ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 19, 2024
Naranasan n’yo na ba, giliw na mambabasa, na tila mas masarap ang pagkain kung ibinahagi mo ang kahit kapiraso nito sa iba?
Sa kapamilya man, kaibigan, kabarkada o sa estrangherong nangangailangan, nagbibigay tayo at hindi lamang ang sikmura ang nabubusog kundi maging ang puso at pagkatao.
Hindi man pantay-pantay ang antas ng ating pamumuhay ay hindi naman nito dapat limitahan ang lalim at lawak ng ating kakayanang maging bukas-palad sa kapwa, ‘di ba?
Ultimo ang sanggol, na iiyak kung may aagaw ng kanyang pinapapak na gatas, ay nakapagpapabalon ng ligaya mula sa kanyang pagngiti at pagkislap ng mga mata sa kanyang nagmamasid na magulang o tagapag-alaga.
Kahit ang batang paslit na may kagawiang ipagkait ang laruan o tsokolate sa kapatid o kalaro, ‘di maglalaon ay hindi rin mapipigilang magpahiram o magbigay kahit saglit o kaunti.
Hindi likas sa bawat nilalang ang pagiging makasarili, na nagpapakitid sa pananaw, nagpapapayak sa buhay, nagsasaklob ng lungkot at panghihinayang sa mga nasayang na sandali upang dumamay sa kapwa.
Ang mga may adhikaing organisasyon o kumpanya, malaki man o munti, ay malalim ang kayang gawin, sa ngalan ng pagkakawanggawa, para agarang makatulong sa iba — gaya ng feeding program o donation drive — o hindi agarang madarama ang bunga, tulad ng pagtatanim ng puno o wastong paghihiwalay ng basurang nabubulok sa hindi.
Pati ang tinatawag na crowdsourcing o pagbubuklod ng maraming tao, kahit online lamang at hindi kilala ang isa’t isa, upang makakalap ng kaalaman o makalikom ng pondo para makalutas ng suliranin o makatugon sa makabuluhang pangangailangan, ay nakaugat sa taglay nating pagiging mapagbigay.
At ang tunay na nakamamangha, kahit hindi manghingi ng kapalit o maghanap ng pagkilala sa pagmamagandang-loob ay iinog at iinog ang alaala ng ipinamalas na kabutihan, at babalik at babalik sa nagbigay o kanyang mga inapo balang-araw ang itinanim sa kapwa.
Tulad ng pagbibigay ng sariling dugo para makapagdugsong ng buhay ng iba ay may kaakibat na pakinabang maging sa kalusugan ng nagbigay nito.
Gaya ng pagpapasaya sa ibang tao, na nakatutulong makapagpahaba ng buhay, hindi lamang ng pinapasaya kundi pati ng taong nagpapasaya — nakapagpapakawala sa loob ng ating katawan ng hormone na oxytocin na nakakapagpagaan at nakapagpapaaliwalas ng pakiramdam, at nakapagpapagiliw ng ating pakikisama sa kapwa — kapamilya man, kasamahan sa trabaho o organisasyong sinasalihan, kapitbahay o kasuwal na nakakasalamuha.
Kung isasapuso ng bawat Pilipino ang pagiging mapagbigay, maiibsan ang pasanin at paghihirap ng ating mga kababayan. Sa walang humpay nating panawagan sa gobyerno para magpakamakatao, gayundin ang ating pagdulog sa bawat may pusong kababayan na buksan ang sariling balon ng kabutihan upang ito ay dumaloy sa ibang nangangailangan.
Matamis ang buhay kung ito ay may kabuluhan. Hitik ang pag-asa kung may pagpapahalaga sa kapwa. Mabunga ang pagkatao kapag may paglalaan sa iba. Ang isang buto ng kabutihang itinanim ay umaalpas upang lumago at magkasanga-sanga hanggang sa mahitik sa bungang mapipitas at mapakikinabangan ng mas nakararami.
Ang bawat isa sa atin, ikaw at ako, ay maraming maaaring maiambag sa lipunan at maitulong sa kapwa bukod sa salapi — oras, talento, lakas, karunungan at panalanging wagas. Piliin nating maging mapagbigay sa lahat ng oras. Kailangan tayo ng bayang Pilipinas.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.