ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| September 2, 2020
Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa pagtalakay ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.
Paulit-ulit lang ang kasaysayan at sabi nga, “history repeats itself.” Makikitang tuwing ang mga tao ay naaalipin, nagpapadala ng salot si God. Ito ang makikita sa kuwento ng dakilang propeta na si Moses at ang hari ng Ehipto na ayaw palayain ang mga kababayan ni Moses.
Sinabi ni Moses, kung patuloy n’yong gagawing alipin ang mga tao ni God, padadalahan kayo ng salot. Hindi naniwala ang hari kaya ang nangyari, ang buong Ehipto ay dinalaw ng salot.
Sa panahon ng Dark Ages ay ganundin. Ang mga tao ay alipin ng Simbahan at monarkiya kung saan nawala ang dignidad ng tao at masasabing hindi na siya tunay na tao. Sila ay mga bulag at tagasunod ng Simbahan at hari kung saan sila rin ang may-ari ng malalaking lupain at negosyo.
Ang humihiling ng kalayaan ay pinarurusahan at ang ayaw nang maging alipin ay lalong inaapi. Walang magawa ang mga tao kundi mabuhay nang alipin kahit ayaw nila.
Sa ganitong sitwasyon, dumating sa mundo ang isang salot na kung tawagin ay “Black Death”. Ito ay isang epidemya na umatake sa Europe at Asia. Una itong dumating sa Europe noong October, 1347 nang ang labing-dalawang barko mula sa Black Sea ay umangkla sa Sicilian Port of Messina.
Masayang sinalubong ng tao ang mga barko, pero ang kanilang saya ay napalitan ng sobrang takot. Halos lahat ng sailor ay patay at ang mga nakita nilang buhay pa ay grabe ang sakit, dumadaing at nagmamakaawa dahil ang buong katawan nila ay punumpuno ng bukol na parang pigsa na malalaki at maliliit.
Lumalabas sa parang pigsa ang mga nana o pus na umaagos na may kahalong dugo. Iniutos ng mga awtoridad na alisin sa pier ang mga barko, pero huli na dahil sa sumunod na mga taon, ang Black Death ay pumatay ng mahigit 20 milyong tao sa Europe at katumbas ito ng 1/3 ng populasyon sa nasabing kontinente.
Ang totoo, hindi pa man dumadaong sa Sicilian Port ang mga barko, nakaririnig na ng mga balita na tungkol sa “Great Pestilence” na nakamamatay at nananalansa sa ruta ng trading o ruta ng komersyo sa Near East and Far East at nakapaminsala na sa China, India, Persia, Syria at Egypt.
Ang Great Pestilence na ito ay ang Black Death.
Ang Europe ay hindi nakahanda sa ganitong salot, wala silang kakayahan kahit na ang mga bansa rito ang sinasabing pinakamayaman. Ang mga taga-Europe na akala nilang nabubuhay sa kalinisan ay hindi pa nakakikita ng ganito kaduming karamdaman.
Sa una, may kaunting pamamaga na pamumula sa balat, singit at kilikili na lumalaki ng halos kasing-laki ng pangkaraniwang mansanas. Ang iba ay kasing-lalaki ng itlog.
Ang iba ay marami na makikita sa iisang tao, sa iba naman ay kaunti lang pero hindi umaabot sa sampu.
Kumikintab ito at tulad ng pigsa na kapag nahinog ay kusang lumalabas ang pus o mga nana. Natakot din ang mga doktor dahil marami sa hanay nila ang nabiktima ng epidemya.
Tulad ng nararanasan natin sa COVID-19 pandemic, maraming mga doktor at nurses ang mga tinamaan ng sakit at namatay.
Itutuloy