ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| August 24, 2020
Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa pagtalakay ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.
Sa nakaraang isyu, naitanong natin, minsan bang ang mga tao sa mundo ay hindi alam ang sinabi ni Albert Einstein na “Do not be afraid to ask questions,” kung saan sila ay alipin lang at walang karapatan magtanong? Taga-sunod lang ba sila at hindi puwedeng magbigay ng sariling opinyon?
May panahon ba sa kasaysayan na ang tao ay nawala ang pagiging tao, kumbaga, ang kanyang dignidad at dangal ay nawala rin, ang kanyang kalayaan at personal na karapatan ay wala sa kanya?
Ito ang panahon ng monarkiya at panahon na ang naghahari ay Simbahan. Tinatawag ito sa kasaysayan na “Dark Ages.” Kung ano ang sabihin ng Simbahan, ‘yun ang katotohanan at kung ano ang idikta nito, kailangan itong sundin ng mga tao. Ang umangal ay hindi makakapasok sa kaharian ng langit, kumbaga, sa impiyerno ang destinasyon ng mga susuway at kukuwenstiyon sa kagustuan ng Simbahan.
Okey lang sana kung hindi sa langit mapunta o impiyerno ang lugar para sa kanila dahil ito ay mangyayari pa lang naman kapag sila ay namatay.
Ang napakasakit ay ‘yung ang buhay pa sila at kapag sila’y palatanong, idedeklara silang mga rebelde, kusa silang iiwasan na para bang sila ay may nakakahawang karamdaman. Mawawalan sila ng mga kaibigan at mahal sa buhay.
May mga bansa naman na ang naghahari ay ang monarkiya kung saan hari mismo ang masusunod at ang mga tao ay alipin at tagasunod lang at parurusahan ang susuway sa utos ng hari. May pagkakataong ipapalamon pa sila sa gutom na mga leon.
Marami ang ikinukulong sa kulungan ng kadiliman. Ang kadiliman ay hindi sa kadiliman sa hell kundi sa iisang selda na hindi napapasok ng liwanag. Ang nakakatakot pa ay nakakulong na nga, nakakadena pa ang mga paa at kamay.
Marami rin ang ipinatapon sa isang lugar kung saan walang pagkain, tao at ang makakasalumuha lang ay ang mababangis na hayop.
Sa pangalan pa lang, talagang madilim ang naging kalagayan ng mundo dahil ito ay tinatawag na “Dark Age.” Sa Dark Age, ang mga tao ay nabubuhay sa kamangmangan, hindi marunong bumasa at sumulat ang mga tao, kaya masasabing nawala ang kanilang pagkatao at natulad sila sa mga hayop na hindi rin marunong magbasa at magsulat.
Ang lahat ay naghahanapbuhay, hindi para sa kanilang sarili kundi para sa monarkiya, hari at Simbahan. May natitira man sa kita ng kanilang pagtatanim, ang mga ito ay sapat lang para sa kanilang mga pagkain at personal na pangangailangan.
Ang malaking bahagi ay mapupunta sa hari at Simbahan. Ang masaklap pa ay sa hanay ng mga angat sa buhay, angat lang sila dahil dumidikit sila sa mga namumuno sa kaharian at Simbahan, pero ang kanilang mga ari-arian o lupa ay pag-aari ng kanilang dinidikitan.
Kaya kung susumahin, sa kalagayan ng mga tao sa panahon ng Dark Age, ang sinabi ni Einstein “Do not be afraid to ask questions” ay hindi umiiral. Ang tao ay hindi tao dahil nawala ang kanilang pagkatao.
Itutuloy