ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 17, 2024
Hindi ko kailanman nagustuhan o ikinatuwa ang tipo ng pagpapatawa ni Vice Ganda na madalas sinasaling ang ibang tao. Ngunit sa kanyang inilabas na video bilang pagsali sa
“Piliin Mo ang Pilipinas” trend na pinakabagong hamon sa TikTok ay nakamit niya ang aking pagsang-ayon.
Buong husay niyang ginamit ang pagkakataong ito para isalarawan ang kasalukuyang sitwasyon sa Pilipinas na hindi maipagkakaila: ang malalang problema sa transportasyon at usad-pagong na trapiko, at ang panirang mga istrukturang katabi ng mga sikat na tourist sites katulad ng Chocolate Hills sa Bohol at Rizal Park sa Maynila.
Ang pinakahuli rito ay ang pambobomba ng tubig ng Chinese Coast Guard (CCG) sa barko ng Philippine Navy na sumasalamin sa paulit-ulit na lantarang pagyurak ng China sa karapatang teritoryal at ganap na soberanya ng Pilipinas.
Sa kanyang pagkakasadlak sa buhanginan sa nasabing video matapos ang panggigipit ng China sa karagatan ay pilit na inabot ng komedyante ang pambansang watawat hanggang sa ito ay kanyang maitaas, kasabay ang paglutang ng mga katagang, “Kahit mahirap kang ipaglaban, pinipili pa rin kita, Pilipinas.”
Maraming Pilipinong tunay na nagmamahal sa bayan ang napukaw, nangilid ang luha o nag-alab ng higit ang pagnanasang makita ang Pilipinas na umahon sa deka-dekada nang pagtitiis sa kasalaulaang magpahanggang ngayon ay walang pagbabago o mabagal ito at nagmistulang napag-iwanan na sa pag-unlad ng ibang karatig-bansa.
Ayan, mga kababayan, masdan ninyo ang nangyari at kasalukuyang nangyayari sa Pilipinas, at ang sinasapit ng mga ordinaryong Pilipinong pinipili pa ring manatili sa ating bayan.
Ayan, administrasyong Marcos Jr. at inyong mga opisyales sa bawat ahensya ng gobyerno, malinaw ang kabiguan ng pamahalaan na pagaanin ang pasanin ng taumbayan sa usapin ng transportasyon pa lamang, problemang oras-oras sa araw-araw na pumipiga sa pagtitimpi ng mga mamamayan at sumisikil sa kanilang kakayanang mabuhay nang may dignidad sa sariling bayan.
Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na aking nakasama sa pagbisita sa ilang probinsya sa bansa noong 2009 bilang pinagkakatiwalaan ng iyong noo’y kinasasalihang pulitikal na partido, bigyan mo nawa ng buong lakas ng iyong mandato ang pagtugon sa mga problemang ito sa paraang tila wala nang bukas.
Secretary Jaime Bautista ng Department of Transportation (DOTr), pakitang-gilas mo nawang tapatan ng ibayong kasigasigan ang bawat kaparaanan tungo sa pag-usad ng bawat solusyon sa sala-salabid na problema ng transportasyon na sobra nang tinitiis ng ordinaryong mga Pilipino.
Tapatan nawa natin ang sakripisyo ng mga Pinoy na araw-araw ay lumalaban sa buhay, hanggang sa puntong gumapang na para lamang maiangat ang katayuan ng pamilya at ang pag-asa at dangal ng ating bayan. Kaya ipaglaban natin sila, piliin natin ang kapakanan ng Pilipinas!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.