ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Pebrero 7, 2024
Kalunos-lunos ang kalagayan ng ating mga kababayan sa rehiyon ng Davao sa gitna ng matinding mga pagbaha roon.
Ang mga napilitang manirahan pansamantala sa mga tolda ay nagugutom at walang makain dahil kulang na kulang ang mga dumarating na ayuda samantalang naubos na noong Enero pa ang mga relief goods doon ng pamahalaan. Kahit ang gym na ginawang evacuation center ay binaha rin.
Nananawagan tayo sa pamahalaan at pribadong sektor na huwag pabayaan ang mga apektadong residente doon na talaga namang nangangailangan ng tulong sa gitna ng kanilang miserableng sitwasyon. Hiling nilang damayan at kalingain sila hanggang sa makatawid sila sa delubyong kanilang nararanasan. Tao po!
***
Isantabi na muna ang pulitika at anumang anyo nito para matutukan ang kapakanan ng mga mamamayan na patuloy na sinasalunga ang kahirapan ng buhay. Aba’y sing-init ng balangkas o plot ng pinag-isipang pelikula ang mga pangyayari sa larangan ng ating pulitika kamakailan.
Pero ano naman ang mahihita rito ng ordinaryong si Juan at Juana dela Cruz, eh ‘di wala! Wala silang kabutihang mapapala.
***
Matagal nang umaasa ang mga Pilipino na magbago ang kalakaran sa Pilipinas.
Kinatandaan na rin iyang pangarap na ‘yan ng marami sa atin. Kaya noong ating unang narinig ang tagline na “Bagong Pilipinas” na inilunsad kamakailan ng pamahalaan, naalala natin ang ating kabataan na puno ng pag-asam na umusad ang pagbabago ng kalagayan ng lipunan. Kabisado pa natin ang kanta noon ng “Bagong Lipunan” kung saan inaasahang magbabago raw ang lahat tungo sa pag-unlad. Pero ayun, nanaig ang mga ganid na mapagsamantala at nagkaganito tayo.
Oo naman, umaasa ang ating mga kababayan ng pagbabago, sino bang may ayaw nito.
Aba’y wala. Kaya sa bawat araw ng kanilang paglapit sa pamahalaan at pagdalaw sa iba’t ibang tanggapan, kahit pila at sungit man lang ng mga empleyado ng gobyerno ay dapat maibsan. Simulan ang pagbabago sa pinakanilalapitang ahensya ng pinakamahihirap na Pilipino para maramdaman nila kung may patutunguhan nga ba ang tagline na ‘yan.
***
Natutuwa tayo sa ibinalita ng isang masugid nating mambabasa na nakapagpaopera siya ng katarata na libre sa isang medical mission sa Maynila. Mas mahal pa raw ang ginastos niya sa pag-arkila ng sasakyan papunta sa lugar kung saan siya inoperahan sapagkat kailangan niyang bumalik ng ilang beses doon bilang preparasyon sa operasyon. Wala raw siyang binayaran para mismo sa operasyon at ngayon ay nakakakita na siya ng malinaw. Sa isang araw, 40 daw silang iniskedyul na operahan at iba’t ibang dalubhasang doktor ang nagsasagawa ng bawat operasyon kaya’t nakayanan ang 40 na pasyente sa isang araw.
Harinawa ay dumami pa ang mga may ginintuang pusong mga doktor ang magsasama-samang gumawa ng ganitong mga adbokasiya para hindi magtiis na lamang sa iniindang karamdaman ang ating mga kababayang walang ibabayad sa operasyong kanilang kinakailangan.
Naalala ko tuloy ang kuwento ng isa kong kaibigan tungkol sa kanyang nanay na yumao na. Hindi sinabi ng kanyang ina sa kanya na may katarata siya, hanggang isang araw ay hindi na ito makakita at talaga namang napaluha siya bilang anak na walang nagawa sa sitwasyon ng kanilang ina.
Dapat bigyan ng insentibo ng gobyerno ang mga doktor para magsagawa ng libreng operasyon tulad nito para sa ating mga karapat-dapat na kababayan.
Asintaduhin ang kapakanan ng taumbayan!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.