya rito, hindi siya nito pinapansin.
Kahit tuloy naging crush niya si Santino, nakaramdam siya ng pagkairita rito, at sinabi pa niya sa kanyang sarili na hindi niya dapat ito hangaan.
Ang gusto kasi niya sa lalaki ay mapagmahal sa pamilya, at alam niyang hindi iyon si Santino.
“Hindi ako maaagaw ni Santino kay Thunder, dahil tunay ang pagmamahal ko kay Thunder!”
“Talagang hindi ako nagkamali sa’yo. Unang kita ko pa lang sa’yo, gusto na kita para sa tunay kong apo.”
“Nasaan ho ba ang mga magulang ni Santino?”
“Walang ibang nakakaalam ng pagkatao niya, kundi ang mga kinikilala niyang magulang.”
Bigla siyang nakaramdam ng awa kay Santino. Mahirap naman kasi kapag hindi mo alam ang tunay mong pagkatao. Tiyak na maraming katanungan sa isip nito.
“Kaya mag-ingat ka dahil tiyak na hindi titigil si Santino hangga’t ‘di ka niya nababawi. Panigurado kasing iniisip ni Santino na inagaw ka ni Thunder sa kanya. Well totoo naman, dahil na-love at first sight sa’yo ang apo ko na si Thunder.”
Kahit tuloy parang oa ang sinabi ni Lolo Matias, napangiti pa rin siya. Para kasing gusto nitong idiin na mahal na mahal niya talaga ang kanyang apo.
“Huwag ho kayong mag-alala.”
“Paano kung kidnapin ka niya?” Gilalas nitong tanong na nagpakaba din nang husto sa kanya.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 16, 2024
MAY biglang tumapik sa balikat ni Chantal, kaya agad niya itong nilingon.
“Kidnapin?” Manghang tanong niya ulit sa matandang lalaki.
Malalim na buntong hininga ang pinawalan ni Lolo Matias, “Hindi ko iyon sinabi sa iyo para siraan si Santino. Kahit hindi kami magkadugo, itinuring ko pa rin naman siya bilang apo. Pero ayoko ring malungkot ang tunay kong apo. Ikaw ang kaligayahan ni Thunder, kaya sinasabi ko ito para bigyan ka ng babala.”
Bumuka ang bibig niya para sana ibahagi ang pagtawag sa kanya ni Santino, pero nagbago ang kanyang isip. Naisip niyang baka maging daan pa iyon para mas lumayo ang loob ni Lolo Matias kay Santino.
“Huwag ho kayo mag-alala, mag-iingat ako.”
Tumango ito at ngumiti, “Mahal na mahal ka talaga ng apo ako.”
Napangiti rin siya at sabay sabing, “Mahal ko rin po siya.”
“Ang lalim naman ng iniisip mo,” wika ni Thunder.
“Iniisip ko lang ang future natin,” wika niyang bahagyang kinabahan.
“Ilang anak ba ang gusto mo?” Natatawang tanong ni Thunder.
Agad na namula ang kanyang mukha, para kasing may dagang naglalaro sa kanyang sikmura dahil sa kakaibang epekto ng tanong ni Thunder.
“Isa.”
“Ang tipid naman.”
“Mahirap ang buhay.”
“Kahit isang dosena pa ‘yan, kaya ko silang buhayin.”
“Ang yabang naman.”
“Nagsasabi lang ako ng totoo.”
“Gusto mong magkaroon ng maraming anak. Kaya mo ba makagawa ng isa?” wika niya sabay hagikgik.
Kailangan muna niyang burahin ang mga negatibong emosyon sa kanyang isipan, para magawa niyang maging maligaya.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 17, 2024
“GUSTO mo bang subukan natin?”
Kahit na hindi kumpleto ang tanong ni Thunder, pinamulahan ng mukha si Chantal. Basang-basa niya kasi sa mata at ngisi ni Thunder ang kapilyuhan.
“Magtigil ka nga,” wika niya.
Marahang tawa ang pinawalan nito, at sabay sabing, “May amnesia ka ba?”
“Hindi naman ako nabagok.”
“Eh, bakit parang nakalimutan mo na ikaw ang nagsimula ng kapilyahan?”
“Oo na, kasalanan ko na! Anyways, pasensiya ka na kung pinahihirapan ka ng magulang ko.”
“‘Ika nga sa kasabihan, no pain, no gain. Kung ang kapalit naman nitong mga paghihirap na sinasabi mo ay pag-apruba ng parents mo sa relasyon natin, okey lang.”
Ramdam niya ang sobra nitong pag-ibig sa kanya, kaya naman hindi niya napigilan na yakapin ito. Bigla lang siyang napaalis sa pagkakayakap dito, dahil basang-basa ito ng pawis.
“Hay naku! Magkakasakit ka sa ginagawa mo. Magpunas ka nga!” Inis niyang sabi rito.
“Nandidiri ka lang yata sa akin eh.”
Binatuhan ito ni Chantal ng matalim na tingin, at sabay sabing, “Hindi ako ganyan klaseng tao. Kapag mahal kita, kahit ano pa ang amoy mo ay mahal kita. Ayoko lang na matuyuan ka ng pawis dahil tiyak na magkakasakit ka.”
Kahit na pawisan si Thunder, wala pa rin siyang naamoy na ‘di kaaya-aya rito. Sa katunayan nga, parang mas bumango pa ito.
“Kaya mahal na mahal kita eh.”
“Patunayan mo!”
“Ano bang gusto mong patunay?”
“Kiss me,” wika niya sabay nguso.
Susundin na sana nito ang sinabi niya, pero may biglang dumating na sasakyan. Hindi kasi nila inaasahan na may darating pa lang bisita, at mas lalo silang nagulat nang makita nila si Santino sakay ng kanyang BMW.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 18, 2024
“ANO’NG ginagawa mo rito?” Kunot noong tanong ni Thunder, sabay hatak kay Chantal palapit sa kanyang dibdib.
Gusto niyang ipakita kay Santino na hindi nito maaagaw ang kanyang mahal. Malaki ang tiwala niya kay Chantal. Pero, wala siyang tiwala kay Santino.
“Narito pala kayo, bakit?” Kunwa'y tanong ni Santino.
Nang ibaling nito ang tingin kay Chantal, ngumiti ito, at sabay sabing, “Dito ba nakatira si Mang Andres?”
“Tatay ko siya.”
“Talaga?” Manghang tanong ni Santino.
“Wow, best actor!” Gigil na sabi ni Thunder.
Sa hitsura naman kasi ni Santino ay para talagang nasorpresa ito at ikinabigla na anak pala ni Mang Andres si Chantal. Pero, kilala niya si Santino. Alam niyang gagawin nito ang lahat para makuha ang kanyang gusto.
“What a small world,” dagdag pa nito.
“Santino!” Sigaw ng isang boses na kanina ay matapang na nagbibigay ng instructions.
“Tatay Andres,” bati naman ni Santino.
Nagkatinginan sina Chantal at Thunder, maging si Lolo Matias ay napalingon din sa kanila. Marahas na paghinga naman ng pinawalan ng kanyang lolo, na para bang alam na kung ano ang ginagawa ni Santino.
“Kumusta ka na, iho?” Tanong ni Mang Andres, sabay yakap kay Santino.
Kinabahan tuloy siya sa closeness ng dalawa, at nakaramdam din siya ng selos.
“Okey na okey naman ho. May kinailangan kasi akong i-deliver na laruan dito sa Gapan, kaya naisipan ko na ring dalawin kayo gaya ng ipinangako ko sa inyo,” nakangiting sabi ni Santino, sabay sulyap kay Thunder.
Base sa pagsulyap niya sa kanyang kapatid, para bang sinasabi nito na, “Pustahan, maaagaw ko sa’yo si Chantal!”
Itutuloy
CONTINUATION STORY - September 19, 2024
NAPANGISI si Santino dahil kitang-kita niya sa mukha ni Thunder ang pagkainis. Tiyak na kinakabahan na rin ito sa maaari niyang gawin.
“Paano mo nalaman ang lugar na ito?” Tanong ni Lolo Matias.
Bahagya siyang napapitlag dahil seryoso ang boses ng matanda.
“Tinulungan kasi ako ni Santino nu’ng mahilo ako habang naglalakad kami ng esposa ko,” wika ni Mang Andres.
Napangiti naman si Santino, para kasing sa paningin ng matandang lalaki ay ang bait-bait niya. Well, kahit naman talaga paano ay may kabaitan siya, lalo na sa matatanda.
“Bakit hindi ko nalaman ito?” Tanong naman ni Chantal.
Bigla namang napatitig si Santino kay Chantal. Doon niya mas na-realize na maganda pala ito, kaya hindi rin kataka-taka kung bakit ito nagustuhan ni Thunder.
“Masyado kang busy para ipaalam pa namin sa’yo. Saka, hindi ko nga alam kung concern ka pa sa amin ng ina mo.”
“Tatay naman…”
“Salamat talaga sa ginawa mo. Masasabi kong malaki ang utang na loob ko sa’yo. Tatanawin ko iyon habambuhay.”
“Ang mahalaga ho sa akin ay okey kayo,” marahan niyang sabi para magmukha siyang napakabait.
“Kung makakapamili nga lang ako ng mamanugangin, ikaw ang pipiliin ko,” wika pa ng matandang lalaki na lalong nagpangiti sa kanya.
Kung hindi nga lang niya napigilan ang kanyang sarili, tiyak na napahalakhak na siya. Kitang-kita niya kasi kung paano namutla si Thunder, at kung bibigyan siya ng pagkakataon na agawin si Chantal, gagawin niya ito.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 20, 2024
“ITAY…” naiinis na wika ni Chantal.
“Wala namang masama sa sinabi ko, ah?” Kunwa'y sabi ng kanyang ama.
Hindi man lang nag-react si Thunder sa sinabi ng kanyang ama, tiyak niyang nasaktan ito. Baka nga pakiramdam nito ay may sumapak sa kanya. Kaya naman agad niyang hinawakan ang kamay ni Thunder, pinisil niya iyon dahil gusto niyang ipaalam dito na mananatili siya sa tabi nito kahit na ano’ng mangyari.
“Boyfriend ko si Thunder at magkapatid sila!” buong diin niyang sabi.
“Pero hindi sila magkamukha,” wika ng kanyang ama.
Kahit na gusto niyang magtampo sa kanyang ama na kumokontra sa relasyon nila ni Thunder, napasinghap siya nang husto dahil narinig niya ang marahas na pagbuntong hininga ni Santino. Nang sulyapan niya ito, ang talim-talim ng tingin nito. Para tuloy gusto niyang isipin na mayroon kasamaang tumatakbo sa kanyang isipan. Ganundin kasi ang aksyon ng character niya sa kanyang mga nobela.
“Mahal ko si Thunder,” mariin niyang sabi.
“Mahal na mahal din kita,” wika naman ni Thunder.
“Marami ka pang kahoy na sisibakin, lalaki,” wika ng kanyang ama.
Para makasigurado ang ama niya ay iginiya na nito si Thunder sa kinalalagyan ng mga kahoy.
“Ano pang ginagawa mo rito?” Bad trip na tanong ni Lolo Matias kay Santino.
“Pinapahalata n’yo naman na ayaw ninyo akong makita,” wika ni Santino saka tumawa, pero mahahalatang kaplastikan lang iyon.
“Sabi ko nga sa inyo dadalawin ko si Mang Andres dahil naging close na rin naman kami.
Hindi ko naman alam na may kaugnayan pala sina Mang Andres at Chantal.”
“Ayokong maniwala,” sarkastikong sabi ni Lolo Matias.
Maski si Thunder ay gusto rin sabihin na ‘di siya naniniwala, pero pinigilan niya ang kanyang sarili. Basta ang alam niya ngayon, kailangan niyang mag-ingat kay Santino.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 21, 2024
HINDI man magsabi sa kanya si Thunder, alam niya na apektado ito sa presensya ni Santino na para bang ayaw umalis sa kanilang tahanan. Kunsabagay, paano nga naman nila mapapaalis si Santino kung ang ama niya mismo ang pumipigil dito?
Minsan nga’y nasabi ng ama sa kanya na may napipisil ito para sa kanya. Hindi niya iyon pinansin dahil nakapokus siya noon kay Santino. Kung nagkatugma lang sana ang gusto nilang mag-ama ng mga oras na iyon, wala sanang problema. Baka ang isipin pa niya na nakatadhana talaga sila ni Santino.
Ngunit, hindi na si Santino ang kanyang iniibig ngayon. Sa maikling panahon, nagawang tangayin ni Thunder ang kanyang puso.
“Alis muna tayo,” bulong niya kay Thunder.
Agad itong lumingon sa kanya. Kita sa mukha ni Thunder ang matinding pagod, maraming kahoy ba naman kasi ang pinasibak ng kanyang ama.
“Saan tayo pupunta?”
“Kahit saan, halika na,” wika niya sabay hila rito.
“Basta ang importante magkasama tayo,” dagdag pa nito.
Ang mga magulang niya ay abala sa pakikipagkuwentuhan kay Santino, kaya hindi na nila nakuha pang magpaalam. Nandu’n din naman si Lolo Matias, pero halatang hindi nito nae-enjoy ang usapan dahil iritado ito sa presensya ni Santino.
“Bumibilis ang tibok ng puso ko sa sinabi mo.”
Natawa siya, pero alam niyang hindi nagbibiro si Thunder. Dahil ganundin naman kasi ang nararamdaman niya.
“Sorry ha,” sabi niya pagkaraan ng ilang sandali.
Nakalabas na sila ng bakuran, pero hindi pa rin sila humihinto sa paglalakad. Kahit hindi niya tiyak kung saan sila pupunta, okey lang sa kanila, dahil ang importante para sa kanya ay kasama niya ang kanyang mahal.
“Para saan?”
“Hindi ko alam na kakilala ng tatay ko si Santino.”
“Naiinggit nga ako eh! Dahil ako ang boyfriend mo.”
“Huwag kang mag-alala dahil makukuha mo rin ang loob ni itay.”
“Sana nga.”
“Basta ako, mahal na mahal kita.”
Bigla naman silang napahinto, dahil ang daan na tinatahak pala nila ay patungo sa ilog, kaya naman rinig na rinig nila ang hampas ng mga alon.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 22, 2024
“BAKIT nandito tayo?”
Kumuot ng bahagya ang noo ni Chantal sa tanong ni Thunder. Para kasing may takot siyang naaaninag sa boses nito. Gayunman, pinili niya pa rin iyon balewalain. Baka naman kasi nagkakamali lang siya ng akala.
“Para ma-solo kita,” wika niya sabay kindat.
Ang ini-expect niya ay ngingiti ito, pero mas sumeryoso ito, kaya naman agad niyang tinanong kung masama ba ang loob nito.
“Ayaw mo ba akong makasama?”
“Ayoko sa tubig,” pagtatama nito.
“Bakit may aquaphobia ka ba?” Manghang tanong niya.
“Hindi ako naman ako sa tubig mismo natatakot, kundi sa tubig na nasa malawak na lugar tulad ng dagat, ilog at batis, Thalassophobia ang tawag sa nararamdaman ko,” anitong hindi makatingin sa ilog, pero makikita sa mga mata nito ang matinding takot.
Dahil nga sa takot na nakikita niya kay Thunder, minabuti na lang niyang igiya ito palayo sa lugar, pero ayaw niyang umuwi muna sa kanila. Mas gusto niyang makasama ang kanyang nobyo dahil gusto niyang alamin kung bakit ganu’n ang nararamdaman nito. Tiyak kasing may dahilan ito.
Hanggang sa makarating sila sa parke. Agad siyang umupo sa may swing at si Thunder naman ay tumayo sa kanyang harapan para awatin sa pag-ugoy ang swing. Wari’y nais nitong protektahan siya. Kahit tuloy gusto niyang magpa-uguy-ugoy hindi niya magawang ma-badtrip.
“So, bakit ka takot sa malawak na karagatan?” Tanong niya pagkaraan ng ilang sandali.
Malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan, at sabay sabing, “Muntik na kasi akong malunod nu’ng bata pa ako.”
“Why?” Gilalas niyang tanong.
“Tinulak ako ni Santino.”
“What?!” Gilalas niyang tanong.
“At habang nahihirapan akong lumangoy, nasa gilid siya ng pool at tawa nang tawa.”
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 23, 2024
PAKIRAMDAM ni Chantal ay napakatanga niyang nilalang kaya hindi niya agad nakita kung gaano kasama ang ugali ni Santino. Kunsabagay, baka naman si Thunder lang ang nakakaranas noon dahil nga kinaiinggitan ito ni Santino.
“Ang sama naman niya!” Hindi niya napigilang ibulalas.
Marahas na paghinga ang kanyang pinawalan, sa katunayan kasi paghanga lang talaga sa pisikal na hitsura ang dahilan kaya niya nagustuhan si Santino. Ngayong nalaman niya na ang lahat, mas lalong naglaho ang lahat ng paghanga niya rito.
“Gusto ko siyang maging close, pero sa tuwing lalapit ako sa kanya, sumisinghal siya. Hanggang sa dumating ang oras na lahat ng babaeng natitipuhan ko ay inaagaw niya. Hindi mo naman ako iiwan, ‘di ba?” malungkot na tanong nito.
Kilala niya si Thunder na punumpuno ng self confidence sa kanyang katawan, pero ngayon, takot ang nakikita niya sa mga mata nito. At ayaw niyang manatili ang lungkot at takot sa mga mata nito ng dahil sa kanya.
“Hindi mangyayari iyon,” buong diin niyang sabi, sabay haplos sa guwapo nitong mukha.
Ibig niyang pawiin ang sakit na nararamdaman nito.
“Alam ko na kung sino talaga ang makakapagpaligaya sa akin, at ikaw iyon.”
“Kahit na si Santino ang first love mo?” Dudang pagtatatanong nito.
“Hindi ko siya first love, bagkus, siya lang ang naging first crush ko.”
“Eh, ako?”
“My one and only love.”
Sa puntong iyon, ngumiti ito sa kanya. Iyon nga lang, parehas silang masyado lunod sa pagmamahal, kaya hindi na nila napansin ang mga matang matiim na matiim na nakatitig sa kanila.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 24, 2024
“TALAGANG gagamit ka pa ng ibang tao para lang masaktan mo ang apo ko?” Galit na sabi ni Lolo Matias. Matalim ang tingin nito sa kanya na nagpapahiwatig ng matinding galit.
Kahit na alam niyang hindi niya kadugo ang matandang lalaki, nasasaktan pa rin siya sa uri ng tingin at trato nito sa kanya. Marahil dahil minahal din niya ang matandang lalaki.
“Wala po akong ginagawang masama,” kunwa'y sabi niya ngunit alam niyang isa iyong matinding kasinungalingan. Pero, wala sa bokabularyo niya ang pag-amin.
Nang malaman niyang si Chantal Mendoza ang pag-ibig ni Thunder, agad siyang nag-research siya tungkol dito. Hindi mahirap alamin ang lahat tungkol sa babae, dahil malapit lamang ang pinagsusulatan nitong kumpanya sa Toy Factory. At doon nga niya nalaman na taga-Nueva Ecija ito.
Malaki ang impluwensiya ng mga magulang sa kanilang anak, kaya naman ginawa niya ang lahat ng paraan para makapasok sa buhay ng pamilya ni Chantal. Siguro kahit masama ang kanyang intensyon, may pumapabor pa rin sa kanyang desisyon, kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na tulungan ang mga magulang ni Chantal.
Ilang araw na niyang sinusubaybayan ang mga kilos ng mga ito, isang araw ay makaramdam ng panghihina si Mang Andres at napaupo sa kalsada. Ang misis naman nito ay nataranta kaya agad na sumigaw ng tulong. Kaya naman nakakuha siya ng pagkakataon makuha ang mga loob nito.
“Oh, come on…”
“Hindi ko nga ho alam na narito pala kayo.”
“Kunsabagay, ito na ang panahon para makaramdam ka ng kabiguan.”
Kumunot ang noo niya sa sinabi ng matandang lalaki, at sabay tanong, “Ano ang sinasabi ninyo?”
“Nagmamahalan sina Chantal at Thunder, kaya hindi mo na maaagaw pa si Chantal sa apo ko.”
Gusto niyang sabihin na una siyang nagustuhan ni Chantal, pero mas pinili na lamang niyang itikom ang kanyang bibig. Mahirap mapikon ang matandang lalaki, at baka maisipan nitong patalsikin siya sa Toy Factory.
Pero sa loob niya, alam niyang maaagaw niya rin ito kaya Thunder.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 25, 2024
“HINDI ka na ba talaga maaawat sa desisyon mo?” Malumanay na tanong ng kanyang ina.
“Inay…” wika niya sa halip na ituloy ang sasabihin. Ayaw niya kasing magbitiw ng mga salita na kanyang pagsisisihan. Ang mahalaga lang kasi sa kanya ngayon ay malaman nito pati na rin ng kanyang ama na hindi na mababago pa ang kanyang desisyon. “Para kang kidlat na pabigla-bigla sa pagdedesisyon. Hindi pa nga natin lubos na kakilala ang lalaking iyan! Saka, saan kayo nagpunta nu’ng nakaraan, bakit bigla na lamang kayong nawala?”
“Namasyal lang ho kami,” nahagilap niyang sabihin.
“Saka, masyado kayong abala sa mga papuri na ibinibigay n’yo kay Santino,” dagdag pa niya.
“Malaki ang tiwala namin sa binata na iyon, dahil hindi siya nagdalawang isip na tulungan kami,” masiglang sabi nito.
Kung sila lang talaga ni Santino, masisiyahan siya nang todo sa sinasabi ng kanyang magulang.
“Kaya rin namang gawin ‘yan ni Thunder,” wika niya.
“Subalit, si Santino ang nauna.”
“Ano’ng gusto ninyo, iwanan ko si Thunder at si Santino ang piliin ko?” Naiinis niyang tanong, pero pinili niyang sabihin iyon sa mahinang tinig.
Ayaw niyang maakusahang bastos sa pagtataas ng boses sa mga magulang, ngunit gusto niyang ipaglaban ang relasyon nila ni Thunder.
“Pag-isipan mo‘yan.”
“Sigurado na ho ako,” mariin niyang sabi. “Wala naman kaming magagawa kung sino ang pipiliin mong makasama sa habambuhay. Sinasabi lang naman namin kung ano ang aming opinyon, dahil mabait si Santino.”
“Kung hindi ho mabait si Thunder, hindi siya magsisibak ng kahoy. Ginawa niya iyon dahil gusto niyang ipakita sa inyo na…”
“Gusto kong makilala pa nang husto ang Thunder na iyan,” buong diin sabi ng kanyang ama na para bang hindi maaaring baliin ang sinabi.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 26, 2024
MASYADONG tahimik si Thunder kaya naman iba ang pakiramdam ni Chantal. Hindi niya alam ang detalye ng pinag-usapan nito at ng kanyang ama, pero pakiramdam niya ay hindi naging maganda iyon.
“May nasabi bang hindi maganda si tatay?” Tanong niya habang nasa biyahe sila.
“Wala.”
“Eh, bakit ka ganyan?” Dudang tanong niya. Para ngang gusto na niyang umiyak sa sobrang sakit na kanyang nararamdaman.
Subalit marahang tawa naman ang pinawalan ni Thunder na mas nagpakaba sa kanya. Para kasi ang plastic ng tawa nito.
“Ano’ng bakit ganito ako?” Wika nito, sabay lingon sa kanya.
Siya naman ay biglang natigilan. Kita kasi niyang parang nag-iilaw ang mga mata nito sa kasiyahan.
“Tahimik ka kasi.”
“Nagmamaneho kasi ako.”
“Pero madaldal ka kahit nagmamaneho ka,” giit niya.
“Nag-iisip lang ako.”
“Ang iniisip mo ba ngayon ay ‘yung pinag-usapan n’yo ni tatay? Ano ba kasi iyon?” Curious niyang tanong.
Desidido siyang alamin kung ano’ng pinag-usapan ng dalawa dahil parang nakaapekto iyon sa kanilang relasyon. Isa pa, hindi rin niya maiwasan ang magdamdam sa kanyang mga magulang, para kasing lahat na lamang ng gusto niya ay may kontra ang mga ito.
“Secret.”
“Maglilihim ka sa akin?”Malalim na buntong hininga ang pinawalan nito na para bang hindi na malaman kung paano nito lulusutan ang mga katanungan niya.
“Usapang lalaki kasi iyon. Hindi mo na dapat malaman.”
“Huwag mong masyadong intindihin itong si Thunder, basta ang natitiyak ko lahat ng ipinangako niya sa iyo ay matutupad. Dahil kung hindi, lahat ng mana niya sa akin ay mapupunta kay Santino.” Sambit ni Lolo Matias na mas lalong nagpakaba sa kanya.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 27, 2024
UTU-UTO ang tingin ni Santino kay Mang Andres, kaya naman todo ang pagkuha niya sa loob nito, para mas lalo nitong ‘di magustuhan si Thunder.
Sisiraan niya lamang sana si Thunder para mas ma-bad trip ang matandang lalaki, pero kapag ginawa niya iyon, sasama rin ang tingin nito sa kanya. Subalit nang sabihin ni Mang Andres na ‘di sila magkamukha ni Thunder, para siyang tinadyakan sa sikmura.
Noong hindi pa man, alam na niya ang totoo. Dati, mataas ang kumpiyansa niya sa kanyang sarili dahil marami ang nagsasabi na siya na siguro ang boy next door, pero habang tumatagal, mas dumarami ang nagkakagusto kay Thunder kesa sa kanya.
Kung tutuusin, mas malaki ang tiwala ni Thunder sa kanyang sarili kung ikukumpara kay Santino, hindi dahil meron silang negosyo, kundi meron din itong talento sa paggawa ng sasakyan.
Graduate ito ng kursong Mechanical Engineering at nag-take pa ito ng kursong Business Management. Dahil doon, mas maraming babae ang nagkagusto kay Thunder.
Ipinilig niya ang kanyang ulo, wala siyang pakialam sa mga babae, dahil ang tanging nais lang niya ay makuha ang babaeng natitipuhan ngayon ni Thunder.
“Ang sarap mo ho sigurong maging tatay. Ang suwerte naman pala ni Thunder.”
“May gusto ka ba sa anak ko?”
“Yes,” mabilis niyang sabi.
Nagawa pa niyang titigan sa mata si Mang Andres kahit na isa lang naman itong kasinungalingan.
“Kaso nga lang, naunahan na ‘ko ni Thunder.” Pagmamakaawa niya.
“Pero iho, hindi pa naman sila kasal.”
Na-excite siya sa sinabi nito at sabay sabing, “Okey lang ho sa inyo?”
“Ang mahalaga lang naman sa akin ay kung sino ang gusto at mahal ng anak ko.”
“Pero mahal ko rin ho si Chantal,” excited niyang sabi, habang nagniningning ang kanyang mga mata.
Gusto kasi niyang mapaniwala si Mang Andres sa malaking kasinungalingang pinagsasasabi niya.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 28, 2024
AYAW ni Thunder na magsinungaling kay Chantal, pero hindi niya maaaring suwayin ang bilin ni Mang Andres na huwag sabihin kahit kanino ang kanilang napagkasunduan.
Pinababalik kasi siya ng matandang lalaki sa Nueva Ecija, para raw makapag-usap sila. Napabuntong hininga siya dahil kinakabahan siya sa maaari nilang pag-usapan. Ang naisip niya kasi agad ay maaring palayuin siya nito kay Chantal, obyus naman kasing malapit ito kay Santino.
“Hindi maaari,” mariin niyang sabi sa kanyang sarili.
Nagmamahal sila ni Chantal, kaya nararapat lamang na sila ang magkatuluyan.
“Huwag mo na lamang intindihin ang sinabi ni tatay,” wika ng nagpa-panic na boses ni Chantal.
Sa boses nito ay mahahalata ang takot dahil doon, mas napatunayan niya na pinahahalagahan nga siya ng dalaga.
“Mapag-unawa ka nga,” natatawa niyang sabi.
Kinuha niya ang kamay ni Chantal para mas maramdaman nito na kahit ano’ng mangyari hindi niya ito iiwan.
“Kilala ko kasi ang magulang ko.”
Gusto niya sanang kontrahin ang sinabi ni Chantal, kaso nga lang, hindi rin naman ganu’n kalalim ang pagkakakilala niya sa magulang ng babaeng kanyang pinakamamahal. Basta nakakasigurado siya na kahit na ano’ng mangyari ipaglalaban niya ang pagmamahalan nila ni Chantal.
“Kumontra man sila o hindi, hindi pa rin nila tayo mapaghihiwalay.” buong diin sabi niya.
“Mapapanindigan ba natin ‘yan?” Dudang tanong niya.
“Oo naman! Sure na sure.” Buong diin niyang sabi.
Samantala, pakantang sumingit naman si Lolo Matias ng, “Iba talaga ang nagagawa ng salapi.”
Gilalas siyang napatingin sa matandang lalaki na para bang siya ang pinariringgan.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 29, 2024
SALAPI nga lang ba ang dahilan?
“Saan ka pupunta?” Gilalas na tanong niya kay Thunder.
Nagpaalam kasi ito sa kanya na mawawala muna siya ng ilang araw. Siyempre, hindi niya maiwasan ang mag-panic, dahil maging si Lolo Matias ay napahinto rin sa pagkain.
“May importante lang akong aasikasuhin,” wika nito.
Kumunot ang noo niya. Hindi niya maiwasan ang magtaka kung bakit parang hindi ito makatingin sa kanya. Mayroon ba itong nililihim?
“Ano’ng oras ka babalik?” Matabang niyang tanong.
“Mga tatlong araw din ako mawawala,” anito.
“Ang tagal naman!” Sambit ni Lolo Matias.
Biglang napatingin si Chantal sa matandang lalaki, para kasing gusto niyang magkaroon ng pag-asa. Kung aawatin kasi ni Lolo Matias si Thunder, tiyak na magpapapigil ito.
“Kailangan ko kasing matapos ang responsibilidad ko,” wika ni Thunder.
Marahas na buntong hininga ang pinawalan ni Lolo Matias, at sabay sagot ng, “Ikaw ang bahala!”
Wari'y iyon ang magic words na hinihintay ni Thunder, bago ito tumayo para magmano kay Lolo Matias at humalik sa kanyang pisngi.
“Mauuna na ako.”
“Sa isang relasyon, hindi lang dapat puro pagmamahal, kailangan mo ring matutong magtiwala at rumespeto,” wika ni Lolo Matias.
Sila na lang ang nasa mesa, kaya tiyak na siya ang kinakausap ng matandang lalaki.
“Alam ko naman ho iyon.”
“Huwag ka na malungkot.”
Tumango siya, pero napakahirap gawin. Ilang oras pa nga lang na hindi niya nakikita si Thunder, nalulungkot na siya, paano pa kaya kung lumipas ang isang araw?
“Chantal, iniisip mo bang may babae si Thunder?” Tanong ng boses mula sa kanyang likuran.
Nasa may balkonahe kasi siya ng mga oras na iyon, dahil nga hinihintay niya ang pagbabalik ni Thunder.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - September 30, 2024
DALAWANG araw na mula nang umalis si Thunder, pero ‘di man lang ito tumawag.
Sobra siyang nasaktan, at pakiwari niya ay hindi nito pinahahalagahan ang kanyang damdamin. Para tuloy gusto niyang humagulgol. Ngunit, napagtanto niyang mahirap gawin iyon kung uutusan niya lang ang sarili niyang damdamin.
“Nawawalan ka na ba ng tiwala kay Thunder?” Tanong ni Lolo Matias.
Kahit na hindi niya ito lingunin, kilalang-kilala niya ang boses nito, o baka naman may ibang dahilan kaya ayaw niyang lumingon?
Isang malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Baka naman kasi kaya ayaw niyang lingunin ito ay dahil sa natatakot siyang mag-ibang anyo ito.
Napabulalas tuloy siya ng, “Shucks,” dahil muli na naman niyang naalala ang naging usapan nila ni Santino.
“Walang babae si Thunder,” inis niyang sagot sa tanong ni Santino.
Kung dati’y pumipintig ang puso niya dahil sa paghanga rito, ngayon ay pumipintig ang puso niya dahil sa galit.
“Paano ka nakakasiguro?”
“Dahil alam kong mapagkakatiwalaan siya.”
“Pero kailan mo lang siya nakilala ah?” Paalala nito sa kanya.
“Mas nauna ko siyang nakilala kesa sa’yo,” wika niya.
“Kung minsan kasi, hindi sapat na nakikita mo lang siya para lubos mong makilala ang isang tao, kailangan alam mo rin ang tumatakbo sa kanyang puso't isipan, ‘yun bang mula sa favorite color hanggang sa the most embarrassing moment.” Dagdag pa ni Santino.
Matapos niya maalala ang naging usapan nila ni Santino, muli niyang tiningnan si Lolo Matias.
“Hindi n’yo naman ako masisisi, dahil hanggang ngayon ay wala pa siya na para bang hindi niya pinahahalagahan ang damdamin ko,” matamlay niyang sagot sa katanungan ni Lolo Matias.
“Hindi totoo ‘yan, dahil wala siyang ibang inisip kundi ikaw,” sambit ng matanda.
Hindi niya na alam kung maniniwala pa ba siya sa sinasabi ni Lolo Matias.
“Mahal mo ba talaga ang apo ko?” Biglang tanong nito.
“Mahal na mahal po,” mabilis niyang sagot
“Nirerespeto mo rin ba siya?”
Kumunot ang noo niya sa tanong nito. Gayunman sinagot pa rin niya ito.
“Yes po.”
“May tiwala ka ba kay Thunder?”
Gusto niya na magsalita ng ‘yes’ pero parang may bumara sa kanyang lalamunan.
“Tandaan mo, ang tiwala at respeto ang pinakaimportante sa relasyon. Hindi lang puro pag-ibig.”
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 1, 2024
MARAHAS na buntong hininga ang pinawalan ni Thunder habang naglilinis ng kural ng baboy. Wala naman siyang problema sa ginagawa niya, lalo na para ito sa kanyang minamahal.
Ang kaso nga lang, maski ang cellphone niya ay kinuha rin ni Mang Andres, para umano makasigurado ito na hindi siya makakatawag kay Chantal.
Ang nais talaga niya ay makuha ang loob ng kanyang minamahal, kaya handa niyang gawin ang lahat para kay Chantal. Muli siyang napabuntong hininga sa kaisipang nag-aalala na ito sa kanya, o baka nga nagagalit na ito dahil wala man lang siyang paramdam.
Ang panalangin niya ay sana sapat ang pag-ibig nito sa kanya para hindi nito maisip na lolokohin at sasaktan niya lang ito. “Ang saya-saya na ng mga baboy ko ah,” wika ni Mang
Andres.
Bahagya siyang napaunat sa pagkakatayo para lingunin ito. Nagniningning sa sobrang katuwaan ang mga mata nito, kaya hindi niya malaman kung dahil ba ‘yun sa ginawa niya, o dahil sa kanyang hitsura. Ilang beses din siyang nadulas kanina, kaya naman ang puro putik na ang kanyang damit. Du’n din siya nagsisi kung bakit pa siya nagpantalon at nag-white t-shirt.
“Narito kasi ang kuya nila,” natatawa niyang sabi.
Humalakhak ito, at sabay sabing, “Hindi ka naman mataba.”
“Pero marumi naman ho.”Lalo itong humagalpak ng tawa, maski siya ay napangiti rin.
Tiyak niya kasing ang tawa nito ay walang halong kaplastikan. Talagang gusto nitong iparamdam sa kanya na nasisiyahan ito.
“Maglinis ka na ng katawan mo kung tapos ka na riyan. Maligo kang mabuti para hindi kumapit sa katawan mo ang amoy ng dumi ng baboy,” natatawa pa rin nitong sabi sa kanya.
Napabuntong hininga tuloy siya. Kanina pa nga niya naaamoy ang kakaibang baho sa kanyang katawan, pero hindi niya iyon pinapansin.
Ang nais niya kasi ay mabigyan ng kasiyahan ang kanyang future biyenan. At sa palagay naman niya ay nagtagumpay siya na makuha iyon.
“Kailangan mong mag-ingat kay Santino,” wika nito pagkaraan.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 2, 2024
LABIS na nalulungkot si Chantal, pero hindi niya iyon magawang ipakita kay Lolo Matias.
Panigurado kasing madi-disappoint ito sa kanya, at ayaw niya iyon mangyari. Pumikit siya at nagpawala nang malalim na buntong hininga. Hindi rin kasi niya maiwasan ang manamlay.
“Mas maigi siguro kung mamamasyal ka muna,” wika ni Lolo Matias.
Gusto sana niyang tumanggi, pero naisip niyang tama ito. Mas magiging okey ang pakiramdam niya kung may gagawin siya. Kaya naman, naisipan niyang pumunta sa publication dahil tiyak na mayroon na siyang tseke.
“Pupunta lang po ako sa publication,” wika niya.
“‘Yun bang katabi ng factory?”
“Yes po.”
“Mag-ingat ka na?” Marahang sabi nito.
Gusto sana niyang isipin na ang salita nito ay may kaakibat na concern, pero isang bahagi ng kanyang isipan ang nagsasabing isa iyong babala.
“Palagi naman ho akong nag-iingat. Alam ko naman ho na hindi lahat ng lalaki sa panahong ito ay maginoo pa.”
“Mabuti naman at alam mo.”
“Alam na alam ho.”
“Malayung-malayo ang apo isa ko sa mga ganu’ng lalaki.”
“Alam ko naman po iyon. Maayos n’yo ba naman ho kasing napalaki sina Thunder.”
“Sa apo ko lang ako nakakasigurado, dahil apo ko siya, kaya may ideya ako sa kung ano’ng tumatakbo sa puso't isipan niya.”
“Kayo rin naman ho nagpalaki kay Santino.”
“Hindi ako, kundi ang kanyang mga magulang. Saka, hindi ko gusto ang ugali ni Santino kahit noong bata pa siya. Ramdam ko na marami siyang itinatago.”
Kitang-kita niya ang pagkislap ng mga mata ni Lolo Matias nang banggitin niya ang pangalan ni Thunder. Kunsabagay, ganundin naman ang reaksyon niya sa tuwing binabanggit at naaalala niya ito.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 3, 2024
“BAKIT narito ka na naman?” Naiiritang tanong ni Lolo Matias.
Nakatingin si Chantal sa bagong dating na si Santino, kaya kitang-kita niya ang pagkabigla at pagkadismaya nito. Nakaramdam tuloy siya ng awa kay Santino. Pero, hindi naman niya magawang sisihin ang matandang lalaki.
Ayon nga sa kuwento nito, lahat ng gusto ni Thunder ay inaagaw nito, at hindi malayong mangyari iyon sa kanya.
Kahit na nagkagusto rin siya kay Santino, nasaktan siya sa sinabi ni Lolo Matias. Para kasing pinaparamdam din nito sa kanya na hindi siya mapagkakatiwalaan.
“Dinadalaw kita,” nakangiting sabi ni Santino.
“Dinadalaw mo ako, o may iba kang tina-target?” Sarkastikong tanong nito.
Natawa si Santino, “Hindi ko ho alam ang sinasabi mo.”
“Alam kong alam mo ang ibig kong sabihin,” mariing sabi ng matandang lalaki.
“Lolo…”
“Dalhin mo na ako sa silid ko,” buong diing sabi ni Lolo Matias. Sa tingin niya ay maaatake na ito sa sobrang galit, kaya sinunod niya ito. Inalalayan niya ito nang husto para makatiyak siya na hindi ito babagsak.
“At ikaw, umuwi ka na!” Wika nito kay Santino,
“Hindi ko ginagawa ito para iparamdam kay Santino na hindi kami magkadugo. Gusto lang kitang ilayo sa kapahamakan.”
“Masamang tao ho ba si Santino, sa palagay ninyo?”
“Naging hobby na ni Santino ang agawin lahat ng gusto ni Thunder. At dahil mahal ka ni Thunder, nakasisiguro ako na hindi siya titigil.”
“Huwag ho kayong mag-alala, dahil hindi naman ho ako magpapaagaw.”
Malalim na buntong hininga ang pinawalan ni Lolo Matias, at sabay sabing, “Wala akong tiwala kay Santino, kaya ipangako mo sa akin na hindi ka sasama sa kanya anuman ang mangyari.”
Kumunot ang kanyang noo, pero sumagot pa rin siya ng, “Wala po akong balak na sumama sa kanya, dahil ayokong mag-isip ng anuman si Thunder,” mariin niyang sabi kahit na nakakaramdam na siya ng kaba.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 4, 2024
MATALAS ang pakiramdam ni Lolo Matias, kaya alam na alam niya na hindi mapagkakatiwalaan si Santino.
Gayunman tiyak niyang mahal ni Chantal si Thunder, ngunit hindi pa rin siya nakatitiyak kung dapat nga ba niyang paniwalaan ang mga aksyon ni Santino.
Ang mansyon na tinitirahan niya ay pag-aari ng mga Morales, kaya dapat lamang na kay Thunder niya ito ipamana, dahil si Thunder lang naman ang tunay niyang apo.
Ang mansyon naman na tinitirahan ni Santino ay sa mga magulang ni Thunder, pero dahil itinuturing ng mga itong anak si Santino, mas minabuti ni Thunder na ibigay ito sa kapatid niya. Isa pa, afford naman niya ang bumili ng sariling bahay.
Pero, kahit gaano kagaling si Thunder, meron pa rin itong kahinaan, at iyon ay ang pag-ibig.
Nakasisiguro kasi siya na mahal na mahal nito si Chantal, at ‘yun nga rin ang dahilan kung bakit wala ito ngayon.
Hindi kayang maglihim ni Thunder sa kanyang lolo, kaya alam ni Lolo Matias na sa Nueva Ecija siya tutungo upang kunin ang loob ng mga magulang ni Chantal.
Ang mahigpit lang na bilin sa kanya ni Thunder ay huwag na huwag sasabihin kay Chantal.
Kaya habang wala si Thunder, kailangan niyang bantayan ang babaeng mahal na mahal nito. Hindi siya papayag na may mangyaring masama kay Chantal. Hindi man niya masasabi na close siya kay Santino, pero alam niya ang ugali nito. Malaki ang insecurity nito kay Thunder, kaya gagawin nito ang lahat para makuha ang gusto ni Thunder, at siyempre isa na si Chantal du’n.
Napabuntong hininga si Lolo Matias, wala na ang mga magulang ni Thunder, pero parang gusto niyang sisihin ang mga ito dahil na-spoil si Santino. Kung siya nga lang ang masusunod, hindi niya hahayaan na magtrabaho ito sa Toy Factory, dahil kung tutuusin, wala itong karapatan sa pagmamay-ari ng kanilang pamilya.
“Mabuti naman kung ganu’n,” nasisiyahang sabi niya kay Chantal. Ramdam din niya ang pagmamahal ng dalaga kay Thunder.
“Sana umuwi na ho si Thunder. Miss na miss ko na siya,” matamlay nitong sabi.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 5, 2024
“HINDI lahat ng umaalis ay hinihintay,” wika ng boses sa kanyang likuran.
Kilalang-kilala niya ang nagsalita, kaya agad niya itong nilingon.
Napabuntong hininga si Chantal. Naisip niya kasi na talaga ngang nagbago na ang kanyang damdamin kay Santino. Hindi na pumipintig ang puso niya sa tuwing nakikita niya ang binata. Pero, hindi niya maiwasan ang makaramdam ng kaba. Parang sinasabi ng kanyang puso, kailangan niyang mag-ingat sa taong ito.
Bigla tuloy niyang naalala ang sinabi ni Lolo Matias na handa nitong gawin ang lahat
para lamang maagaw ang gusto ni Thunder.
“Sinusundan mo ba ako?” Inis niyang tanong dito.
Kasalukuyan kasi siyang nagbabasa ng pocketbook, tapos bigla na lamang siyang iistorbohin nito. Pakiramdam niya kasi ay parang nasa ibang mundo siya, at bigla siyang hinilang pabalik sa tunay na mundo kaya nakaramdam siya ng matinding pagka-bad trip.
“Binabasa mo pa ang librong sinulat mo?” Hindi makapaniwalang tanong nito.
“American book ito.”
Bahagyang tawa ang pinawalan nito, at sabay sabing, “Akala ko kasi sa iyo.”
Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Sa katunayan, wala naman talaga siyang balak bilhin ang libro. Nakaugalian niya lang talaga ang magbasa-basa, lalo na kapag nasa loob siya ng bookstore. Pero dahil nga sa presensiya ni Santino, ayaw na niyang manatili pa.
“Sige, una na ako.”
Agad siyang nagtungo sa counter. Buong akala niya ay susundan pa siya ni Santino, pero hindi pala.
“Bayad n’yo po?” Tanong ng kahera.
Mabilis naman siyang kumuha ng pambayad. At siyempre nang mabayaran niya iyon, agad siyang tumalilis palayo. Mabilis siyang naglakad paglakad dahil pakiramdam niya ay mayroong kapahamakan na naghihintay sa kanya.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 6, 2024
“ITO na ang pagkakataon mo para makuha ang gusto mo!” Mariing sabi ni Santino sa kanyang sarili.
Malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan, dahil habang tinitingnan niya palayo si Chantal, nakaramdam siya ng panggigigil. Kung dati kasi ay todo ang pagpapapansin nito sa kanya, ngayon ay dinededma na lang siya ng dalaga.
Maaari ngang maganda si Chantal, at malakas ang appeal, pero hindi pa rin ang katulad nito ang type niya. Kaya nga nu’ng panay ang pagpapa-cute nito sa kanya noon, tinatawanan lang niya ito. Tiyak niya kasing isa lamang ito sa mga babaeng nababaliw sa kanya.
Ngunit, hindi niya lubos akalain na isang araw ay agad nitong makukuha ang kanyang atensyon. Ang nais lang niya ay pansinin siya nang pansinin ng mga babae, sa tuwing ganu’n kasi ang nangyayari, feel niya ang guwapo niya.
Muli na naman siyang nabuwisit nang mag-flash sa kanyang isipan ang tinging ibinibigay ni Chantal kay Thunder. Nakatitiyak kasi siya na mahal na mahal na nito ang kanyang kapatid na hilaw.
At iyon ang hindi niya hahayaang mangyari. Kailangan niyang bawiin ang pagmamahal na dapat ay sa kanya. Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Nakakaramdam siya ng inis, kapag naaalala niyang inagaw ni Thunder ang
pagmamahal ng kanilang mga magulang. Mas nadoble pa ito nang nalaman niya ang tunay niyang pagkatao.
“Hello ulit,” wika niya nang salubungin niya si Chantal.
“Nandito ka pa rin?” Gulat na tanong ni Chantal.
“Obviously,” wika niya. Pagkaraan ay ngumiti siya nang matamis para matabunan ang sarkastikong tono niya.
“Eh, kasi nandito ka pa,” dagdag niya.
“Bakit kailangan mo kong hintayin?”
“Gusto kasi kitang yayain mag-lunch,” masigla niyang sabi. “Gusto ko lang makilala nang husto ang future sister-in-law ko. Sa tingin ko rin kasi ito na ang tamang panahon para magkaayos kami ng kapatid ko,” dagdag pa nito.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 7, 2024
GUSTONG tumanggi ni Chantal, dahil kailangan niyang isaksak sa kanyang isip ang babala sa kanya ni Lolo Matias.
Nang maisip niya si Thunder, parang may malaking kamay na lumalamutak sa kanyang puso, dahilan upang nakaramdam siya ng sakit.
Apat na araw na rin ang nakakaraan, pero hindi pa rin ito bumabalik. Pakiramdam niya tuloy ay ayaw na siya nitong makita.
Napabuntong hininga siya, kung mahal talaga siya nito, bakit hindi man lang nito magawang tumawag sa kanya? Ibig niyang magtiwala kay Thunder, dahil mahal na mahal niya ito, pero paano niya gagawin iyon kung wala siyang ideya kung saang lupalop ito naroroon ngayon?
“Chantal…?”
“Ha?”
Kung saan-saan na kasi naglakbay ang kanyang isip. Iyon nga lang, hindi niya alam kung saan iyon magla-landing. Basta ang alam niya, si Thunder lang ang laman ng kanyang isip at damdamin.
“Okey ka lang ba?” Tanong nito habang nilalagyan siya ng pizza sa plato.
Parang siyang hinahaplos sa tono ng pananalita nito. Gayunman, isang bahagi ng kanyang isipan ang nagsasabing hindi siya dapat magpadala sa emosyon.
“Oo naman.”
“Okey lang kayo ni Thunder?”
“Oo naman.”
Natatakot siyang baka mabasa nito ang kanyang problema, dahil wala naman siyang intensyon na ibahagi rito ang nangyayari sa kanila ni Thunder.
“Siguro naman napatawad mo na siya, ‘no?”
Gilalas siyang napatingin dito, at sabay sabing, “Ano’ng ibig mong sabihin?”
Bigla itong natigilan, pero sa tingin niya ay gumagawa lang ito ng kuwento. Isa siyang manunulat, kaya lahat ng aksyon ay binibigyan niya ng kahulugan.
“Hindi mo pa ba alam?” Kunwa'y gulat nitong tanong.
“Ang alin?”
“Pinaibig ka lang ni Thunder, dahil alam niyang gusto mo ako, at nagtagumpay nga siya. Iyon nga lang, kailangan mong malaman na may expiration ang pag-ibig niya. Mangyayari lang iyon kapag nalaman ni Thunder na mahal mo na siya.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 8, 2024
“HINDI totoo yan,” mariing sabi ni Chantal.
“Wala akong magagawa kung hindi mo ako paniniwalaan. Pero, talaga bang hindi ka naniniwala, o ayaw mo lang itong tanggapin?” Sarkastikong tanong nito.
Isang malalim na buntong hininga ang pinawalan ni Chantal. Sa palagay niya ay napakalaking pagkakamali na pumayag pa siyang sumabay ng lunch kay Santino. Ang nais sana niya ay mas maunawaan ito, at maging daan para magkaayos ang magkapatid.
Napangiwi lang siya, dahil mas nagmukha siyang tsismosa, kahit na ang intensyon naman niya ay maganda. Well, pakiramdam din kasi niya ay puwede siyang maging tulay sa pagkakaayos ng dalawa tutal si Santino naman ang naging rason kung bakit sila nagkakilala ni Thunder.
“Salamat sa lunch,” wika na lang niya pagkaraan.
“Ihahatid na kita.”
Umiling siya, at sabay sabing, “Huwag na.”
“But I insist.”
Kung noon siguro iyon ginawa ni Santino, tiyak na kikiligin siya nang husto, pero iba na ang sitwasyon ngayon. Nag-iba na rin ang kanyang damdamin, kaya muli siyang umiling.
“Gusto ko lang…”
“Huwag ka na makulit,” inis niyang sabi.
Marahil ikinabigla rin nito ang pagtataas niya ng boses, kaya naman tumayo na siya at umalis.
Hindi man ito nakasunod sa kanya, ramdam niyang nakasunod ang tingin nito sa kanya. Pero, wala siyang pakialam sa kung ano’ng iniisip nito, dahil mas gusto niyang makalayo na lang dito.
Bigla lang siyang napahinto sa kanyang paglalakad nang bigla siyang may naisip. Ang sabi kasi ni Santino sa kanya ay gusto siya nitong makilala bilang future hipag, pero nang magkaharap sila ay parang ang layunin nito ay sirain si Thunder.
“Naninira nga lang ba si Santino?” Sarkastikong tanong niya sa sarili.
Hindi ba ang layunin lang naman ni Thunder noon ay mapaniwala si Lolo Matias na nagmamahalan sila? Ouch, masyado lang yata siyang umasa. Kaya naman ngayon, sobra siyang nasasaktan.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 9, 2024
BIGLANG natigilan si Thunder. Mula kasi sa malayo ay tanaw na tanaw niya ang pagmamadali ni Chantal.
Susundan na sana niya ito, pero nakita niyang nakasunod si Santino. Bigla tuloy nawala ang matamis niyang ngiti.
Ang sabi ni Lolo Matias sa kanya ay malungkot na malungkot si Chantal mula nang mawala siya. Siyempre ang iisipin ng matandang lalaki ay mahal na mahal siya ni Chantal. Iyon nga rin ang naisip niya habang sinasabi ng kanyang lolo ang mga salitang ‘yun.
Ngunit, biglang nag-iba ang timpla niya mula nang makita niya si Santino. Ang agad kasi niyang naisip ay tiyak na gumagawa na naman ito ng paraan upang magkaroon ito ng pagkakataon na mapormahan ang kanyang mahal.
Bigla tuloy nag-flash sa kanyang isipan ang pagbabahagi ni Lolo Matias kung paano niya tabuyin si Santino sa kanilang mansyon, ramdam din kasi ng kanyang lolo na gusto nitong agawin si Chantal. Naisip din niya na baka kaya naman palaging malungkot si Chantal ay dahil nawawalan ito ng pagkakataon na makasama si Santino?
Umiling-iling siya dahil gusto sana niyang maitaboy sa isipan niya ang ideya na iyon. Gusto niyang maniwala at magtiwala sa kanyang fiancée, pero hindi rin niya mapigilang isipin na si Santino ang talagang gusto nito, at napakasakit nu’n para sa kanya.
Umasa kasi siya na hindi na maaagaw ni Santino si Chantal, subalit parang nangyayari na ang kanyang kinatatakutan. Ibig ng utak niyang paliparin ang sasakyan para sundan at komprontahin si Chantal, pero muli na namang nagbago ang kanyang isip.
So, ano’ng dapat niyang gawin?
Ibig muna niyang makalimot, kaya ginawa na lamang niya ang kanyang naisip. Hinarurot niya ang sasakyan, umaasang sa pamamagitan nu’n pati ang sakit na nararamdaman niya ay maglaho.
Bigla ring pumasok sa isip niya ang isang alaala na sinabi sa kanya noon ni Santino, “Hindi ka magiging masaya kailanman kapatid ko, dahil lahat ng gusto mo ay aagawin ko. Gusto kong maramdaman mo ang sakit na naramdaman ko mula nang agawin mo ang pagmamahal ng mga magulang natin”
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 10, 2024
MAY karapatan nga ba siyang magselos, gayung alam na niyang isa siyang ampon? Bumigat ang kanyang dibdib, para kasing may nagsasabi sa kanya na wala siyang karapatan para makaramdam ng selos kay Thunder.
Ngunit sa pagkakataong ito, hindi na ang kinilala niyang magulang ang dahilan kung bakit siya nakakaramdam ng matinding selos, at ito ay dahil na kay Chantal.
Noon pa naman kasi ay nagagandahan na siya rito. Kung hindi lang si Thunder ang nakarelasyon ni Chantal, wala naman talaga siyang pakialam, ang kaso sinabi niya sa kanyang sarili na lahat ng gusto ni Thunder ay aagawin niya, kaya iyon ang dapat niyang gawin.
Napangisi lang siya nang makita niya ang kotse ni Thunder, tiyak niyang nakita siya nito. Hindi ito nagpakita kay Chantal, kaya naisip niyang inakala nito na magkasama sila ni Chantal. Well, totoo namang magkasama sila.
Bigla tuloy siyang napangisi at hinagilap niya ang kanyang cellphone. Sa kanyang isipan ay nakita niyang rumehistro ang mukha ni Lolo Matias, subalit wala siyang pakialam kahit magalit pa ito. Saka, hindi naman kasinungalingan iyon, dahil magkasama naman talaga sila ni Chantal. “Ang sweet pala ng fiancée mo ‘no?” Nakangising text niya kay Thunder.
Wala siyang pakialam kung nagmamaneho ito, basta ang gusto niya ay mabuwisit ito.
“‘Yun ay kung magkakatuluyan pa kayo, sabi kasi niya sa akin, first crush niya raw ako.” Dagdag pa nito.
Hindi man nag-reply sa kanya si Thunder, tiyak niyang galit na galit na ito ngayon. Kilala niya ito, dahil mas pinipili ng binata ang manahimik kesa patulan siya.
Kapag nagkataong nag-break sina Chantal at Thunder, agad niyang liligawan si Chantal.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 11, 2024
“HINDI ba kayo nagkita ni Thunder?”
Biglang napahinto si Chantal sa tanong na iyon ni Lolo Matias. Mabilis na tumibok ang kanyang puso, dahil sa balitang kanyang narinig.
“Dumating na ho si Thunder? Sinundan niya ba ako sa mall?” “One hour ago pa. Ikaw nga ang una niyang hinanap pagpasok niya rito sa bahay,” natatawang sabi ni Lolo Matias.
“Bakit hindi niya ako tinawagan?”
“Gusto ka nga raw niyang sorpresahin. Miss na miss ka na raw kasi niya. Sinasabi ko ito, dahil ‘yun ang nangyari,” marahan at mariing sabi nito.
Napangiti nang husto si Chantal, tiyak na sandamakmak na langgam na naman ang gagapang sa kanya.
“Baka ho nakauwi na ako nang dumating siya?” Wika niya.
“Ang bilis mo naman, kala ko ba maghapon kang mag-iikot?”
Hindi sumagot ang dalaga, bagkus napabuntong hininga pa siya.
“May problema ba?” Pag-uusisa ni Lolo Matias.
“Nandu’n din po kasi si Santino,” nakasimangot niyang sinabi. Ayaw naman niyang maglihim sa matandang lalaki, kaya kahit na alam niyang maiinis ito, naging tapat pa rin siya rito.
“See? Desidido talaga si Santino na agawin ka kay Thunder!” “Hindi naman niya ho ako maaagaw, at wala ho akong balak na magpaagaw sa kanya.”
“Maigi, naniniwala naman ako sa iyo. Ramdam ko namang mahal na mahal mo ang aking apo,” nasisiyahang sabi nito.
“Sana umuwi na ho si Thunder, ‘no?”
Biglang nag-ring ang telepono. Naisip niyang si Thunder ang tumatawag, kaya agad niya iyong sinagot. Masiglang-masigla pa ang boses niya nang mag-hello sa telepono.
“Magandang hapon po. Dito ho ba nakatira si Thunder Morales?” Marahang tanong ng lalaking parang puno ng kapangyarihan ang tinig.
“Dito nga ho.”
“Huwag ho kayong mabibigla, pero naaksidente siya. Kailangan na ninyong pumunta rito sa ospital,” wika nito.
Hindi niya alam kung naitanong ba niya ang pangalan ng ospital, gayunman bigla tumulo ang kanyang luha sa labis na pag-aalala sa kanyang iniirog.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 12, 2024
HINDI man madasalin si Chantal, pero sa pagkakataong ito, natawag na niya lahat ng santo.
Siyempre ayaw niyang mapahamak si Thunder. OA man sa iba, pero handa niyang ipagpalit ang kanyang buhay para sa kanyang iniirog. Kasi kung magkataong iwan din siya ni Thunder, tiyak na para na rin siyang pinatay.
Hindi naman malala ang aksidente ni Thunder, dahil gumana naman ang airbag ng kanyang minamaneho. ‘Yun nga lang, hindi ito naka-seatbelt kaya malakas pa rin ang paghampas ng mukha nito sa airbag.
“Ligtas na si Thunder, apo,” wika ni Lolo Matias.
“Pero, hindi pa rin ho siya nagigising. Miss na miss ko na si Thunder.”
“Sigurado akong miss na miss ka na rin niya,” wika ng matandang lalaki.
“Kaya nga ibig niyang makita ka agad. Sabi nga ni Thunder, gusto ka niyang yakapin, kaya huwag mo na sisihin ang iyong sarili, dahil wala ka namang kasalanan. At kung sisisihin mo lang din ang sarili mo, aba’y mas dapat kong sisihin ang aking sarili. Ako ang nagpumilit kay Thunder na puntahan ka.”
Oh, para tuloy gusto niyang umiyak ng mga sandaling iyon.
“Kung hindi rin naman ako umalis nu’ng araw na iyon, hindi na niya ako kailangan pang hanapin.” Malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan.
“Kumain na muna tayo.”
“Wala ho akong gana.”
“Paano naman ako?”
Kumunot ang noo nito, at sabay sabing, “Magugutom ako, at kapag nagutom ako, magkakasakit ako. Lagot ka kay Thunder, dahil tiyak na magagalit iyon sa iyo . Gusto mo bang magalit ang mahal mo?”
Tatanggi pa sana siya, kundi lang siya niyaya muli ni Lolo Matias na kumain. Sa katunayan, kumakalam na rin naman ang kanyang sikmura. Ngunit pagkatapos nila kumain diretso na sila sa sweet room ni Thunder. Umuungol ito ng datnan nila, kaya naman agad niya itong nilapitan.
“Gising na siya.” matamis na sabi ni Chantal.
Ibig sabihin kasi nu’n ay makakakuwentuhan at makakasama na muli niya si Thunder.
“Sino ka?” Gilalas na tanong ni Thunder nang makita siya.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 13, 2024
KUNOT na kunot ang noo ni Thunder nang tanungin niya ang kanyang fiancée kung sino ito.
Gusto sanang isipin ni Chantal na nagbibiro lang ito, kaya naman todo-ngiti pa rin siya. Gusto niyang ipakita na hindi ito naniniwala sa birong sinabi ni Thunder. Ngunit, nananatili pa rin itong seryoso. Kaya, unti-unti ring nawala ang kanyang ngiti.
Nagsimula na rin kasi siyang mag-alala. Paano naman kasi niya hindi gagawin iyon kung natitigan niya muli si Thunder, at napansin niya ang benda nito sa noo.
“Omg! Nagka-amnesia ka?” Hindi makapaniwalang tanong niya.
“Ano?” Gilalas na tanong ni Lolo Matias.
Nag-alala siya sa matandang lalaki, kaya agad niya itong binalingan. Nakahinga lang siya nang maluwag dahil ang nakikita sa mukha nito ay sadyang pagkagulat lamang.
Ngunit, pagkaraan ang ilang sandali ay tumalikod ito at nagbukas ng pintuan. Siya naman ay hindi makuhang bawiin ang tingin sa matandang lalaki. Pakiwari niya ay naghihintay siya ng instruction dito. Hindi kasi niya alam kung ano’ng gagawin at sasabihin kay Thunder.
Well, kung siya lang ang masusunod ay gusto niya itong yakapin at paghahalikan. Nais niyang iparamdam dito kung gaano niya ito kamahal. Subalit, hindi niya iyon magawan, dahil nga hindi siya nito maalala ngayon.
“Kakausapin ko muna ang doctor niya. Ikaw muna ang bahala sa fiancé mo,” mariing sabi ni Lolo Matias.
Ngunit, hindi na niya malaman kung ano’ng gagawin at sasabihin. Cold na cold kasi sa kanya si Thunder ngayon, kaya pakiwari niya, ibang tao ang kanyang kaharap.
“Sorry,” nahagilap niyang sabihin.
Bahagyang tumigas ang awra nito sa kanyang winika.
“May kasalanan ka ba sa akin?” Kunwa'y tanong nito.
“Kung hindi dahil sa akin, hindi ka magkakaganyan,” wika niya sabay hagulgol.
Baka kasi kung hindi siya umalis sa mall na iyon, tiyak na maaabutan siya ni Thunder, at hindi ito maaaksidente.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 14, 2024
KAHIT hindi hawak ni Chantal ang manibela ng mga oras na iyon, pakiramdam niya ay may kasalanan pa rin siya sa nangyari. Kung naghintay pa sana siya ng ilang sandali, baka nagkita pa silang dalawa.
‘Yun nga lang, wala siyang kakayahan na alamin kung ano ba talaga ang nangyari. Saka hindi na rin naman niya maibabalik pa ang nakaraan, dahil wala naman siyang kapangyarihang gawin iyon.
“Ayoko na kumain,” matigas na wika ni Thunder.
Bahagya siyang napatigil sa pagtaas nito ng boses. Hindi niya inaasahan iyon, hindi rin naman kasi si Thunder ang tipong basta na lamang sisigaw, dahil isa ito sa lalaking pinakamahinahong kanyang nakilala.
Napabuntong hininga na lang siya nang maisip niyang wala nga pala itong maalala, kaya natural lang na mag-iba ang ugali nito.
“Pero isang subo ka pa lang.”
“So, what?”
“Hindi ka puwedeng uminom ng gamot kung wala namang laman ang sikmura mo!”
“Wala akong sakit.”
Hinipo niya ang noo at leeg nito, at sabay sabing, “May sinat ka pa. Huwag nang matigas ang ulo mo, kung ayaw mong mas lumala ang sakit mo. Sige ka, baka mamaya matusukan ka pa ng karayom.”
“You mean, injection?”
Parang gusto niyang matawa nang makita niyang bahagyang namutla ito. Kahit nagkaroon ito ng amnesia, hindi pa rin nito nagawang kalimutan ang takot sa injection. Hindi tuloy niya napigilan ang mapahagikgik.
“Kaya, kumain ka na. Para hindi ka na lagyan pa ng dextrose,” mariin niyang sabi.
Pinanlakihan pa niya ito ng mata na parang sinasabing hindi siya nagbibiro. Agad naman itong sumubo, habang kumakain si Thunder, ‘di niya maiwasan ang mapangiti.
“Bakit mo ba ginagawa ito?” Tanong sa kanya ni Thunder.
“Alin?”
“Ang pag-aasikaso mo sa akin.”
“Eh kasi fiancée mo ako.”
“Totoo ba?” Tanong nito.
Kumunot ang noo niya, dahil parang napaka-sarcastic ng pananalita nito.
“Of course! Hanggang ngayon ba ay ayaw mo pang paniwalaan na nagmamahalan tayo? Oh, sige na sumubo ka muna,” wika niya pagkaraan, habang sinusubuan si Thunder.
“How sweet!” Sarkastikong bulalas ng lalaking kinaaasaran niya ngayon, na dati ay kanyang hinahangaan – si Santino.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 15, 2024
KAHIT na natural lamang na bisitahin ni Santino si Thunder, nakaramdam pa rin siya ng panggigigil.
Hindi pa rin mawala sa kanyang isipan ang naging pag-uusap nila ni Santino nu’ng araw na ‘yun.
“Kumusta ka na kapatid ko?” Tanong ni Santino.
Kumunot ang noo niya, dahil puno ng sigla ang boses nito. Hindi niya lang malaman kung masaya nga ba dahil nakaligtas si Thunder, o baka naman nasisiyahan itong makita na nasa hospital ito ngayon.
Naningkit tuloy ang kanyang mga mata. Naisip niya kasing hindi ang tipo ni Santino ang makakaramdam ng kasiyahan, dahil lang nasa mabuting kalagayan ang kanyang kapatid.
“Kapatid?” Sarkastikong bulalas niya sa sarili.
Kahit kailan naman kasi hindi itinuring na kapatid ni Santino si Thunder. Kung kapatid kasi ang turing nito sa kanyang fiance, hindi siya nito liligawan gayung alam na ni Santino na nagmamahalan sila ni Thunder.
Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Talagang gusto niyang magsisi na minsan sa kanyang buhay ay hinangaan niya ang tulad ni Santino.
“Kapatid kita?” Gulat pang tanong ni Santino. “Unfortunately…”
“Mayroon siyang amnesia,” Pagsabat ni Chantal.
Hindi siya duwag, pero sa pagkakataong iyon ay nakaramdam siya ng takot. Paano naman kasi hindi niya mararamdaman iyon kung may pagbabanta siyang nakikita sa mga mata nito. At hindi niya maiwasan ang makaramdam ng takot. Hindi para sa sarili niya, kundi para kay Thunder.
“Really?”
“Yes.”
“Hindi mo pala ako maalala kapatid ko?” Hindi makapaniwalang tanong ni Santino.
Isang kakaibang ngiti ang sumilay sa labi ni Santino na talaga namang nagpakaba kay Chantal. Para kasing may kakaiba ru’n kaya kinilabutan siya. Hindi man magsalita si Santino, alam niyang may kung ano’ng tumatakbo sa utak nito.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 16, 2024
“HUWAG kang magpanggap na isa kang mabuting adoptive brother,” buong diing sabi ni Chantal kay Santino.
Inis na inis kasi siya sa kaplastikan na pinapakita nito kay Thunder.
Kahit minsan ay naging crush niya si Santino, hindi rason iyon para naisin pang sulyapan ito ngayon. Kunsabagay, si Thunder na kasi ang mahal niya at hindi niya gugustuhing lokohin at paglaruan ito para lamang sa dati niyang crush.
“Magkapatid kami,” wika ni Thunder.
“Oo, pero sa papel lang,” inis pa rin niyang sabi at sa palagay niya ay iyon naman ang totoo.
Hindi niya lang malaman kung ano’ng motibo ngayon ni Santino, at gusto nitong magpanggap na huwarang kapatid.
“Ano’ng problema?” Maang tanong sa kanya ni Santino.
Nang salubungin niya ang mga mata nito, ipinakita niya kung gaano katalim ang kanyang tingin. Kung may kakayahan lamang siya makapagbato ng kutsilyo gamit ang kanyang mata, kanina pa ito bumulagta at nangisay.
Kung magkuwento kasi si Santino ay para bang itinatanim nito sa isip ni Thunder na isa siyang mabuting kapatid. Kung narito lamang si Lolo Matias, siguradong ipapamukha nito kay Santino kung ano talaga itong klaseng kapatid.
“Wala,” nakangit sabi niya kay Thunder sabay lapit at subo ng mansanas.
“Nakakainggit naman,” wika ni Santino. “Sana ako rin,” dagdag pa nito.
“Maghanap ka ng partner mo. Tingnan natin kung may babaeng magmamahal sa’yo.”
“Aba, oo naman,” wika ni Santino na parang walang balak magpatalo sa kanyang parinig.
“Actually, natagpuan ko na ang babaeng mahal na mahal ako. ‘Yun bang handang gawin ang lahat para sa akin. Kahit pa makapanloko,” marahang sabi nito, sabay tawa.
Kahit hindi siya nito direktang tukuyin, alam niyang siya ang sinasabi nito. Mas nakaramdam tuloy siya ng buwisit kay Santino Morales.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 17, 2024
NATATAKOT si Chantal na baka hindi na siya makapagpigil. Kaya naman mas minabuti niya na lang na lumabas sa hospital room ni Thunder. Bad trip na bad trip na kasi ito sa mga pinagsasasabi ni Santino, kaya abot-abot ang pagpipigil niya sa sarili na huwag itong masapak.
Nagugutom na rin naman siya, kaya agad siyang pumunta sa canteen para kumain. Ibig niyang makabalik din agad sa kuwarto ni Thunder once na umalis si Santino. Subalit dahil gusto niyang mawala lahat ng pagkaasar na nararamdaman niya, napagdesisyunan niyang umorder ng marami, tulad ng chicken with rice, menudo, barbeque, pizza, spaghetti at softdrinks.
Kahit hindi siya tumingin sa kanyang paligid, alam niyang may mga matang nakatingin sa kanya. Pero, hindi na niya gusto pang pakialaman ang mga iyon. Basta ang mahalaga sa kanya ay makakain para makapag-isip ng tama.
“Kaya mo bang ubusin ‘yang pagkain mo?” Tanong sa kanya ng boses na kinaiiritahan niya.
Matalim na tingin ang binato niya rito, at sabay sabing, “Bakit iniwan mo si Thunder sa
kuwarto?”
Marahang tawa ang pinawalan nito, kaya mas lalo siyang nanggigil. Pakiramdam niya ay pinagtatawanan nito ang pag-ibig niya kay Thunder.
“Huwag kang mag-alala nandu’n na si Lolo Matias.”
“Gusto mo?” Kunwa'y alok niya.
Umiling ito, sabay ngiti, “mas gusto kong titigan ka.”“Huwag mo akong utuin.”
“Nagsasabi lang ako ng totoo. Wala ka bang tiwala sa kagandahan mo?”
“Malaki ang tiwala ko sa sarili ko. Pero, sa iyo ako walang tiwala. Saka, puwede ba, manahimik ka na lang?” Iritang sabi nito sabay kain ng kanyang pagkain.
“Masaya lang akong kasama ka.”
Kesa na intindihin si Santino, mas binilisan niya na lang ang pagkain.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 18, 2024
“BAKIT ba nandito ka pa rin?” Inis na tanong ni Thunder sa kanyang fiancée.
Pakiramdam ni Chantal ay biglang siyang nakuryente, ngayon niya na kasi iniinda ang sakit ng kanyang katawan. Kaya bumaba ang tingin niya sa kanyang braso na kasalukuyang nangangalay.
“Wala akong balak iwan ka,” mariin niyang sabi.
Kumunot ang noo nito sa kanyang sinabi, “Wala ka bang pagpapahalaga sa sarili mo?”
Kahit tuloy merong amnesia si Thunder, parang gusto na niya itong sampalin. Kung makapagsalita naman kasi ito ay para bang napakarumi niyang babae. Para tuloy nangangati ang dila niya na sabihin dito na virgin pa siya. At kung sakaling iaalay niya sa isang lalaki ang kanyang pagkababae, kay Thunder niya lang iyon ibibigay.
Ngunit, wala siyang lakas ng loob na sabihin dito ang kanyang naiisip. Aware din kasi siyang ibang Thunder ang kanyang kaharap ngayon, at hindi ito ang Thunder na mahal na mahal siya, dahil ang Thunder na kasama niya ngayon ay hindi siya maalala at makilala.
“Ako ang caregiver mo.”
“Hindi ko kailangan ng tagapag-alaga.”
“Pero, gusto kong alagaan kita. Mahal na mahal kita eh!”
Marahas na buntong hininga ang pinakawalan ni Thunder. Siguro ay naiinis na ito sa kanyang mga sinasabi, o baka naman concern lang ito sa kanya.
“Hindi ko maalala ang pagmamahal na sinasabi mo.”
“Ayaw mo kasing alalahanin,” mariin niyang sabi.
“Inaantok na ako.”
“Matulog ka na.”
“Umalis ka na sa kuwarto ko.”
“No. Babantayan kita.”
“Hindi ako bata na kailangan mong bantayan!” Buwisit nitong sabi.
“Kahit na ano pang sabihin mo. Hindi ako aalis sa kuwarto na ito!” Buong diin niyang sabi.
“Kapag pilit mo pa akong pinaalis, isusumbong na kita kay Lolo Matias,” dagdag pa nito.
“Wow? Talagang idadamay mo pa ang lolo.”
“Ikaw na ang bahalang mamili kung isusumbong kita o hahayaan mo akong alagaan ka.”
“Fine,” inis nitong sabi, sabay talikod sa kanya.
Hindi niya napigilan ang mapangiti dahil nagwagi siya sa round na iyon, kaya lang hindi niya rin maiwasan ang masaktan dahil pakiramdam niya ay tuluyan na siyang nabura sa buhay ni Thunder.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 19, 2024
KAGAT-KAGAT ni Chantal ang ibaba niyang labi. Ayaw niyang umiyak, dahil paniguradong maririnig siya ni Thunder.
Kahit na sa kama ito natutulog, habang siya ay nagtitiyaga sa sofa, tiyak na maririnig ng kanyang fiancé kapag umiyak siya ru’n. May kalakasan kasi siyang ngumawa, lalo na kapag ‘di niya na mapigilan ang kanyang emosyon.
Gusto kasi sana niyang ipaalam kay Thunder na labis na siyang nasasaktan, ngunit naisip niya na maaaring maging dahilan iyon para mas itaboy siya nito.
Kasalukuyan niya kasing nami-miss ang dating Thunder na mahal na mahal siya.
Pakiwari niya kahit sa puso ni Thunder ay nabura na siya. Kaya, okey lang kay Thunder na sa sofa siya mahiga. Samantala, bigla siyang napabalikwas nang bangon nang tumulo na ang kanyang luha. Ayaw na niyang mapahiya pa, kaya dali-dali siyang lumabas patungo sa comfort room. Kahit na nasa tapat na siya ng shower, hindi siya nag-alangan na alisin ang kanyang damit. Ngunit, bigla niya pinatay ang shower nang maramdaman niyang may biglang pumasok.
Kahit na parang ayaw makagawa ng ingay ng taong dumating, malinaw niyang naririnig ang mga yabag nito. Naisip niya tuloy na si Thunder ang sumunod sa kanya.
Maaaring naisip nito na sobra na siyang nasasaktan at kaya ito sumunod ay para humingi ng tawad. Na-imagine rin niya na yayakapin at hahalikan siya nito.
Pangarap niyang maialay ang buo niyang pagkababae sa kanyang mapapangasawa, kaya naman handa sayang ibigay iyon kay Thunder. Wala na rin naman kasi siyang nanaising mapangasawa kundi ito lamang.
At nang bumukas ang pinto ng cr, nanlaki ang kanyang mga mata. Hindi kasi si Thunder ang kanyang nakita kundi si Santino.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 21, 2024
BIGLANG napabalikwas si Thunder nang hindi na niya kayanin pa ang guilt na kanyang nararamdaman.
Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan, akala niya kasi ay makakampante na ang kanyang kalooban kapag umalis si Chantal sa kanyang silid, pero du’n siya nagkakamali.
Sa pag-alis ni Chantal, hindi niya maiwasan ang mag-alala. Alam niya kasi na masama ang loob nito sa kanya. Kailangan din naman kasi niya saktan ito para mas maging madali dito ang iwanan siya.
Kahit nararamdaman niya ang pagmamahal ni Chantal, hindi pa rin niya maiwasang isipin na tunay nga ba ang nararamdaman nito.
“Kaya ba nagpanggap kang may amnesia?” Inis niyang tanong sa sarili.
Oo, isang kalokohan lang ang sinasabi niyang meron siyang amnesia, dahil sa katunayan, pinipilit lang niya ang sarili na kalimutan ang kanyang nararamdaman para kay Chantal. At sa palagay niya, mas mabilis na mangyayari iyon kung paniniwalaan din niya ang sarili na meron nga siyang amnesia, at hindi niya ito maalala.
Ngunit, sino ba talaga ang niloloko niya, si Chantal, o ang kanyang sarili?
Siguro kahit nga magka-amnesia siya, walang ibang magiging laman ang kanyang puso kundi si Chantal lamang. Sabi ng isip niya, tama lang ang ginagawa niya, subalit iba ang sinasabi ng kanyang puso.
Ayaw niyang maniwala na ‘di mahal siya ni Chantal, at si Santino ang laman ng puso nito.
Gusto niyang makasiguro ngayon, at magagawa lang niyang malaman iyon kung magkukunwari siyang walang maalala.
Ayaw niya naman talagang sumama ang loob sa kanya ni Chantal, kaya minabuti na niya puntahan ito sa silid.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 22, 2024
MATINDING takot, ‘yun ang emosyong makikita sa magandang mukha ni Chantal, habang si Santino ay kitang-kita sa mukha ang labis na kagalakan.
Alam niyang wala na itong kawala sa kanya ngayon, dahil kahit magsusumigaw pa ito, walang makakarinig sa kanya dahil soundproof ang kuwarto kung nasaan sila ngayon.
“Lumabas ka nga!” Galit nitong sabi sa kanya.
Biglang nawala ang saya na kanyang nararamdaman at napalitaan ito ng takot at pangamba.
Ang itsura kasi ni Santino ngayon ay parang tigreng handang manakmal once na gumalaw siya.
Namura niya tuloy ang kanyang sarili. Napakawala niyang kuwentang tao, lalo na kung matatakot siya rito. Tiyak naman kasi niyang wala itong kayang gawing masama laban sa kanya.
“Ayoko nga, ” sabay kunot ng noo nito.
Pagkaraan ay biglang tumalim ang tingin nito sa kanya. Kung nakakasugat lang ang pagtingin nito, paniguradong sugatan na siya ngayon.
“Kung gagamitin mo ako para lamang masaktan si Thunder. No way!”
“Eh hindi ka nga niya magawang maalala.”
“Pero alam kong mahal niya ako.”
“Kung mahal ka niya, kahit wala siyang maalala, dapat nararamdaman pa rin niya ang pagmamahal sa’yo. Pero, hindi ganu’n ang pinapakita niya. Hindi mo ba naisip na niligawan at pinangakuan ka lang niya ng kasal dahil gusto ka ni Lolo Matias? Gusto lang niya makuha lahat ng kayamanan ng pamilya namin.”
“Siya naman talaga ang dapat na magmana ng lahat. Siya ang tunay na Morales. At ikaw, hindi ka ba marunong mahiya? Gusto mong saktan ang tunay na anak ng mga taong kumupkop sa’yo?”
Sa puntong iyon, bigla siyang natigilan. Malalim na buntong hininga rin ang kanyang pinawalan dahil tila natapakan ang kanyang ego.
“Wala akong pakialam sa kung anuman ang opinyon mo. Ang gusto ko, makuha kita kay Thunder!” Galit na sigaw niya kay Chantal, sabay sugod sa dalaga.
Marahil hindi rin nito malaman kung paano iiwas kaya nagpawala na lamang siya ng tili. Kasabay nu’n ay merong kamay na humablot sa kuwelyo ni Santino, at paglingon niya, nakita niya ang galit na galit na mukha ni Thunder.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 23, 2024
“TAMA na!” Wika ni Chantal kay Thunder.
Kung hindi niya kasi ito aawatin, baka kung ano pa ang mangyari kay Santino. Duguan na kasi ang mukha ni Santino dahil sa panununtok ni Thunder.
Gayunman, hindi niya maiwasan ang kiligin dahil ni-rescue siya ng lalaking mahal na mahal niya. Niyakap na niya ito sa bewang para lang maawat ito, pero hindi talaga lumubay si Thunder, hangga’t ‘di niya nakikitang nanghihina si Santino. ‘Yun bang tiyak nitong hindi na ito makakatayo at makakalaban pa.
“Ano’ng nangyayari dito?” Tanong ni Lolo Matias.
“Hindi ko naisara na ang pinto nang marinig ko ang pagsigaw mo,” wika ni Thunder sa kanya. “Sorry sa mga nasabi at nagawa ko,” dagdag pa nito.
“May relasyon kami ni Chantal,” wika ng boses na kahit na nahihirapan ay nasa tono pa rin ang pagmamalaki.
Sa sinabi ni Santino, parang gusto na niyang sugurin ito at bugbugin, subalit kaya niya pang kontrolin ang kanyang emosyon.
“Huwag kang magsinungaling hayop ka! Wala kayong relasyon ni Chantal. Dahil ako ang mahal niya!” Buong diing sabi nito.
Gilalas siyang napatingin kay Thunder. Hindi siya makapaniwala na lalabas sa bibig nito ang mga salitang iyon. Gayunman, napangiti siya, dahil naramdaman na niyang muli ang pagmamahal sa kanya ni Thunder.
Sobrang higpit ng yakap nito sa kanya ngayon na parang sinasabing hindi nito hahayaang maagaw siya ninuman. Wala naman siya talagang balak na magpaagaw, kaya ginantihan din niya nang mahigpit ang yakap nito.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 24, 2024
“BAKIT?” Pagtatanong ni Thunder
Hindi agad sumagot si Chantal, bagkus pinakatitigan muna niya si Thunder.
“Ano bang ginagawa mo rito?” Bahagya pa niya itong tinulak para makalayo ito sa kanya.
“Nag-aaway ba kayo?” Tanong ni Lolo Matias nang lingunin sila.
Hindi sila nakakibo at isang malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan bago siya magsabi ng, “Thanks.”
“Sorry.”
“Wala kang kasalanan,” matabang niyang sabi.
Kahit masaya siyang nakikita ang pag-aalala sa magandang mukha ni Thunder, bigla ring pumasok sa isip niya ang pagtataboy nito. Naisip niyang kung minahal nga siya nito, hindi siya nito makakalimutan pero iyon ang nangyari.
“Nagsinungaling ako.”
Kumunot ang kanyang noo. Hindi kasi niya agad naunawaan kung ano’ng sinasabi nito.
“Hindi totoong may amnesia ako,” dagdag ni Thunder.
Mabuti na lamang ay lumabas na si Lolo Matias, tiyak kasing manggagalaiti ito sa inamin ni Thunder. Ang pinakaayaw kasi nito sa lahat ay ang pagsisinungaling.
“At bakit mo kailangang gawin iyon?”
“Para palayain ka.”
“Palayain ako?” Hindi makapaniwalang tanong niya. “O baka ang ibig mong sabihin ay maging malaya ka?”
“Akala ko kasi si Santino pa rin ang mahal mo.”
“No way!”
“Nakita ko kayo sa mall. Nakasunod siya sa iyo, habang ikaw ay nagmamadaling sumakay ng taxi.”
“Hindi mo ba naisip na tinatakbuhan ko lang siya nu’n? Alright, sumabay akong mag-lunch sa kanya, dahil gusto ko sanang maayos kayo. Pero, hiniritan niya ako ng peke niyang pag-ibig, kaya ipinamukha ko sa kanya na ikaw ang mahal ko. Wala ka bang tiwala sa akin?” Nagdaramdam niyang tanong.
“May tiwala ako sa iyo, pero sa sarili ko ay wala. Palagi niya na lang kasi akong naaagawan.”
“Hindi mo naman siya totoong kapatid.”
“Magkagayunman, mahal ko pa rin siya bilang kapatid, at ayokong mapunta sa wala ang relasyon natin.”
“Babalik na lang ako sa dati kong buhay, tutal nami-miss ko na rin naman ang pagsusulat.”
“Pakasalan mo ako,” nakikiusap nitong sabi sa kanya.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 25, 2024
MARAHAS na buntong hininga ang pinawalan ni Santino. Parang sasabog na ang puso’t isipan niya ng mga sandaling iyon. Pakiramdam niya, lahat ng karapatan ay naagaw na sa kanya.
“Naagaw?” Gilalas niyang tanong sa sarili.
Para kasing mali ang napili niyang term, dahil in the first place, wala naman talaga siyang karapatan. Kaya dapat lang mapunta kay Thunder ang yaman ng Pamilya Morales at kumpanya.
Hindi niya gusto ang pakiramdam na parang inagawan siya, pero iyon ang nararamdaman niya ngayon. Dapat siya ang kapiling ni Chantal, at hindi si Thunder.
“Hindi ako papayag,” gigil na sabi ni Santino.
Para sa kanya, siya ang deserving maikasal kay Chantal at nais din niyang magkaroon sila ng maraming anak. Hindi dahil sa mahal niya ito, kundi iyon lang ang nakikita niyang paraan upang labis na masaktan si Thunder.
Kahit na hindi siya ang magmana ng milyones ng mga Morales, wala siyang pakialam. Marami na rin naman siyang pera, at hindi iyon galing sa sinasahod niya, kundi sa mga ninakaw niya sa kumpanya.
Hindi pa man niya alam ang tunay niyang pagkatao, pero mas pinili niya pa ring nakawan ang pamilyang tumulong sa kanya.
Pero bakit nga ba iyon ginagawa ni Santino? Simple lang, dahil nais niyang malamangan si Thunder, at magagawa niya lang iyon kapag nakuha niya ang pinakamamahal nitong si Chantal.
Ngunit, paano pa niya magagawa iyon? Banned na siya sa mansyon, how about sa kumpanya kaya? Nang maisip niya iyon, bigla siyang kinabahan.
Galit na galit sa kanya si Matias, kaya hindi malayo na patalsikin siya nito sa kumpanya. Maaari ngang wala siyang magawa ru’n ngunit tiyak niyang makakabawi pa rin siya kay Thunder, lalo na kung aagawin nito ang isang dahilan kung bakit ito maligaya ngayon, at iyon ay walang iba kundi si Chantal.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 26, 2024
ARAW na ng kasal nina Thunder at Chantal.
Mabilis na lumipas ang araw, kaya naman hindi mapigilan ni Chantal ang mapabuntong hininga habang nakatingin sa harap na salamin.
Parang kailan lang kasi ay hiniling niya na sana ay makatagpo na siya ng lalaking kanyang makakasama habambuhay.
Akala niya noo’y si Santino ang karapat-dapat sa kanyang pag-ibig dahil lahat ng gusto niya sa isang lalaki ay nasa binata na, pero iba ang nangyari.
Ang pagkagusto niya pala kay Santino ang magiging daan para makamit niya ang pag-ibig na kanyang inaasam-asam.
Gayunman, napatawad na rin naman niya si Santino. Sana nga lamang ay magawa pa nitong magbago.
Napangiwi lang siya nang maisip niyang tuluyan nang itinakwil ni Lolo Matias ang lalaking kanyang pinakamamahal dati. Hindi lang dahil sa pagsira nito sa relasyon nila ni Thunder, dahil ang maging pagnanakaw niya sa sarili nilang kumpanya ay nabisto rin ni Lolo Matias.
Ngunit, sa ngayon ay alam niyang kay Thunder na iyon ipapamana bilang tunay na tagapagmana.
“Bakit parang nagdadalawang isip kang magpakasal sa akin?”
“Ano’ng ginagawa mo rito?” Gilalas niyang tanong nang magsalita sa likuran niya si Thunder. Hindi na niya kailangang lingunin ito dahil nakaharap siya sa malaking salamin na nakakabit sa tokador.
Sa kasalukuyan ay nagpapa-make up siya, pero nagpunta saglit sa cr si Ate Ruby.
“Ayaw mo ba akong makita?” Nagdaramdam na tanong nito.
“Hindi tayo dapat magkita hangga’t hindi pa tayo ikinakasal,” nagpa-panic niyang sabi.
“Huwag kang maniwala sa pamahiin,” wika nito.
“Walang masama kung mag-iingat tayo,” kabado pa rin niyang sabi.
Ngayon ay parang gusto niyang magsisi na alam ni Thunder kung saang hotel sila manggagaling ng kanyang mga magulang.
“Nasaan nga pala sina nanay at tatay?” Tanong niya.
“Wala namang tao nu’ng pumasok ako rito. Nagtaka nga ako na bukas ang –” hindi na nito naituloy pa ang sasabihin nang biglang may ibang boses na nagsalita.
“Iwanan mo na ako rito,” makapangyarihang boses na sigaw ni Santino na nagpalisik sa mga mata ni Thunder.
Itutuloy…
CONTINUATION STORY - October 27, 2024
“HINDI ako titigil hangga’t hindi ako nakakapaghiganti!” Buong diin sabi ni Santino.
Napabuntong hininga siya. Ngayon niya lang kasi nalaman na ngayong araw na pala ang pag-iisang dibdib nina Thunder at Chantal.
“Hindi maaari!” Pagsigaw niya.
Ayaw niyang maging maligaya si Thunder, at hindi niya iyon hahayaan.
Kaya, agad siyang nag-isip ng paraan kung paano niya sisirain ang pag-iisang dibdib ng dalawa. Gustuhin man niyang paniwalaan na hindi mahal ni Chantal si Thunder, ngunit paano?
Gayunman, nasa huli talaga ang pagsisisi. Kung noon pa man niya nalaman na mamahalin ni Thunder si Chantal, matagal na sana niya itong binakuran, hindi para mahalin, kundi para ipagmalaki kay Thunder.
Kaya naman, naisip niyang kidnapin na lamang si Chantal, at huwag na hayaan pang makita ni Thunder kahit kailan.
Tiyak na kapag ginawa niya iyon ay para na rin niyang pinatay si Thunder.
Kaya, ang makeup artist na nakuha ni Thunder ay nabayaran niya ng malaki dahil gusto niyang makasigurado na makukuha talaga ang dalaga.
“Hello Chantal,” wika niya.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” Kunwa'y tanong ni Chantal.
“Babatiin lang kita ng congratulations.”
“Iyon lang?” Hindi makapaniwalang tanong nito.
“Gusto ko lang sana mag-sorry sa mga nasabi at nagawa ko.”
“Not sure kung paniniwalaan kita.”
“Halika na.”
“Saan?”
“Sa langit,” wika nito, sabay sunggab kay Chantal.
“Paano mo maaayang makapunta si Chantal sa langit, kung sa impiyerno kita dadalhin?” Makapangyarihang tanong ni Thunder.
Ramdam na ramdam niya ang panggigigil nito kay Santino.
Itutuloy…
LAST STORY - October 28, 2024
LAHAT ng galit at sama ng loob na nararamdaman ni Thunder ay naipon na sa kanyang kamao, kaya nang suntukin niya si Santino ay agad itong bumagsak.
Sandamakmak na mura ang pinawalan ni Santino nu’ng nakabawi sa pagkabigla. Subalit, hindi nito makuhang bumangon agad.
“At talagang may binabalak kang masama sa araw mismo ng kasal namin?” Galit na tanong ni Thunder.
“Oo kasi wala ka namang karapatan lumigaya,” galit na singhal sa kanya ni Santino.
Bigla siyang natigilan. May kakaiba kasi siyang napansin sa pananalita ngayon ni Santino, para kasi itong bata na inagawan ng candy.
“Palagi mo na lang inaagaw ang mga taong nagmamahal sa akin. Wala kang kuwenta!” Sigaw nito, sabay hagulgol.
Gusto sana niyang lapitan si Santino, pero nilapitan siya ni Chantal at niyakap.
Naisip niya rin na hindi rin makabubuti kung lalapitan niya ito sa ganu’ng estado ng pag-iisip ni Santino. Maaari kasing may patalim itong nakatago at bigla na lamang itarak sa kanya.
“Akin si Chantal!” Sigaw pa nito.
“Hindi mo ako pag-aari,” buwisit na sigaw ni Chantal dito.
“Alam mo namang si Thunder ang mahal ko!” Dagdag pa nito.
“Pero, ako ang una mong minahal!”
“Hinangaan lang kita, pero kailanman ay hindi kita minahal.”
Nanlisik ang mga mata ni Santino sa kanyang narinig.
“Kung hindi ka mapupunta sa akin…” wika nito, sabay dukot sa bulsa.
Ngunit, hindi na ito nakakilos pa nang magdatingan na ang mga pulis.
Ibinabagi kasi ni Ate Ruby sa magulang ni Chantal ang plano ni Santino, kaya agad itong nagpatawag ng pulis.
Ngunit, sa halip na sa presinto ikulong si Santino, sa mental institution ito idinala, nagpakita na kasi ito ng kakaibang pag-uugali na para bang nawawala na sa kanyang sarili.
Marahil ito ay bunga ng matindi niyang depresyon.
Samantalang kahit na maraming problema ang kinaharap sina Chantal at Thunder, natuloy pa rin ang kanilang pag-iisang dibdib.
“I love you so much,” wika ni Thunder.
“Hindi ako papayag na meron pang hahadlang sa ating pagmamahalan.”
Matamis na matamis ang ngiti ni Chantal.
“Dapat lang,” wika nito sabay angkin sa labi ni Santino.
Hindi man iyon ang unang paglapat ng mga labi nila, pero iyon ang pinakamatamis dahil sila ay kasal na.
Wakas.