ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Oct. 25, 2024
Isantabi muna natin ang mga nakakapanaw-bait na mga usapin para talakayin ang nakagagaan, nakagigiliw at nakapagbibigay-inspirasyong paksa.
Ipinalabas kamakailan sa ilang mga sinehan ang dokumentaryong ‘Super/Man’ na ukol kay Christopher Reeve. Binuo ang pelikulang iyon bilang pagdiriwang ng araw ng kanyang kapanganakan nitong Setyembre. Kung buhay pa siya ngayon, ang naturang sikat na Amerikanong artista ay edad 72 na sana.
Kilala si Reeve sa buong daigdig dahil sa apat na pelikulang kanyang pinagbidahan bilang Superman. Hindi malilimutan ang pinakaunang Superman, na ipinalabas noong Disyembre ng 1978 (1979 sa Pilipinas), at napabilib tayo nito nang walang gamit na computer-generated imagery, na normal na sa kasalukuyang mga sineng ating pinapanood. Naging kilala rin si Reeve dahil sa napakalaking dagok sa kanyang buhay.
Noong 1995, siya ay natumba nang malubha mula sa pangangabayo at nadurog ang dalawa niyang pangunahing gulugod o vertebrae. Nag-agaw-buhay siya hanggang sa maoperahan nang agaran. Siya ay naisalba ngunit may mapait na kapalit: Hindi na siya makakalakad at laging mangangailangan ng tulong sa bawat sandali.
Napakalupit ng kanyang sinapit at humantong sa puntong ninais ni Reeve, nang sa wakas ay nagkamalay matapos ang kanyang aksidente’t operasyon, na huwag nang mabuhay. Sa kabutihang palad, lumakas ang kanyang pagnanasang mabuhay pa sa tulong ng asawang si Dana Morosini Reeve, na nagsabing hindi siya bibitiw kung gugustuhin ng kanyang kabiyak na magpatuloy sa mundong ito. Dahil dito, at sa kanyang mga anak, hindi naglaon — sa libu-libong lumiham upang ipaabot ang kanilang suporta’t dasal — minarapat ni Reeve na huwag sumuko.
Sa loob ng halos dalawang oras ay nailarawan ng ‘Super/Man’ ang tunay na tao na gumanap na kathang-isip na superhero, lalo na ang kanyang kasaysayan matapos ang trahedyang sinapit. Ngunit imbes na pagkalunos ay mas mangingibabaw sa manonood ang paghanga, dahil lumalabas na marami pang nagawa si Ginoong Reeve sa kabila ng lahat. Bukod sa nakaarte pa siya sa ilang mga palabas pangtelebisyon at nakadirihe ng pelikula, naitaguyod niya ang maraming adbokasiya, sa pangunguna ng pagpapalawig ng pondong pangsaliksik ukol sa pinsala sa kordong panggulugod.
Sa loob ng siyam na taon bago siya pumanaw noong 2004, maraming nagawa’t nailunsad si Ginoong Reeve. Dahil sa kanyang sigasig, pati ng kanyang maybahay, na palakasin ang paglalaan ng pondo ng gobyerno upang makalikha ng gamot para sa spinal cord injury at makapagparami ng maaaring gumaling sa pamamagitan ng rehabilitasyon, marami siyang natulungan, direkta man o hindi. Kung nasunod ang una niyang pasya matapos maaksidente ay napakalaking kasayangan — sa kanyang pamilya at lalo na sa mga may kapansanang nabigyan ng lunas o mas matatag na kinabukasan.
Kung kailan siya hindi na makalakad o makatayo man lang, doon pa siya lalong naging superhero sa mata ng madla. Patunay si Reeve na kahit gaano kalalim ang pagkakadapa sa buhay ay maaaring makabangon at magpatuloy hindi lamang bilang nilalang kundi mamamayan ding makatutulong sa kapwa.
Sa laot ng anumang kalungkutan o kahirapan, at sa gitna ng pamumuhay nang marangal at matimyas na pagtataguyod ng magagandang adhikain, tayo ay makaaahon kung hahangarin at sisikapin, na magsisilbing inspirasyon sa pag-ahon ng mga nangangailangan, pati ng ating bayan.
Sa naipamalas ni Ginoong Reeve sa loob ng humigit-kumulang na limang dekada niya sa mundo, napatotoo na kahit ang mga dumaraan sa matinding pagsubok ay maaaring maging tulay upang maabot natin ang matatayog na mithiin para sa isa’t isa. Tunay ngang walang imposible sa taong hindi bumibitaw o nawawalan ng pag-asa. Kaya’t kapit lang, mga minamahal na mambabasa, sapagkat ang ating buhay ay inspirasyon sa ating pamilya at kapwa.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.