ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Pebrero 16, 2024
Kabillang tayo sa mga tumungo sa Commission on Elections (Comelec) noong Lunes, Pebrero 12, na siyang unang araw ng pagpaparehistro para sa mga nagnanais makaboto sa darating na halalan.
Mabuti na lamang na hindi agad kami pumarada sa itinurong paradahan at nagtanong muna kami sa may gate at doon namin napag-alaman na cut off na raw ang pagtanggap ng mga magpaparehistro o magpapa-update ng record kahit alas-2 pa lang ng hapon.
May kasama pa naman kaming senior citizen na octogenarian na marami na ring dinaramdam. Napagod lamang kami sa pagpunta at nasayang ang araw naming inilaan sana para sa karapatan naming makapaghalal ng marapat sa aming paningin sa eleksyong darating.
Tila hindi handa itong mga tauhan ng Comelec sa dagsa ng tao noong Lunes na dapat sana nilang mas maiging nai-manage at hindi pinauwing luhaan. Hindi ba nila naisip na nagpakahirap ang mga tao sa pagpunta, gumastos sa transportasyon at naglaan ng oras para unahin ang pagtungo sa Comelec site?
Sana man lamang, sa pinakamaagang pagkakataon ay nag-anunsyo na sila tungkol sa pagpaparehistro kaysa nararapat na oras ng cut-off para hindi na nagbalak pumunta pa noong araw na iyon at nagsayang ng panahon ang ating mga kababayan. Sana ay nagugol na lamang nila ang nasayang na oras sa mas produktibong mga bagay na makatutulong sa kanilang kabuhayan, makababawas sa kanilang gawaing bahay, o makakapagpagaan sa pasanin ng kani-kanilang mga pamilya.
Dapat bigyang pansin ang ating mga mamamayang nagsumikap pumaroon sa Comelec para pag-ukulan ng napapanahong pangangalaga ang kanilang karapatang bumoto bilang mga aktibong indibidwal sa larangan ng pagpapatakbo at pagsasaayos ng ating pamahalaan.
Sa halip na pansin, pagpapauwi ng luhaan ang dinanas ng maraming nagsipuntahan.
Sana man lamang ay kinakitaan ang mga tauhan ng Comelec ng tatak-Pinoy na sinasabing angkin natin laging pagbabayanihan para mas marami pa sana nating mga kababayan ang naasikaso nila tulad ng inaasahan.
Kulang na kulang sa pagtantiya ang Comelec sa kinaharap nitong sitwasyon noong Lunes. Tinimbang ngunit kulang ang inaasahang pagsisilbi ng ahensyang ito sa gitna ng kasabikan ng taumbayan na makapagpatala o magpaayos ng kanilang tala sa Comelec.
Hindi biro ang sinapit ng mga nagsipunta at gumastos ng sarili nilang pera sa pamasahe at gumugol ng importanteng panahon sa gitna pa ng pagsalunga sa mabigat na trapik.
Mas malalim na malasakit at makataong dedikasyon ang dapat maramdaman mula sa mga tauhan ng Comelec sa patuloy na isinasagawang rehistrasyon. Huwag namang balewalain ang pagpapagod ng mamamayan. Asintaduhin ang kanilang kapakanan, habang nagsusumikap silang makibahagi sa sistema ng pamahalaan sa gitna man ng kanilang nararanasang kahirapan ng buhay.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.