ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| November 1, 2022
Bilang adults, nauunawaan natin ang kahalagahan ng mental health at kung paano ito nakakaapekto sa ating overall well-being.
Malaking bagay na naging aware at naging conscious ang marami tungkol sa mental health, kaya naman maganda rin na alam natin kung paano ito mapapanatiling maayos.
Gayunman, ayon sa mga eksperto, malaking bagay na maintindihan ng mga bagets kung bakit mahalaga ang mental health sa murang edad. Pero bago ang lahat, anu-ano ang mga aktibidad na nakakatulong sa mental health ng mga bata? Narito ang ilan:
1. LISTEN/CREATE MUSIC. Ayon sa mga eksperto, ang music ay “powerful outlet for emotions”, kaya naman inirerekomendang pakinggan ang paboritong kanta ni bagets para gumaan ang kanyang mood. Sa isang pag-aaral, ang pakikinig ng music ay nakakatulong upang ma-boost ang self-esteem, mabawasan ang social isolation, gayundin, nakakabawas ng depresyon at anxiety para sa mga teenager. Bukod sa nakakabawas ng depresyon at anxiety, ito rin ay nakakapagpaganda ng sleep quality at nakakatalas ng memorya.
2. PHYSICAL ACTIVITIES. Ang pag-e-ehersisyo ng bata sa murang edad ay mayroong long-term benefits, na mapapakinabangan sa kanilang pagtanda. Sa isang pag-aaral, ang dalawa at kalahating oras ng moderate exercise kada linggo ay nakakabawas nang halos 20% ng depression risk sa mga adults. Gayunman, kung hindi interesado ang bata sa pag-e-ehersisyo, maaaring subukan ang video games tulad ng Just Dance, Wii Sports, kung saan required mag-exercise para magkaroon ng score, gayundin ang dance parties, family games at yoga.
3. COLORING BOOKS. Knows n’yo ba kung bakit gumagamit ng coloring books para mag-unwind ang ilang adults? ‘Yan ay dahil ang pagpopokus sa pagkukulay ay nakakatulong upang magrelaks at ma-let go ang stressful thoughts. Gayunman, ang aktibidad na ito ay nakakatulong sa mga bata na ma-develop ang kanilang motor skills, creativity at concentration. Gayundin, nade-develop ang mindfulness o ang pagpopokus ng bata sa present moment at pagtanggap ng physical sensations, thoughts at feelings sa paligid.
Bukod sa pagkukulay, oks ding subukan ang pakikinig ng music o audiobook habang nagkukulay, pag-eksperimento sa mga scented crayons, glitter pens or markers at paggawa ng sariling crayons gamit ang mga putol o nasirang pangkulay.
4. BONDING WITH FURBABIES. Sa isang pag-aaral noong 2015, napag-alaman na ang mga batang may pet gaya ng aso ay may mababang level ng childhood anxiety kumpara sa mga walang alagang hayop. Sey ng experts, ang mga alagang hayop ay nakakatulong na mapalaki ang ‘social circle’ ng bata. Inirerekomenda rin ng mga eksperto na patulungin ang bata sa pag-aalaga ng hayop. Oks ding isama si bagets sa ‘daily walk’ ng inyong pet para magkaroon din siya ng physical activity.
5. NATURE. Ang pakikipag-bonding sa mga bata habang nasa labas ng bahay, partikular kapag malapit sa nature, ay isang paraan umano para ma-develop ang confidence at katapangan ni bagets, gayundin, ang kanyang social, emotional at physical skills. Sa panahon kasi ngayon, halos sa loob na lang ng bahay umiikot ang buhay ng mga bata habang tutok sa screen ng kanilang gadget at hindi nakakalaro nang harapan ang kanilang playmates.
Sey ng experts, ang bahagyang oras lamang ng pananatili sa nature ay isang paraan ng mindful meditation para sa bata. Oks din kung dadalhin sila sa park, mag-picnic o mamasyal sa mga zoo tuwing weekends.
Simple lang naman ang mga activities na ito, ‘di ba?
Kaya mga mommies at daddies, imbes na hayaang nakatutok sa gadget si bagets, subukan din ang mga nabanggit na aktibidad dahil for sure, makakatulong ito sa kanyang overall health, lalo na sa mental health.
Okie?