ni Judith Sto. Domingo @Asintado | January 17, 2024
Hindi maikakailang napapanahon at nagbabadya ng pag-asa sa Bagong Taon ang isinagawang pagpapalit ng liderato ng Department of Finance (DOF) at pagtatalaga ng administrasyong Marcos kay Ralph G. Recto bilang bagong kalihim nito.
Ang dating House Deputy Speaker, Senate President Pro Tempore, tagapanguna ng National Economic and Development Authority, apo ng statesman na si Claro M. Recto, at ating kapwa Batangueñong si Recto ay walang dudang marapat na ika-33 kalihim ng DOF.
Napakahalaga ng posisyong ito sapagkat sa may hawak nito nakasalalay ang isang matino at mabisang pamamahala sa pinansyal na pinagkukunan ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbabalangkas, pagtatatag at pagsasakatuparan ng maayos na patakaran sa pananalapi ng bansa.
Hindi lahat ay nakakaunawa at bihasa sa larangan ng finance at mabibilang lamang sa hanay ng kasalukuyang mga nasa gobyerno ang may kakayanang humawak ng posisyong ito. Ang pagpili kay Recto, o RGR kung tawagin, ay pinagkakaisahan ng marami bilang isang tamang hakbang ng administrasyong Marcos.
Malamang na hindi naging madali para kay Recto ang pagtanggap sa naturang posisyon sapagkat ito ay isang hot seat. Napakalaking hamon ang kanyang kinakaharap, kasama na ang paggisa sa kanya ng madla. Ngunit sa huli, nagtagumpay ang pag-alok at pakikipag-usap sa kanya ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sinasalamin ng masinsing pamamaraan ng paghahanap ng itatalaga sa mga kritikal na posisyon ng gobyerno ang pagsusumikap ng namumuno na ayusin ang pamamalakad ng pamahalaan.
Patas na kinikilala at sinasaluduhan natin ang ginawang pagpapalit ni Marcos Jr. ng kalihim ng DOF sa panahong ito, habang umaasa ang taumbayang makakaaninag ng liwanag sa hinaharap at mas maayos na maaayudahan ang mga vulnerable at naghihikahos, pati na ang nasa middle class na hindi mapapariwara o malalagay sa balag ng alanganin sa pagtitimon ng bagong Finance secretary.
Isa sa hindi maitatanggi at hindi matatawarang kapasidad ng kasalukuyang Pangulo ay ang pagpili niya ng mahusay na alter ego para sa kritikal na departamento ng gobyerno tulad ni Secretary Rex Gatchalian ng Department of Social Welfare and Development na personal ko ring batid ang kahusayan at kasipagan sapagkat nakatrabaho ko na siya ilang taon na ang lumipas. Gayundin ang namayapang kalihim ng Department of Migrant Workers na si Susan Ople.
Samantala, ang kasalukuyang secretary ng Presidential Communications Office na si Cheloy Velicaria-Garafil na isang abogado at dating mamamahayag ay kabilang sa mahuhusay na itinalaga ni Marcos Jr. Si Garafil ang gumagabay sa kanya tungo sa mabisa at lapat na pakikipagkomunikasyon ng pamahalaan sa taumbayan. Si Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman ay isang beterano sa kanyang larangan na batid ang pasikut-sikot ng paglilingkod sa pamahalaan.
Sa ngayon ay umaasa tayong aasintaduhin ni Finance Secretary Recto ang kapakanan ng mga sektor ng lipunang kailangan pang mas maabot ng mas makabuluhang tulong ng pamahalaan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.