ni Jersy Sanchez - @Life and Style| July 28, 2020
Maraming millennial ngayon ang tila hindi mapakali ‘pag walang ginagawa. Tipong feeling nila, mabagal ang oras ‘pag nasa bahay lang sila, kaya ang siste, trabaho nang trabaho kahit mapagod. Madalas pa, nakakalimutang magpahinga, kaya pagdating sa mga ganap sa pamilya o kaibigan, missing in action sila.
Bagama’t magandang maging produktibo, dapat nating alamin ang hangganan nito.
Kung araw-araw kang productive at ‘di mo napapansing kailangan mo nang magpahinga, ano nang mangyayari sa iyo sa mga susunod na araw?
Kaya para sa mga beshies nating todo-kayod, narito ang 5 signs kung kailan dapat magpahinga:
1. PAGOD KA—PHYSICALLY AT MENTALLY. Kung palagi ka nang tinatamad bumangon dahil feeling sick ka o pakiramdam mo ay hindi okay ang iyong mental health, ‘wag mong pilitin na simulan ang araw mo sa nakasanayan mong paraan. Kahit labag sa kalooban mo na ipagpaliban ang iyong mga kailangan gawin, puwede mo naman itong balikan bukas. Deserve mong mag-relax para makabalik sa maayos na kondisyon, gayundin, walang rason para i-overwork ang iyong sarili.
2. SA TRABAHO LANG UMIIKOT ANG BUHAY MO. Kung ang pagkain at pagtulog lang ang pahinga mo, may mali na rito. Kailangan mong magkaroon ng healthy work-life balance para hindi ka palaging nawawala sa mahahalagang okasyon kasama ang iyong mga kaibigan o pamilya. Bagama’t walang problema sa pagpopokus sa success o trabaho, mahalaga ring bigyan ng oras ang iba pang bagay o tao na nasa paligid mo. Kailangan mo ng happiness mula sa mga taong mahalaga sa ‘yo.
3. HINDI NA KONTROLADO ANG MOOD SWINGS. ‘Ika nga, mayroong kapalit ang sobrang pagtatrabaho, pero hindi sa lahat ng pagkakataon, maganda ang resulta nito. Minsan, sa sobrang stress, bigla ka na lang sasabog kahit hindi mo naman gusto. Puwede ring mas mabilis kang ma-frustrate at mag-breakdown, kaya naman, kailangan mo ring maglaan ng oras para maalagaan ang iyong mental health. Kapag dinedma mo ang mga signs na kailangan mong magpahinga, mauuwi ito sa self-destruction.
4. ‘DI NAAALAGAAN ANG SARILI. Ang pagtulog nang walong oras kada araw ay hindi pagiging tamad dahil ito ay healthy. Gayunman, ang self-care ay hindi indulgent o “sobra” dahil mahalaga ito sa bawat tao. Kailangan mong itigil ang mindset na hindi importante ang mga simpleng bagay dahil kailangan mong kumain, matulog at alagaan ang iyong sarili. Hindi ka robot na kayang magtrabaho nang 24 oras. Kung ang makina nga, nagpapahinga, bakit ikaw, hindi?
5. FEELING WA’ ‘WENTA ‘PAG WALANG NAGAWA. Mga bes, alam n’yo ba na mapanganib kapag hinayaan nating i-define tayo ng ating trabaho? Bagama’t ito ay importante para sa iyo, dapat mong malaman kung hanggang kailan ito dapat pahalagahan kahit wala kang nagawa sa maghapon. Hindi mo dapat isipin na wala kang kuwenta ‘pag nagpahinga ka lang. Sa halip, dapat kang maging proud dahil sa kabila ng pagka-busy mo, alam mo kung kailan ka dapat tumigil o huminga. ‘Wag mong hintayin na ma-burnout ka bago mo ma-realize na kailangan mong magbago.
Trust me, pasasalamatan ka ng katawan at mental health mo kapag nagpasya kang magpahinga. Hindi masama na pansamantalang kalimutan ang trabaho paminsan-minsan, lalo na kung pagod ka na.
Maraming araw para balikan ito, kaya ‘pag hindi na talaga kaya, puwedeng tumigil muna. Gets mo?