ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Mar. 28, 2025

Hindi lahat ng sikat ay dapat tularan, ngunit marami pa ring mga tanyag sa pananaw ng nakararami na hindi maikakailang karapat-dapat sa naaning popularidad.
Isang halimbawa nito ay ang “Adolescence”, isang sariwang maikling serye sa Netflix na kasalukuyang mainit na pinag-uusapan hindi lamang ng mga taga-Britanya, kung saan ito gawa, o kahit nating mga taga-Pilipinas kundi pati sa ibang mga bansa.
Dalawa ang pangunahing dahilan kung bakit maalab na usapin ang naturang serye, na kinabibilangan ng apat lamang na yugto na humigit-kumulang na isang oras ang bawat isa.
Ang isang nakamamanghang aspeto ng “Adolescence” ay ang kuwentong nakapaloob dito — isang nakalulungkot na posibilidad na sa kasawiang-palad, ay batay sa ilang naiulat sa Britanya at iba pang mga lupalop, ukol sa karahasang ang salarin ay menor-de-edad na salat pa sa kamuwangan.
Bagama’t sa umpisa’y tila may misteryong bumabalot sa istoryang inilalahad, lumalabas na ang mas mahalagang layunin ng serye ay udyukin tayong pagnilay-nilayan kung paano magagawa ng isang adolesente na manakit nang malubha ng kanyang kapwa bata.
Nagawa rin ng palabas na ito na maipabatid sa ating mga nakatatanda na maging maingat sa pagiging sensitibo ng kabataan, at kahit sa mga kataga at emoji na may mga matimbang palang kahulugan o simbolismo na maaaring lingid sa kaalaman nating hindi “digital natives,” tayong hindi lumaking nakatutok sa mga gadget buong araw. Ang nakababahala ngunit matimbang na aral na makukuha rito ay kung hindi tayo mag-iingat, baka mauwi sa pagkitil ng kinabukasan ng kabataang malayo’t matayog pa sana ang mga mararating at makakamit sa buhay.
Iminumungkahi rin at babala ng seryeng ito na hindi porke’t hindi natin sinasaktan ang ating mga supling kung magkasala, na iba sa nakagawian natin marahil na nakatikim ng hagupit ng sinturon, ay basta silang lalaki na masunurin at hindi makabasag-pinggan sa kabaitan. Kahit ano’ng ating kabutihan bilang magulang o tagapatnubay ay hindi garantisadong makaliligtas sila sa kamandag ng masasamang impluwensya, gaya ng mapang-aping mga kakilala’t kababata o mga walang pakundangang nangungutya sa social media.
Nakapagpapaalala tuloy ang “Adolescence” na ating ugaliing kausapin ang ating mga anak, o kahit mga pamangkin, inaanak o inaalagaang mga musmos. Kung ayaw man nilang maistorbo, ipahiwatig na bukas ang ating mga tainga at puso sa anumang sandali na nais nilang paunlakan ang ating paanyaya na sila’y magbahagi ng saloobin. At kahit may pag-aalinlangan man tayo sa ating sariling mga kakayanan, tatanawing napakalaking bagay ang ating paghahandog ng anumang oras at lakas sa mga kabataang mahal sa buhay.
Ang isa pang nakamamanghang detalye ng seryeng ito ay ukol sa sinematograpiya, kung saan ang bawat yugto ay isang tuluy-tuloy at walang patid na kuha, at walang halong special effects o pagdaya sa editing.
Hindi ito ang kauna-unahang palabas na gumamit ng “one take” na pamamaraan ng pagkukuwento nang may kamera, ngunit ito marahil ang pinakanakabibighaning paggamit nitong bukod-tanging estilo. Nakakagulat na nakakatuwang isipin at suriin kung paano nagawa ang makapigil-hiningang pag-shoot mula sa isang bahay papasok sa isang sasakyan, patungo sa isang gusali at papunta sa isang kuwarto bago lumipat ng isa pang kuwarto at iba pang silid hanggang, sa wakas, may isang oras na pala ang lumipas. Kahit ang isang yugto, na iisang kuwarto ang primerong tagpuan, ay hindi nakapirmi nang matagal ang ating makikita; bagkus ay iniikutan ang nag-uusap na mga tauhan.
Imbes na magmukhang gimik lamang, ang malikhain at masigasig na pamamaraang ito ay nakakatulong hindi lamang upang makuha ang atensyon ng manonood kundi para lalo tayong maantig sa kabila ng pagiging kathang-isip ng isinasalaysay. Sa sobrang tinik ng maisakatuparang pagbibidyo, tiyak na magiliw na sisiyasatin ang “Adolescence” ng mga nais maging manlilikha ng mga serye o pelikula kahit ilang taon o dekada na ang lumipas mula ngayong 2025.
Itambal pa riyan ang magaling na panulat, napakagandang pagsasadula, mahusay na pag-arte ng mga nagsipagganap, at masigasig na pagpaplano’t pag-eensayo ng lahat ng gumalaw sa harap at likod ng kamera, at hindi nakapagtatakang naglipana ang online na mga komento na nagsasabing isang obra ang seryeng ito.
Sa kabila ng hindi mabibilang na mga akda at palabas sa mahaba nang kasaysayan ng paglalahad sa pelikula at telebisyon, nakatutuwa’t nakatataba ng puso na magisnang may mga pagkakataon pa ring mamukadkad ng imahinasyon at masorpresa tayong patuloy na nananabik na mga tagatangkilik.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.