ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Nov. 6, 2024
Galing tayo sa Bohol kamakailan at napag-alaman nating mahal ang presyo roon ng isda kaysa karne samantalang napapaligiran ng dagat ang napakagandang lugar na ito sa Visayas.
Hindi lamang sa Bohol, kundi maging sa iba’t ibang kapuluan sa Pilipinas hindi abot-kayang bilhin ang masarap na pang-ulam na isda.
Labis na nakalulungkot na ang mga karagatang bumabalot sa bansa ay hindi garantiya ng pagkakaroon ng mabibiling isda sa murang halaga.
Kamakailan ay nanawagan sa Department of Agriculture ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o Pamalakaya na magawan ng paraang mapababa ang presyo ng isda tulad ng galunggong, tilapia at bangus na tumaas nang P30 ang halaga sa mga pamilihan.
Anang grupo, mula sa mga mangingisda ay nabibili ng mga trader sa halagang P100 hanggang P120 lamang ang galunggong ngunit pagdating sa merkado, ito ay itinitinda na sa presyong P260 kada kilo. Aba’y higit doble ang patong kung kaya’t ang dating laging nasa hapag-kainan nating galunggong ay hindi na mahagilap sa mesa ng pamilyang Pilipino dahil sa kamahalan nito.
Ang presyong ito ay mataas sa standard na presyong rasonable ayon sa grupo, kung saan ang galunggong ay marapat na itinda lamang sa presyong P180 hanggang P220 kada kilo, bangus sa halagang P200 kada kilo, at tilapia sa presyong P100 hanggang P120 kada kilo.
Anang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR, ang pagtaas ng presyo ng isda ay naapektuhan ng kamakailang bagyo at oil spill, na nakahadlang sa industriya ng pangingisda.
Panawagan ng organisasyong internasyonal sa marine conservation na Oceana, na tulungan ang ating mga mangingisda na bawasan ang kanilang post-harvest losses na umaabot sa 40 porsyento. Nakakaapekto ito sa seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mamamayan, gayundin sa antas ng malnutrisyon sa bansa lalo na sa mga naninirahan sa baybayin o coastal areas.
Tulad ng sinabi ng Oceana, 40 porsyento ng mga isdang nahuhuli sa bahagi ng Samar ay nasasayang dahilan sa handling, kawalan ng imbakan o storage facilities at iba pang post-harvest measures, base sa pag-aaral ng organisasyon.
Ang kasayangang nagaganap sa industriya ng pangingisda ay maaaring magkaapekto sa suplay, na makaaapekto naman sa presyo nito sa mga pamilihan, base sa ekonomikong alituntunin ng suplay at pangangailangan o supply and demand.
At gaya ng tinalakay natin kamakailan, higit pang maraming pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger o gutom nang hindi bababa sa isang beses nitong nagdaang third quarter o ikatlong bahagi ng kasalukuyang taon.
Sa nakaraang Social Weather Station survey na isinagawa mula Setyembre 14-23, lumabas na 22.9 porsyento ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas magutom o walang makain sa loob ng nakalipas na tatlong buwan.
Ang talang ito ay mataas nang 5.3 puntos sa dating 17.6 puntos noong Hunyo 2024 at siyang pinakamataas mula noong Setyembre 2020 na kasagsagan ng pandemya at mga lockdown.
Sa naiulat na 22.9 porsyento ng mga pamilyang walang makain, 16.8 porsyento ang nakaranas ng moderate hunger o pagkagutom ng isa o ilang beses sa loob ng nasabing panahon, samantalang 6.1 porsyento naman ang nakaranas ng severe hunger o madalas na pagkagutom o laging walang maisubong pagkain.
Kaya’t panawagang naghuhumiyaw sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na asintaduhin at pakatutukan ang Department of Agriculture tungo sa mura at sapat na pagkain sa hapag-kainan ng ating mga kababayan, buwagin ang mga galamay ng mga mapagsamantalang nagpapahirap sa ating mga kababayan, at ganap na isaayos ang sistema sa industriya.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.