ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 3, 2024
Hindi lilipas ang isang buwan at bubulagain muli tayo ng anunsiyo ng mga kumpanya ng langis na tataas ang presyo ng gasolina, diesel at kerosene.
Ang madalas na pagtaas ng presyo ng petrolyo ay nagkakaroon ng tinatawag na domino effect, ibig sabihin, ang presyo ng mga pangunahing bilihin at pang-araw-araw na pangangailangan ay tumataas din.
Tanong tuloy ng ating mga kababayan, bakit tila hindi na akma ang nagiging pagtaas ng presyo ng langis na nagpapahirap ng labis? Tanong naman ng sektor ng transportasyon, bakit kung tumaas ang presyo ng gasolina at diesel ay pahirapan naman sa pagkamit ng hiling nilang taas-pasahe?
Magbalik-tanaw tayo sa istorya ng presyo ng petrolyo. Pagkatapos ng World War II habang unti-unting bumabangon ang ekonomiya ng Pilipinas, dumami na rin ang mga sasakyang gumagamit ng gasolina at diesel. Noong panahong iyon, mayroon lamang tatlong kumpanyang nagbebenta ng gasolina at diesel, na malayang nagtatakda ng presyo nito.
Noong 1969, napansin ng ating gobyerno na ang kalayaan ng mga kumpanya ng langis na magtakda ng presyo ng kanilang mga produkto ay nakadaragdag sa pasanin ng ating mga kababayan. Kaya noong Abril 1971, inaprubahan ang Republic Act 6173 na lumikha ng Oil Industry Commission. Ang mandato nito ay i-regulate ang industriya ng petrolyo at tiyaking may sapat na suplay ng produkto sa kainamang presyo.
Sa ilalim ng nasabing batas, bago makapagtaas ng presyo ng petrolyo, dapat munang magkaroon ng public hearing kung saan ang mga kumpanyang gustong magtaas ng presyo at ang mga tutol dito ay pakikinggan at papaghainin ng kanilang posisyon sa isyu at batayan nito. Matapos ang public hearing, pag-aaralan ng OIC kung dapat o hinding ibigay ang kahilingang magtaas ng presyo. Kung ano ang pinakamataas na presyong ipagkakaloob ng OIC, dapat itong sundin ng mga kumpanyang nagbebenta ng langis.
Ang OIC ay nabuwag at ang mga kapangyarihan nito ay nalipat sa Board of Energy sa ilalim ng Ministry of Energy. Ang Board of Energy naman ay pinalitan ng Energy Regulatory Commission. Nagkaroon ng tinatawag na oil crisis noong 1973 nang magpasya ang mga bumubuo ng Organization of the Petroleum Exporting Countries na itaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado sa mga masalimuot na kadahilanan.
Ang Pilipinas noon ay nasa ilalim na ng Martial Law kaya para matugunan ang epekto sa ating ekonomiya ng oil crisis, nagpalabas si Pangulong Ferdinand Marcos ng Presidential Decree 334 na lumikha sa Philippine National Oil Company na inatasang tiyaking may sapat at tuluyang suplay ng mga produktong petrolyo para sa pangangailangan ng Pilipinas.
Bilang tugon naman sa hinaing ng mga kumpanya ng langis na nabibigatan sa pagkontrol ng gobyerno sa presyo ng kanilang produkto na hindi nila basta maitaas kahit tumaas ang presyo nito sa pandaigdigang merkado, inisyu ni Pangulong Marcos ang Presidential Decree 1956 na lumikha ng Oil Price Stabilization Fund. Ito ay isang pondong pinaglaanan ng gobyerno ng milyong piso bilang subsidiya sa mga kumpanya ng langis. Kung nalugi sila dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina sa pandaigdigang merkado, puwede silang bayaran ng nalugi sa kanila mula sa nasabing pondo. Kung kumita naman sila, dapat mag-ambag sila sa nasabing pondo.
Noong 1992, naupo si Fidel Ramos bilang pangulo ng Pilipinas. Malaki ang paniniwala niya sa globalisasyon at pagsasapribado ng mga kumpanyang pag-aari ng gobyerno at pag-alis ng mga regulasyong nakakaapekto sa operasyon ng mga pribadong kumpanya. Isa na rito ay ang kapangyarihan ng gobyerno sa presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo.
Noong 1996, pinagtibay ang unang Oil Deregulation Law. Pero pinawalang-bisa ito ng Korte Suprema sa ilang kadahilanan. Kaya noong 1998, inaprubahan ang bagong Oil Industry Deregulation Law. May probisyon ang bagong batas laban sa kartelisasyon at predatory pricing. Ang kartelisasyon ay ang pagsasabwatan ng mga kumpanya ng langis na pataasin ang presyo ng kanilang produkto. Ang predatory pricing naman ay ang pagtataas o pagpapababa ng presyo ng kanilang produkto upang ipitin ang maliliit na kumpanya, mapilitan ang mga itong magsara dahilan sa pagkalugi at sa ganoon ay mawalan ng kumpetisyon ang malalaking kumpanya.
Ang orihinal na intensyon ng Oil Deregulation Law ay alisin ang kontrol ng gobyerno sa presyo ng petrolyo at magkaroon ng malusog na kumpetisyon ang mga kumpanya ng langis. Kaso, kabaligtaran ang nangyari. Dahilan sa ang mga kumpanya ng langis ay malaya nang makakapagtakda ng presyo ng kanilang mga produkto, sila-sila na lamang ang nagtatakda ng presyo na diumano’y batay sa galaw ng mga nasabing produkto sa pandaigdigang merkado.
Ang pangunahing apektado ng walang patumanggang pagtaas ng halaga ng petrolyo ay ang sektor ng transportasyon. Lumiliit nang lumiliit ang kita ng mga drayber dahil ang malaking bahagi ng kanilang kinikita ay napupunta sa pagbili ng langis.
Malakas ngayon ang panawagan na repasuhin o amyendahan ang Oil Deregulation Law sa pamamagitan ng paglalagay ng kontrol sa tubo ng mga kumpanya ng langis sa pagbebenta ng kanilang produkto, at babaan din ang buwis sa mga produktong kinukonsumo ng mga mahihirap tulad ng kerosene, diesel at LPG.
Pero sa ngayon ay may mga magagawa pa rin ang gobyerno sa ilalim ng ating mga batas. Una, subaybayan ang galaw ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado at isapubliko ito para sa kaalaman ng mga mamamayang Pilipino.
Ikalawa, utusan ang mga kumpanya ng langis na magsumite ng buwanang report sa Department of Energy tungkol sa kanilang aktuwal o binabalak na importasyon at pagluluwas ng kanilang mga produkto, pati na ang imbentaryo ng stock ng gasolina at iba pang produkto at hanggang saan at kailan sasapat ito sa pangangailangan ng mga Pilipino.
Ikatlo, gumawa ng biglaang inspeksyon ng mga librong pinansyal ng mga kumpanya ng langis upang matiyak na wala silang itinatago sa gobyerno at sa publiko. Ito ay saklaw ng visitorial powers of the State.
Sa ilalim ng ating Saligang Batas, sa panahon ng pambansang kagipitan o national emergency, may kapangyarihan din ang pamahalaang i-take over ang mga kumpanya ng langis at patakbuhin ang mga ito sa buong panahon ng national emergency.
Sa gitna ng nararanasang hirap ng ating mga kababayan, panahon na para gumising ang mga kumpanyang itong malaki na ang kinita at kailangang magsukli sa taumbayan.
Panahon na para gamitin ng administrasyong Marcos Jr. lahat ng kapangyarihan nito para hindi patuloy na mapagsamantalahan ang mamamayan. Panahon na para asintaduhin ang kapakanan ng mga Pilipinong gipit na gipit na sa lupit ng pagdarahop na sinasapit.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.