ni Jersy Sanchez - @Life & Style| September 14, 2020
Sa gitna ng COVID-19 pandemic, hindi maitatangging mas dumami ang nakararanas ng stress, anxiety at depresyon. May mga pagkakataon pa nga na hindi talaga nakakayanan at dahil walang suporta mula sa mga tao sa paligid, tuluyan na silang bumibigay.
Kamakailan, nauso ang Depression Anxiety Stress Scale o DASS test para malaman ang antas ng emosyon ng isang tao. Pero may paalala ang mga eksperto hinggil sa paggamit at pag-unawa sa resulta nito.
Ang self-diagnosis ay proseso ng pag-diagnose sa sarili o kakilala. Gayundin, isa itong proseso para alamin ang ilang sintomas na kapareho ng sintomas dinanas ng kakilala natin. Gayunman, alam n’yo ba na may panganib din ito?
1. NAGPAPALALA NG TAKOT. Madaling mag-research ng mga sintomas at mag-self diagnose, pero hindi maganda ang dulot nito. Halimbawa, ang isa sa iyong mga magulang ay nakararanas ng sakit sa braso, ulo, muscle strain, pagkahilo o panlalabo ng mga mata, puwede mong sabihin na sila ay may mataas na antas ng stress o anxiety. Pero kapag hiningi mo ang opinyon ng propesyunal, maaaring ito pala ay sintomas na ng heart attack.
2. CONFUSING. Ang self-diagnosis ay frustrating dahil hindi mo hawak ang lahat ng impormasyon para ma-diagnose nang tama ang iyong sarili. Para sa iba na nagsasabing sila ay may bipolar disorder nang walang formal diagnosis, hindi lang ito nagreresulta ng stigma kundi maaari kang kumilos na parang meron ka talaga nito kahit walang tamang diagnosis mula sa propersyunal. Ayon sa mga eksperto, ito ay tinatawag na “self-fulfilling prophecy”, kumbaga, ‘pag may nakabanggit tungkol sa bipolar disorder, ikaw ay maaaring kumilos na parang meron ka nito.
3. NAKALILIMUTAN KUNG ANO ANG TALAGANG NANGYAYARI. Habang nakapokus ka sa iyong “symptom checker”, manual, libro, online article o iba pa, walang sapat na espasyo sa iyong utak o internal stamina para mahanap ang impormasyon ng iyong totoong diagnosis. Sa halip na magtungo sa doktor o therapist para matingnan ka nang tama, ang mga totoo mong nararamdaman ay nababalewala na maaaring mauwi sa mas malaking problema o lumala.
4. DAHILAN NG EMOTIONAL DISTRESS. Hindi madaling makakuha ng diagnosis, lalo na kung ang kondisyon ay may kasamang hallucination, delusions, ilang oras na therapy at medication management. Marami sa atin ang mas gustong magtago, mag-isolate at dedmahin ito dahil sa stigma. Pero ang self-diagnosis ay maaaring magresulta sa emotional distress na nauuwi sa depresyon o anxiety.
Ang ating mental health ay lubos na mahalaga, lalo na ngayong may pandemya. Wala namang problema kung aalamin natin ang ating kondisyon o totoong dahilan kaya tayo nakararanas ng mga sintomas, pero mahalaga na gawin ito sa tamang paraan.
‘Ika nga, bawat tayo ay may iba’t ibang hinaharap, medical history at kung anu-ano pa, kaya mahalaga na eksperto mismo ang sumuri sa atin.
Tandaan, sila ay mga propesyunal at mapagkakatiwalaan, gayundin, sundin natin ang kanilang payo dahil alam nila kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin. Gets mo?