ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Nov. 16, 2024
Ilang taon na rin ang nagdaan nang lumipat ako ng tirahan sa siyudad ng Makati. Kamakailan ko lamang sinubukang pumunta sa bagong ospital nito, ang kasalukuyang tinatapos na Makati Life Medical Center, para sumailalim sa taunang pagsusuri ng aking kalusugan at pagkonsulta sa doktor. Pagpasok ko pa lamang ng ospital ay natuwa na ako sa maasikasong pag-estima ng mga kawani noong araw na iyon. Sa aking pagtatanong ay naramdaman ko na tila nasa isang major private hospital ako at higit pa, dahil sa modernong pasilidad at propesyonalismo ng mga naninilbihan.
Kumonsulta ako sa doktor, at matapos nito ay nagpa-schedule ako para sa full blood chemistry at whole abdominal ultrasound, pati na ang ECG. Nakuha ko ang resulta kalaunan na muli kong dinala sa doktor, na binasa ito saka ako binigyan ng payong medikal. Dahil sa maayos na resulta ng aking medical tests ay hindi ako niresetahan ng anumang gamot, maliban sa bitamina C, na dinala ko sa botika sa loob ng ospital, na siya namang nagbigay sa akin ng libreng bitamina.
Totoo nga pala ang noon pang sinasabi ng aking malapit na kaibigan na dati kong chief of staff sa noo’y tanggapan ni dating Senador Ramon Magsaysay, Jr. Si Mr. Augusto Banzon Catindig, na isang octogenarian, ay laging nagpapayo sa akin na kumuha na ako ng yellow card at subukan ang kalidad na serbisyong medikal ng lungsod. Aniya, napakaayos ng paglilingkod medikal ng Makati, at kahit siya ay doon nagpapatingin.
Akala ko ay parang ordinaryong government hospital service ang aking mararanasan ngunit laking gulat ko nang matikman ko mismo ang serbisyo ng Makati Life Medical Center. Wala akong kinailangang bayaran. Totoo nga pala. Nais kong papurihan ang serbisyo ng institusyong ito lalo na ang lahat ng kawaning medikal na mapagkalingang nag-aasikaso sa mga dumarayo roon anumang oras.
Maaari naman palang ganitong kahanga-hanga ang serbisyo ng isang institusyong pangkalusugan. Maaari naman palang mainit ang pagtanggap at maaasahan ang serbisyo — mula una hanggang huling hakbang — para sa taumbayan, mahirap man o maykaya, matanda man o bata. Maaari namang palang tratuhin nang may pinakamataas na dignidad ang bawat tumutungo at humihingi ng serbisyo.
Sana, lahat ng ospital ng gobyerno ay tulad nito. Sana, hindi naitataboy ang sinumang mangangailangan ng tulong ng anumang government hospital at hindi kailangang maghintay ng hindi lamang oras kundi araw para ma-admit. Sana ay hindi kailangang mamroblema ang taumbayan ng paghahanap ng gagamot sa kanila sa panahong kanilang pinakakailangan.
Walang sinumang nagnanais na magkasakit, lalo na sa panahong sila ay walang-walang pampagamot, naghihikahos at walang mahal sa buhay na sa kanila ay mag-aalaga. Makapagpapabuhos ng gatimbang luha at makapagpapalaho ng pag-asa ang karanasang hindi kaaya-aya sa institusyong inaasahan mong sa iyo ay sasaklolo at gagamot.
Darating at darating sa buhay ng tao ang sandali ng pisikal na panghihina at pagkakasakit. Kaya’t tinatawagan natin ang Department of Health na sipagan ang pagbubuo at pagsasaayos ng mas maraming institusyong pangkalusugan at paigtingin pa ang kapasidad at serbisyo ng kasalukuyang mga ospital na nasa ilalim ng administrasyon nito.
Asintaduhin ang pagmamalasakit sa kalusugan ng bawat mamamayang Pilipino!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.