ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| November 22, 2020
Bigyang-daan natin ang e-mail ni Miss Taurus ng Dalandalan, Valenzuela City.
Dear Señor,
Ako ay 28-anyos na, gusto kong malaman kung ano ang magiging kapalaran ko sa love life? Minsan kasi aaminin ko, naiinggit ako sa iba dahil may boyfriend sila, tapos ‘yung ibang officemate ko, may masayang pamilya. Saan ko ba matatagpuan ang aking life time partner? May 2, 1992 ang birthday ko.
Naghihintay,
Miss Loveless
Sa iyo, Miss Loveless,
Alam mo, iha, ang nakikita ng ating mga mata minsan ay hindi ang tunay na larawan ng isang bagay o pangyayari dahil ang mga nakikita lang naman natin ay ang panlabas na larawan at hindi ang natatagong katotohanan.
Minsan, nakita natin na masaya ang dalawang nagmamahalan pero ang hindi natin nakikita ay nagkukuwanri lang ang isa kanila at may pagkakataon pa na silang dalawa ay parehong nagkukuwanri.
Minsan, nakakikita tayo ng akala natin ay matatamis na ngiti mula sa mga labi ng isang nagmamahal, pero ang hindi natin alam, sa likod pala ng kanyang mga ngiti ay mapapait na karanasan.
Minsan, nakikita natin na ang mag-asawa may magandang bahay, may mga sasakyan at mga kabuhayan, pero ang hindi natin nakikita ay isa sa kanila ay nagdudusa dahil sa kalungkutan.
Minsan pa nga, may mga nakikita tayong masayang-masaya sa harap ng mga tao, pero ‘pag nasa bahay nila, hindi naman pala gaanong nag-uusap na parang hindi magkakilala.
Ang mga ganitong relasyon ay masasabing mali at wala sa lugar dahil hindi rin naman nila nasunod ang dapat na dikta ng kanilang kapalaran. Pero kung hahayaan natin na ang kapalaran ang magdikta sa ating buhay, lalo na sa ating love life, tiyak na ang kaligayahan ay mapapasaatin.
Ang mga isinilang sa Earth Signs, tulad mo na nasa Taurus ay dapat maghintay, kumbaga, mas maganda na hintayin mo ang lalaking talagang para sa iyo. Ibig sabihin ng “maghintay” ay huwag kang maghanap. Oo, huwag kang maghanap dahil ang mapapangasawa mo ay kusang ilalapit sa iyo ng tadhana. Dahil din dito, makararanas ka ng kabiguan kapag nagpilit kang maghanap. Hindi rin ipinapayo na magmahal ka ng tao na nasa malayo. Kaya ang isa pang tiyak ay hindi rin maganda para sa iyo ay ang “long distance relationship.”
Ang isa pang ibig sabihin ng huwag kang maghanap at magmahal ng nasa malayo ay dapat malapit lang sa iyo ang iyong mapapangasawa. Ang una sa listahan ay ang inyong mga kapitbahay, kababata, sa kabilang kanto, ka-barangay, kasamahan sa trabaho at iba pa na malapit lang sa iyo.
Puwede ring mapangasawa mo ang iyong matalik na kaibigan, pero ang mga pangkaraniwang kaibigan ay hindi kasama sa listahan.
Puwede ka rin namang magmahal sa hindi binanggit sa unahan dahil ang pagmamahal, minsan ay mahirap pigilan. Ito ang tunay na dahilan kaya sobrang daming bigo sa love life.
Gayunman, bilang pagtatapat at payo sa iyo, kung sakaling hindi inaasahan na ma-in love ka sa mga hindi nabanggit sa itaas, ‘wag kang mawalan ng pag-asa dahil puwede pa ring magmahal muli. Kumbaga, kung makaranas ka ng masakit na kabiguan, alalahanin mong muli ang payo ng iyong Señor— ang dapat mong mahalin ay ang isang nilalang na “malapit” sa iyo.
Good luck and God bless!