ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| June 26, 2020
Bigyang-daan natin ang mahahalagang bagay na dapat isabuhay, may COVID-19 pandemic man o wala.
May isa pang susi ang tagumpay na kapag isinapuso ng tao ay malabong bumagsak ang kanyang negosyo o buhay.
Ito ay ang “Dapat may natutunan sa buhay o negosyo mo.” Ang salitang “natutunan” ay tumutukoy sa nangyari na at sa pangyayaring ‘yun ay may nakuha kang aral o mahalagang impormasyon.
Ang totoo, hindi lang ito applicable sa negosyo dahil ito ay para sa lahat ng aspeto ng buhay. Kumbaga, kung sino ang may natutunan sa nakaraan, siya ay may malaking tsansa na umabante o hindi na muli pang mabigo, masaktan, malugi o mawalan.
Tulad ngayong may COVID-19 pandemic, ang tanong, may natutunan ka ba sa buhay mo? Dapat ang sagot ay “oo” dahil kung wala kang natutunan, wala kang pag-asa sa buhay.
Narito ang ilang mahahalagang bagay na dapat na bulay-bulayin na naranasan ng marami ngayong may COVID-19 pandemic.
Ang walang naipon noon ay sobrang takot magutom. Kaya para hindi na maulit na takot na takot ka, from now on, ikaw ay mag-iipon.
May mga bayan at siyudad na nagsawa sa relief operations o pamimigay ng ayuda sa mga tao. Nakakatuwa na malaman na ang bigas na kilo-kilong naibigay sa kanila ay marami pa hanggang ngayon. Mahirap paniwalaan, pero marami ang nagsasasabi na kahit lumagpas pa ang month of July, sila ay may isasaing pa.
Kahit ang ganitong bagay ay masarap marinig at maranasan, ang mga tao ay hindi dapat maging palaasa sa gobyerno. Dapat tandaan na ang tunay na negosyante ay walang ugaling palaasa o umaasa sa kahit na sino. Ang tunay na negosyante ay kumikilos, nag-iisip at nagnenegosyo hindi dahil umaasa siya sa kapwa o sa iba na bibigyan siya ng grasya.
Ang mga hindi negosyante ay dapat ding hindi magiging palaasa dahil ang palaasa ay hindi na aasenso kahit kailan. Ang katotohanang ito ay hindi mahirap malaman kung sadyang totoo dahil makikita sa mga miyembro ng pamilya na ang palaasa o umaasa lang sa bigay o tulong ng may kayang miyembro ng pamilya ay mabubuhay dahil sa bigay o tulong ng kapamilya. Ang nakagugulat pang dagdag na kaalaman ay nagagalit pa siya kapag hindi napagbigyan ang kanyang mga request. Kumbaga, nakukuha pa niyang magtampo kapag siya ay nabigo sa kanyang hinihinging tulong.
Kaya maganda rin naman ang ibang bayan o siyudad na hindi napabayaan ng kanilang mga pamahalaan dahil kahit may pangangailangan ang mga tao, naghahanap sila ng maitutulong sa kanyang sarili maliban pa sa tulong ng gobyerno.
Pero marami ring bayan ang hindi malaman kung ano ang nangyari sa isip ng namumuno sa kanila dahil ang mga relief goods na ipinamimigay ay mga luma na. Ang mga bigas ay may amoy, insekto at dumi na hindi malaman kung saan nanggaling.
Ang moral lesson ay muli, kung may ipon ka, hindi ka maghihirap sa panahon ng kagipitan o pangangailangan.
Itutuloy