ni Judith Sto. Domingo @Asintado | December 6, 2023
Kilala ang mga Batangueño na matatapang at palaban. Napakahaba rin ng kanilang pasensya pero ito ay may hangganan. Kapag nasagad na ang kanilang pagtitimpi, maghahalo ang balat sa tinalupan.
Kinukuyog na ng panggagalaiti ng mga Batangueñong sukdulan na ang pagtitiis sa patuloy na palpak na serbisyo ng kuryente ang tagapaghatid nitong kooperatiba, ang Batangas II Electric Cooperative Inc. o mas kilala bilang Batelec II.
Noong araw pa man, kapag umuuwi kami sa Tanauan na pinagmulan ng aking mga magulang ay nadadatnan ko ang aking mga kamag-anak na paypay nang paypay sa gitna ng brownout na kanilang nararanasan.
Ala eh, sa kabila ng maraming taong lumipas, ang serbisyo ng Batelec ay lumala pa.
Bukod sa mga taga-Tanauan City, biktima ng ‘di maaasahang serbisyo nito ang mga taga-Lipa City at mga taga-Mabini, Malvar, Talisay, Laurel, Mataas na Kahoy, Alitagtag, Cuenca, Balete, San Jose, Tingloy, Rosario, Padre Garcia, Taysan, San Juan at Lobo.
Sa mismong social media account ng Batelec II ay pinuputakti ito ng sandamakmak na himutok at reklamo: “Buwisit ka, Batelec, wala na akong naitulog, aga pa ng biyahe ko.
Brownout na naman, ano ba ‘yan wala nang pagbabago. Batelec na madalas mag-brownout!” Pagdating pa ng mga bill nila sa kuryente, lalo silang naiimbiyerna sa mahal ng kanilang dapat bayaran.
Sa pinakahuli nating nabasang anunsyo ng kooperatiba para sa Tanauan City, ang pagkawala ng kuryente o power interruption ay mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon dahil daw sa clearing operation.
Paliwanag ng public relations head sa isang panayam na ang mga brownout ay bunsod ng pagkasira ng kanilang mga power insulator at transformer dahil sa masamang panahon, mga pagkidlat at iba pa. Ang mga scheduled power interruption naman ay para raw sa mga clearing operation sa kanilang mga linya.
Tulad ng malinaw na ipinunto sa atin ng Soroptimist International of Tanauan charter president Lennie Fonte Iglesia na nagpapatakbo ng mga gasolinahan sa Batangas, nakapagpapadapa sa mga negosyo ang madalas na brownout. Kapag walang generator set ang establisimyento gaya ng dental clinic, maliit na kainan o opisina, mapipilitan na lamang itong pansamantalang huminto ng operasyon sa oras na mawalan ng kuryente.
Samantala, malaki ang nagagastos nina Lennie sa krudo para mapatakbo ang kanilang mga gasolinahan kapag brownout. Nawawalan at nababawasan rin ng mamumuhunan sa mga lugar na pumapalya ang kuryente sa halip na makaakit ng mga negosyo na makapagpapaunlad sa kanila. Pinipili na lamang ng mga namumuhunan na lumipat sa katabing lugar tulad ng Sto. Tomas na hindi sakop ng serbisyo ng Batelec II at may maaasahang daloy ng kuryente.
Sa tagal nang ipinagdusa ng mga Batangueño sa Batelec II, hindi na dapat magsayang pa ng oras ang Kongreso sa pagdinig ng panibagong mas karapat-dapat na ipapalit dito na bibigyan ng prangkisa at tatapos sa kalbaryo ng mga taga-Batangas. Napakahaba na ng panahong ipinagtiis ng ating mga kababayan at ilang dekada na silang napeperhuwisyo ng papatay-patay na kuryente.
Alam naman ‘yan ng kanilang mga kinatawan sa Mababang Kapulungan na sina Batangas Rep. Gerville Luistro ng second district, Rep. Maria Theresa Collantes ng third district, Rep. Lianda Bolilia ng fourth district at Rep. Ralph Recto ng 6th district. Puno na ang salop, dapat nang kalusin at huwag nang patagalin!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.