ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 12, 2024
Nananawagan tayo sa Metro Manila Council at sa mga mayor ng National Capital Region na pag-aralang muli ang kanilang ipinasang resolusyong nagmamandatong paagahin ang working hours ng local government units (LGUs) sa Metro Manila mula sa dating 8 a.m. hanggang 5 p.m. na kasalukuyan nang 7 a.m. hanggang 4 p.m.
Ilang beses nating nasaksihan kung paanong napagsaraduhan ang ilan nating kababayan sa mga tanggapang kinailangan nilang puntahan sa LGU, kasama na ang mga senior citizen, sa pagsapit ng alas-kuwatro impunto ng hapon. Lulugu-lugo ang mga nakausap nating kababayan, lalo na ang mga nagkomyut lamang nang hindi sila umabot sa ninasang puntahang opisina dahil sa trapikong kanilang inabot sa daan matapos tapusin ang kanilang mga responsibilidad na hindi maaaring iwanan na lamang para sa personal na lakarin sa kanilang lokal na pamahalaan.
Hindi lamang usapin ng mabigat na trapiko ang nararapat isaalang-alang dito kundi maging ang kagaanan, sa halip na kabigatan, ng mamamayang Pilipino sa pagdulog sa kani-kanilang lokal gobyerno. Ang LGU ang pinakaunang dapat sanang maramdaman ng ating mga kababayan na siyang nagmamalasakit sa kanilang kapakanan bilang kanilang malapit na tagapangalaga mula sa kanilang kinaroroonan.
Ngunit sa kasalukuyan, sa pinaagang itinakdang oras, katanungan una sa lahat ng maraming inang naghahanapbuhay at nag-aalaga rin ng kanilang mga anak, “Paano naman kami makakapunta ng alas-7 sa city hall? Kailangan pa naming asikasuhin ang aming mga anak, lalo na sa gitna ng pasukan, ipaghahanda pa namin ng pagkain at ihahatid pa namin sa paaralan, at matapos nito ay kinakailangan nang magprepara para pumasok sa trabaho.” Kung isisingit nga naman daw nila sa umaga ang pagpunta sa city hall ay mahuhuli naman sila sa pagpasok nila sa opisina. At kung gagawin naman raw nila sa hapon ang pagpunta sa LGU ay sarado na ito ng alas-4 impunto lamang.
Kung kapakanan ng ating mga kababayan ang isasaalang-alang ng mga mayor ng NCR, gagawin nilang three shifts ang paglilingkod sa mamamayan: may naka-duty hindi lamang ng 7 a.m. to 4 p.m. kundi maging 8 a.m. to 5 p.m. at 9 a.m. to 6 p.m. Sa ganitong paraan, ang mga empleyadong nais magtungo sa LGU ay maaari pang umabot kung sila ay papasok sa trabaho ng alas-7 at aalis ng alas-4. Ganoon din para sa mga nanay na nag-aasikaso ng mga anak.
Sa usaping trapiko, pagdating naman ng alas-7 ay magaan-gaan na ito at ang mga civil servant ng LGU na itatalaga na magsilbi hanggang alas-6 o alas-7 lalo na sa kritikal na mga tanggapan ay hindi na rin mabibigatan sa trapiko.
Bakit hindi na lamang mag-survey ang ating mga lokal na pamahalaan o kani-kanilang survey arm at alamin ang tunay na pulso ng mamamayan? Sa araw-araw kahit noon pa, problema na ng ating mga kababayan ang pagtatalaga ng oras para makapunta sa mga tanggapan ng pamahalaan
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.