ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Abril 3, 2024
Gabundok na hamon ang kinakaharap ng bagong hirang na hepe ng Philippine National Police (PNP), si Gen. Rommel Francisco Marbil na humalili sa nagretirong si Gen. Benjamin Acorda Jr.
Dahil kauupo pa lamang niya, magiging patas tayo sa kanya at aasang ang karanasan niya sa pinagdaanan niyang mga posisyon bilang tagapanguna ng Directorate for Comptrollership, ng Eastern Visayas regional police, at ng Highway Patrol Group ng PNP ay makatutulong para mas madali niyang maasinta ang pagganap sa mabigat na pasaning iniatang sa kanyang balikat bilang PNP chief.
Nadinig natin ang kanyang mga binitiwang pangako, kasama na ang gagawin niyang mga hakbang para pataasin ang antas ng tiwala ng taumbayan sa kapulisan. Harinawa.
Hindi pa man umiinit ang kanyang pagkakaupo at pagkakaluklok sa posisyon, ibinubuhos na natin ang ating masidhing panawagan kay General Marbil na asintahin kaagad ang pagpapalakas sa kapulisan para magkaroon ito ng pinaigting na kakayanan sa pagtugon, pagsawata at paglaban sa mga naglipanang cybercrime na lalong nagpapahirap at nagpapalugmok sa mga nabibiktima nating mga walang kamalay-malay na kababayan.
Inamin ni General Marbil sa kanyang unang pananalita bilang PNP chief na kailangan ng mga pulis na may kakayanang mag-isip sa kritikal na pamamaraan at lumutas ng mga suliranin para makatugon sa mga kakaibang sitwasyon. Ito ay sa gitna ng mga bagong anyo ng kriminalidad na pumapaling kung saan naroroon ang oportunidad para magsamantala sa mga kahinaang dala ng teknolohiya.
Hindi maikakailang patindi nang patindi ang mga bantang digital na kadalasang sa social media sites ng milyun-milyong Pilipinong naghihikahos na nagkakaroon ng puwang at nakapambibiktima. Sa maraming kadahilanan, naibaba ng ating mga kababayan ang antas ng kanilang pag-iingat sa pag-aakalang kilala nila ang mga mapagpanggap na nagta-tag o nagpapadala ng mensahe sa kanilang social media account. Kadalasan, huli na bago nila mapagtanto na naisahan na sila at napagsamantalahan.
Ang mga kababayan nating ito na patuloy na nanlulupaypay matapos makaranas ng nakapanghihinang panlilinlang ang sana’y mabanaag na anyo ni General Marbil sa kanyang bawat pagbangon sa araw-araw at tumanim sa kanyang isipan upang magpaigting sa kanyang determinasyong hindi na tila langgam na dumarami sa tag-araw ang mga ginagapi ng makabago at makapangyarihang pamamaraan ng paggawa ng krimen.
Napapanahon na ring paigtingin ang kursong Criminology para magkaroon ang mga magsisipagtapos nito ng kasanayan sa paglaban sa cybercrime. Kaugnay nito, kinikilala natin ang inanunsyong pagbubukas ng University of the East ng nasabing kursong may espesyalisasyon sa cybersecurity.
Hindi kailanman dapat mapag-iwanan ang kasanayan ng ating kapulisan sa paglaban sa mga kasalaulaan ng makabagong panahon!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.