walang lunas
ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| August 10, 2020
Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa pagtalakay ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.
Sa panahon na kung tawagin sa kasaysayan ay “The Renaissance,” ang mga tao ay nagkaroon ng kalayaan na magsaliksik, mag-aral at magsuri ng anumang bagay o pangyayaring kanilang mapag-interesan.
Isang physician na ang pangalan ay Pietro Mattioli na taga-Siena ay nagsaliksik tungkol sa mga gamot ng sinaunang tao sa mundo. Hinalungkat niya ang mga kasaysayan ng mga lumang pamayanan, nahumaling siya sa kaalaman na puwede niyang matutunan na makukuha niya sa mga sibilisasyon na naglitawan sa mundo.
Malinaw sa kanya na ang tradisyunal na panggagamot ay mapakikinabangan sa makabagong panahon at natuklasan niya na ang bawang o garlic ay puwedeng ipanggamot sa digestive disorders.
Sa kanyang panahon, ang sakit sa tiyan ay mahiwagang karamdaman, walang gamot at ibinibintang sa mga mangkukulam, mangbabarang at manggagaway. Maraming tao ang nasiraan ng buhay dahil napagbintangan na mag-uusog, mangbabalis at mangkukulam.
Dahil alagad ng agham ng medisina si Pietro Mattioli, siya doktor at hindi siya naniniwala sa mga mangkukulam dahil wala ito sa dictionary ng siyensiya at iba pang kung anu-anong likhang-isip na kinatatakutan ng tao.
Ayon sa kanyang pag-aral, ang gamot sa digestive disorder o sakit sa tiyan ay bawang at walang kinalaman ang kulam at balis.
Makikita natin na habang ang mundo ay sumusulong sa pang-unlad, ang mga gamit sa sakit ay narito lang at naghihintay na madiskubre.
Tulad ng naranasan ni Pietro, ang mga tao ay naniniwala na walang gamot sa kulam, barang at gaway, pero nang makita nila na ang bawang pala ay mabisa sa inaakala nilang sakit na gawa ng mga mangkukulam, sila ay lumaya sa maling kaisipan.
Kaya lang, may nakatutuwa sa kasaysayang pinag-aaralan ngayon dahil dito rin nagsimula ang malaking kamangmangan ng tao—ang paniniwala na ang mangkukulam, mangbabarang at manggagaway, aswang at mga engkanto ay takot sa bawang. Ang mga tao ay naglalagay ng bawang sa bintana, pintuan, bubong at silong at may bawang na dala-dala sa bulsa, bag at may nakatali pa sa baywang.
Tulad ng COVID-19 na kinatatakutan ng buong mundo, na inaakala ng marami na walang gamot pero patuloy ang mga mananaliksik sa pag-aaral kaya hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa at baka sa pagtulog natin sa gabi at paggising sa umaga, may gamot na sa COVID-19 at ito ay katabi lang pala natin.
Masarap mag-aral ng history dahil namumulat tayo sa mga bagong kaalaman na hinugot sa lumang kaalaman. Sa ganyang katotohanan, masaya at makabuluhan ang magsuri sa kasaysayan.
Itutuloy