ni Judith Sto. Domingo @Asintado | January 5, 2024
Bilang mga Pilipinong nagmamahal sa bayan, walang may ayaw ng maayos at modernong sistema ng pampublikong transportasyon. Iyan nga ang matagal na nating minimithi sa pagtahak ng isang disenteng pamumuhay na may pag-asenso.
Kahit naman ang mga drayber ng pampublikong mga sasakyan ay hindi tutol sa modernisasyon. Sila man ay makikinabang dito bilang mga mamamayang nagnanais ng pag-unlad ng Pilipinas. Subalit ang ayaw nila ay ang balewalain ng pamahalaan matapos ang ilang dekada nilang pamamasada na pawisan para maihatid ang mga pasahero sa kani-kanilang paroroonan. Ang ayaw nila ay mawalan ng kabuhayan ng ganoon na lamang samantalang maaari naman silang matulungan ng pamahalaan sa napakaraming paraan.
Lalo nang hindi tutol sa modernisasyon tayong mga komyuter. Inaasam natin na hindi na muling makalanghap ng maitim na usok mula sa tambutso ng lumang mga pampublikong sasakyan. Pinapangarap nating hindi na magmistulang dugyot at nanggigitata habang sakay ng kakarag-karag na behikulo na ilang tapak sa preno ang drayber bago makahinto at ilang pihit sa manibela bago makaliko.
Noong tayo ay nasa ibang bansa, nabanggit sa atin ng isang dayuhan kung paano siya nakaramdam ng pangamba na sumakay sa luma at mausok na dyip noong ang kanyang pamilya ay bumisita sa Pilipinas, kung paano sila naipit sa mabigat na daloy ng trapiko, kung paano sila naghintay nang matagal sa pag-aabang ng masasakyan.
Lahat tayo ay nangangarap na makita ang mas maraming turistang bumibisita sa ating bansa na namamangha at hindi naiimbiyernang sumakay sa ating mga pampublikong transportasyon, na kanilang sasabihing muli silang babalik dito sapagkat kaaya-aya ang kanilang naranasan.
Sa pagsabak natin sa panibagong taon, Enero pa lamang ay napupuno na tayo ng agam-agam bilang mga komyuter kung tayo ba ay makakarating sa ating mga patutunguhan sa gitna ng sigalot sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Plan (PUVMP) ng gobyerno.
Kumabig na naman ang pamahalaan at pinalawig ang pamamasada ng mga lumang dyip hanggang katapusan ng buwan. Patuloy namang namimighati ang mga mawawalan ng prangkisang mga drayber at operator na kahit matagal na sa pamamasada ay hindi nakapag-ipon at nananatiling isang kahig isang tuka sa rami ng gastusing palaki nang palaki sa paglipas ng mga taon.
Kung tunay at higit lamang sanang nagmalasakit ang pamahalaan sa mga maaapektuhan sa pagpaplano ng modernisasyon, hindi na sana ngayon naiipit ang mga komyuter na pinakakaawa-awa sa lahat ng ito. Sino ba naman ang hindi papayag sa modernisasyon kung ito ay maayos at sistematikong pinagplanuhan na may malawakan at ekstensibong konsultasyon sa lahat ng stakeholder, na may sinserong pag-alalay sa mga apektado tulad ng pagtingin ng ama sa kanyang mga anak.
Tayong mga komyuter ay naiinip na ring makasakay ng komportable at ligtas na pampublikong sasakyan, na hindi pinaglumaan o surplus ang makina at hindi bumubuga ng usok na tila pusit sa itim, na mura at abot-kaya ang pamasahe, na hindi tayo nagmimistulang marungis sa loob ng sasakyan, na hindi tayo nangangamba na may tigil-pasada na naman at nganga tayo sa kakaabang ng masasakyan.
Nasaan ang tunay na malasakit ng pamahalaan? Mahabag sana kayo sa taumbayan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.