ni Jersy Sanchez - @No Problem| June 29, 2020
Marami sa young working adults ang nagbabalak nang maging independent o bumukod sa bahay. Well, magandang practice ito dahil marami kang matututunan sa pagbukod na hindi mo matututunan hangga’t nakatira ka sa bahay ng mga magulang mo.
Gayunman, para sa mga beshies natin d’yan na gustong ma-challenge ang kanilang pagiging adult, narito ang ilang bagay na dapat n’yong matutunan bago bumukod ng bahay:
1. MATUTONG MAGLUTO. Kung nasanay ka na palaging ipinaghahanda ni nanay ng almusal, tanghalian at hapunan, puwes, dapat mo na itong gawin mag-isa kaya it’s time para hasain ang iyong cooking skills. Bilang adult, kailangan mong matutong magluto para sa iyong sarili dahil hindi puwedeng umasa sa delata at fast food sa lahat ng oras dahil hindi ito healthy. Magandang practice rin ito upang gumising nang maaga para maghanda ng iyong almusal at packed lunch, gayundin, alam mo kung anu-ano ang sangkap ng kakainin mo.
2. MATUTONG MAGLINIS AT MAGLABA. Ang responsableng adult ay hindi makalat sa bahay at workplace. Ang adulting reality na ito ay makikita mo ‘pag ikaw ay nag-solo living. ‘Yung tipong wala si mama para magligpit ng mga gamit mo, lalo na kapag nagmamadali ka kaya ngayon pa lang, simulan mo nang mag-ayos ng mga kalat sa paligid mo.
Maging responsable ka na rin sa mga susuotin mo dahil no more palaba kay mama, gayundin, kung hindi mo pa afford bumili ng washing machine at hindi ka komportable sa pagha-handwash ng iyong mga damit, puwede mong subukan ang self-service laundry. Pero kung mas gusto mong ikaw ang maglalaba ng iyong mga damit, magandang investment ang washing machine dahil matagal mo itong magagamit.
3. MAGLAAN NG ORAS SA MGA MAHAL SA BUHAY. Nakakapagod talagang magtrabaho dahil kailangan mong magtira ng oras para sa sarili mo, pamilya at mga kaibigan. Kung malayo ang bahay mo sa kanila, oks lang na maglaan ng araw o weekend para bisitahin sila at magkaroon ng quality time. Kahit tight sa budget at oras, sobrang worth it ito dahil nakakabawas sa stress ang pakikipag-bonding sa mga mahal natin sa buhay.
4. ‘WAG HINTAYIN ANG DUE DATE NG BILLS. Mahilig tayong mga Pinoy sa last-minute hirit. ‘Yung tipong hangga’t puwedeng gawin sa ibang araw, palagi nating ipinagpapaliban kaya ang ending, nagmamadali. Halimbawa, pagbabayad ng bills sa mismong due date. Ang eksena, naiipit sa mahabang pila dahil sa dami ng magbabayad. Kaya mga besh, kung may budget naman kayo at may extra time, magbayad agad para iwas-hassle.
Ready na ba kayo, mga ka-BULGAR? Iba’t iba man tayo ng plano — kung gustong bumukod sa maagang edad o gustong manatali sa bahay kasama ang mga magulang, ‘wag nating kalimutan maging responsable ngayon pa lang dahil para rin ito sa ating kapakanan. Okie?