ni Judith Sto. Domingo @Asintado | January 26, 2024
Nakakagalit ang napabalitang “ayuda scam” kung saan kinukupitan diumano nang garapalan ng mga kawatan ang inilaang halaga ng tulong para sa kuwalipikadong benepisyaryo ng pamahalaan.
Halang ang kaluluwa ng mga ito na nagagawang kikilan ang mga pinagbigyan ng tulong ng gobyerno. Diumano, ‘yung P10,000 na inilaan ay binawasan ng P9,000 kaya’t P1,000 na lang ang iniuwing ayuda, ayon sa nakaranas na ipinatawag ng Senado sa pagdinig nito kamakailan.
Ang tinalakay na ayuda ay ang Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS na mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ibinababa naman sa mga lokal na pamahalaan na silang namamahala sa pamimigay nito.
Sa lahat naman ng bibiktimahin, iyon pang mga nasa krisis ng kanilang buhay!
Papaanong nasisikmura ng mga mapagsamantalang ito na lalong ilugmok ang mga hindi na nga halos makagulapay sa gitna ng sinasalunga nilang mga hamon ng buhay.
Kahit mga maralita, hindi pinaligtas sa kanilang maitim na modus! Ang mga aba ay lalo nilang ginawang abang-aba.
Dapat na matunton at mapanagot ng pamahalaan hindi lamang kung sino ang mga gumawa nito, kundi maging sino ang mga nasa likod nito. Dapat rin nilang maibalik ang kinikil nilang pondong makapagtatawid sana sa pangangailangan ng mga nabiktima.
Habang sinusulat natin ito ay nabalitaan nating may mga umatras nang biktima mula sa kanilang naunang binitiwang alegasyon. Ngunit, may mga nananatiling tumitindig sa kanilang pahayag na mayroon ngang naganap na ayuda scam.
Hindi rin naman ito ang kauna-unahang pagkakataong nakarinig tayo ng ganitong mga karima-rimarim na mga diumano’y pangyayaring nagaganap ukol sa ayuda ng gobyerno.
Aba’y hanggang ngayon na napakahirap ng buhay at marami ang nakakaranas ng matinding gutom ay hindi man lang nakokonsensya ang mga manlolokong ito. Pati ang mga naghihikahos ay hindi pinaliligtas! Panagutin ang mga ito!
***
Samantala, nananawagan tayo sa Commission on Higher Education (CHEd) at sa Professional Regulation Commission (PRC) na pag-ukulan ng pansin ang mga hinaing ng mga gustong maging ganap na lisensyadong guro tulad ng lumiham sa ating pahayagan na si Sam Juan.
Si Sam ay isang bachelor (non-education) degree holder noon pang 2013 at kakatapos lamang mabuno at makumpleto ang 18 units ng Education subjects na requirement sa mga non-education degree holder para makakuha ng Licensure Examination for Teachers (LET). Ani Sam, ang memo ng CHEd na kailangan ng 60 units ng major subjects o nangangahulugan ng 20 subjects na naging basehan ng PRC para sa mga kukuha ng LET ay dagdag na namang pabigat at balakid sa mga nangangarap maging guro na makakuha ng kanilang lisensya sa pagtuturo.
Hinaing ni Sam, isang dagdag na taon na naman ito para sa tulad niya, samantalang dati nang may mga nakapasang may 18 units ng Education subjects na nakakuha pa ng matataas na marka sa nasabing pagsusulit.
Kasalukuyang nag-uumapaw ang mga hinaing ng marami pang kagaya ni Sam sa social media tulad ng Facebook.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.