ni Judith Sto. Domingo @Asintado | September 4, 2024
Kailan kaya?
Iyan ang madalas na ating nasasambit sa tuwing may kinakaharap tayong sitwasyong ninanais nating bumuti ngunit malayo pa ni sa anino ng pagiging mabuti, o tinatanaw na pangarap na hindi natin alam kung kailan darating o kung darating pa nga ba sa ating henerasyon.
Hindi naman tayo nawawalan ng pag-asa para sa Pilipinas sapagkat kailangang manatiling buhay ang kahit man lang maliit na sindi ng ilaw sa ating dibdib para magpatuloy bilang tulos ng liwanag saan man tayo naroroon — upang tahakin ang bawat mabuting hangarin para sa bayan.
Ngunit lalong hindi naman tayo dapat manahimik na lamang at pigilan ang ating mga sarili na magtanong at marinig ng mariin. Ang ating tinig, mga saloobin, ang ating mga pangarap, at kondemnasyon sa mga bagay na walang puwang sa isang disenteng lipunan ay hindi dapat igapos na lamang ng takot o pakikisamang walang disposisyon o walang panuntunang marangal.
Kailan kaya...
Kailan kaya hindi na kailangang lisanin ng ating mga kababayan ang Pilipinas para lamang humanap ng ikabubuhay na hindi matagpuan sa sariling bayan?
Kailan kaya hindi na malalagay sa peligro ang pagsasama at katapatan ng bawat mag-asawa sapagkat kailangang lumayo ng isa o kumapit sa patalim para makatagpo ng oportunidad na makapagbibigay ng salaping sasapat sa kanilang pangangailangan?
Kailan kaya hindi na kailangang magpakakatulong ng ating mga kababaihan sa mga dayuhan at maharap sa banta ng pang-aabuso sa kamay ng kanilang mga amo?
At kailan kaya matitigil ang sistema ng korupsiyon sa Pilipinas na magmula sa pinakamababang sulok hanggang sa pinakamataas na lugar ay laging naghahanap ng puwang at kalalagyan para pagsamantalahan ang taumbayan?
Kailan kaya magkakaroon ng hiya sa katawan ang ilang mga pulitikong kasuka-suka ang ikinikilos, walang pakialam sa sitwasyon at dekada nang nasa poder ngunit wala namang silbi at nagawa?
Kailan kaya hindi na magpapagamit ang taumbayan sa mga pulitikong itong alam naman nilang ‘salot’ sa lipunan?
At kailan kaya hindi na mamomroblema ang mamamayan sa pagpapagamot o mga pangangailangang medikal dahil may maaasahang health insurance at hindi na kailangang pumila para sa kapos na tulong ng gobyerno?
Kailan kaya magkakaroon ng mataas na kalidad ng edukasyon ang bawat kabataang Pilipino nang hindi kinakailangang igapang sa hirap ng kanilang mga magulang?
Kailan kaya hindi na kailangang lipasan ng gutom, kumalam ng sikmura o mawalan ng pagkain ang hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino saan mang nugnog ng bansa?
Kailan kaya magiging mura ang mga bilihin lalo na ang pagkain at mga pangunahing pangangailangan para mapagkasya ang suweldo at makaipon ng pambili ng sariling tahanan?
Kailan kaya matatapos ang kahirapan sa ating bayan?
Kailan kaya tayo magkakaroon ng maayos na pagpipilian tuwing eleksyon na magmamalasakit sa mamamayan at hindi gagamitin ang posisyon para lamang magpayaman?
Kailan kaya...
O Pilipinas na mahal at bawat Pilipino, kailan ka gigising?
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.