ni Jersy Sanchez - @Life & Style| August 17, 2020
MAY ilan sa ating may kakilala, kamag-anak o kaibigan na tinamaan ng COVID-19. Ang masaklap, may mga namatayan dahil ‘di kinaya ang bagsik ng hindi nakikitang kalaban. Madalas nating pinag-uusapan kung paano makaiiwas sa naturang sakit, pero ngayon, pag-usapan naman natin kung paano maipakikita ang suporta sa kakilala nating may COVID-19, gayundin ang mga dapat at hindi dapat gawin sa kanila para maipakita ang ating suporta:
‘WAG KUHANAN NG PHOTO O VIDEO. Sa ospital, ‘Patient #’ ang tawag sa kanila para maprotektahan ang kanilang pagkakakilanlan. Ibig sabihin, kailangan din nating ingatan ang kanilang mga impormasyon. Iwasang ipagsabi sa iba ang kanilang kondisyon, gayundin ang pagpapakalat ng kanilang mga larawan o video.
May mga insidente rin na kumakalat sa community groups ang impormasyon ng pasyente at kanilang pamilya. Very wrong ito, kaya kung may makikita tayong nagkakalat ng litrato o anumang impormasyon ng pasyente, i-call out natin sila at ipaliwanag na mali ito.
‘WAG I-GUILT TRIP. “Ikaw kasi, labas ka nang labas,” “Oh, labas pa more!” Iwasang magsabi ng mga ganitong salita dahil una sa lahat, wala namang may gustong magkasakit. Kung lumalabas man siya, ‘di natin alam kung ano ang rason niya—siya ba ay bread winner ng pamilya kaya wala siyang choice kundi lumabas at makipagsapalaran?
Mga bes, hindi natin alam kung gaano kabigat o kahirap ang pinagdaraanan nila, kaya kung wala tayong sasabihing maganda, shut up na lang muna. Hindi nila deserve ang panggi-guilt trip.
‘WAG IPAHIYA. Bukod sa pakikipaglaban sa sakit, isa sa kalaban ng COVID patients ay ang pamamahiya o diskriminasyon. Minsan, parang kriminal ang trato sa kanila, kaya matatandaang may insidente ng pagkandado sa bahay ng isang pamilyang may COVID patient. Sa gitna ng pandemya, maging makatao tayo sa isa’t isa, lalo na sa kanilang mga tinamaan ng sakit.
IPARAMDAM ANG SUPORTA. Hindi naman kailangan ng moral support para masabing sinusuportahan mo siya sa laban na ito. Ang mga simpleng mensahe tulad ng “Magpalakas at magpagaling ka,” “Ipinagdarasal kita,” at “Sana, gumaling ka na,” ay may malaking maitutulong sa pagpapalakas ng loob nila.
Karamihan sa COVID patients ay malayo sa pamilya dahil nasa isolation facility sila, kaya sa pamamagitan ng maliliit na paraan, ipakita at iparamdam nating sila ay may karamay.
IPAGDASAL NA MABILIS GUMALING. Kung nahihiya kang mag-message sa kanya, ipagdasal mo siya. Sabi nga, ito ang isa sa pinakamabisang gamot sa anumang sakit, kaya bago matulog sa gabi, ipagdasal ang kanyang mabilis na paggaling, gayundin ang kaligtasan ng kanyang pamilya. Isama na rin sa panalangin ang iba pang pasyenteng nakikipaglaban sa sakit na ito.
Mga ka-BULGAR, ‘di natin kailangang maging frontliner para makatulog sa mga may sakit. Ang kailangan natin ay maging makatao at pairalin ang pang-unawa nang sa gayun ay maramdaman nila hindi sila nag-iisa sa laban na ito.
Make sure na ibabahagi n’yo ang ilang tips na ito sa inyong mga kapamilya at kaibigan para mas maraming COVID-19 patients ang ating masuportahan. Keri?