ni Judith Sto. Domingo @Asintado | September 13, 2024
Ginaganap ngayon hanggang sa Linggong paparating ang Manila International Book Fair (MIBF).
Libu-libong mambabasa ang dadalo sa MIBF upang makabili o tumingin-tingin ng mga libro at iba pang babasahing gawa ng mga tagapaglathala o ibinebenta ng mga malalaki o hindi kilalang mga tagapamahagi. Magtitiyagang makipagsiksikan ang napakaraming bata at matatanda sa dalawang palapag ng puwesto ng MIBF, sa rami ba naman ng maaaring maiuwing iba’t ibang klaseng publikasyong posible may diskwento, pati ng mga abubot na pang-palabasa.
Nakakatuwa ito sa maraming aspekto. Sa isang banda, pasalamat tayo sa Maykapal at sa siyensiya dahil malayo na tayo sa panahon ng pandemya, na pansamantalang kinitil ang ganitong malalaking pagtitipon. At sapagkat ukol ito sa mga babasahin, para bang kakaibang silid-aklatan ang MIBF, kung saan hindi kailangang maging tahimik o magpatahimik, habang nananatili rito.
Dagdag na pang-akit ng kapistahang ito ang pagkakaroon ng mga librong hindi madaling mahanap sa pampublikong mga pamilihan. Isali na rito ang pagdalo ng ilang may-akda ng mga ibinebentang aklat upang magbigay diskurso o panayam ukol sa kanilang isinulat at paunlakan ang mga magpapapirma ng kanilang mga kopya.
Napapatunayan din ng taunang baratilyuhang ito na sa kabila ng pagkakaroon ng makabagong mga e-book o paglaganap ng mga babasahin sa Internet, patuloy pa rin ang pamamayagpag ng mga nasasalat na aklat. Hindi nga naman magagawa sa e-reader ang halimbawa, pagtutupi ng kanto ng pahina bilang palatandaan kung saan babalikan ang binabasa. Iba pa rin ang pisikal na papel. Imbes na magbabasa lang sa isang screen, ibang klase sa pakiramdam kung nahahawakan ang pinapasadahan.
Nakakataba rin ng puso na sa tinagal-tagal ng industriya ng paglilimbag at sa kabila ng paglipana ng mga komento at maiksing video sa social media, patuloy na natatamasa ng sangkatauhan ang malalim na kahalagahan ng mga libro.
Ang mga aklat nga naman — pambata man o pang-teenager o pangmatanda — ay bukod-tangi o pambihirang mga daan patungo sa ibang daigdig. Ang mga libro ay tila iba’t ibang pinto na kung bubuksan ay makapagpapatuklas ng kakaibang kaharian, mapupuntahan man sa tunay na buhay o kathang-isip lamang. Dahil din pinag-isipan nang matagal at masinsinan ng mga manunulat at dumaan sa maraming butas ng karayom, sa pag-edit man o sa pagkukumbinse sa manlalathala, mas may hindi masusukat na timbang ang mga aklat.
Anumang klase ng babasahin — nakakatawa man, nakakaiyak, nakakatakot o lalong nakapagpapakilala ng tanyag na tao — ay uri ng libangan na hindi kailangang tapusin sa isang upuan. Ang aklat ay kadalasa’y binabalik-balikan, na tila kaibigan o katuwang na laging nariyan kung hahanap-hanapin, kakailanganin o nanaisin.
Sa rikit pa ng pabalat ng mga modernong aklat, ang kahit maliit na koleksyon ng mga libro ay makabubuo ng mistulang personal na galerya at maaari pang makapukaw ng ating pagiging malikhain. Kung kaya’t ang pagmamay-ari’t pagbabasa ng mga aklat ay maaari ring magsilbing inspirasyon upang tayo’y makausad, lalo na sa anumang pinapangarap na gawaing marahil ay napipigilan ng kaba o kawalang tiwala sa sarili.
Ang kagandahan pa sa pagbabasa ay nakapupukaw ito ng ating kaisipan, na tila ba nabubuklat ang ating isip at posible pang matangay tayo ng sariling kaalaman at hindi lamang ng nilalaman ng mismong binabasa. Lumalabas na sa pagbabasa ng libro, maaaring makita rin natin ang ating sarili. Bukod pa rito ay naipauunawa sa atin ng ating binabasa ang kahalagahan ng ating kalusugan, lalo na ng ating mga mata — sila na ating mahahalagang kasangkapan hindi lang sa pag-unawa ng babasahin kundi pangkindat sa salimuot ng buhay.
Nakakatuwa ring maisip na pagkauwi galing ng MIBF ay saka pa lang magsisimula ang tunay na biyahe, pagkabuklat ng biniling aklat. Kay sarap nga namang lumakbay patungong dagdag karunungan o pagkawala sa realidad at makasilip sa ibang mundo — habang sinusulyapan ang kinabukasang maaaring mas kaakit-akit pa kaysa sa kasalukuyan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.