ni Jersy Sanchez - @No Problem| November 6, 2020
Halos lahat ay mas tutok na sa gadgets. Mula sa mga bata na busy sa online classes, mga empleyadong naka-work from home at palaging nasa online meeting o virtual conference, gayundin ang mga nasa bahay lang na walang ibang libangan kundi ang magbabad sa internet.
Siyempre, kasabay nito ang madalas na paggamit ng earphone at minsan nga, ilang oras natin itong ginagamit. Pero knows n’yo ba na bagama’t nakatutulong ito sa pag-aaral o trabaho, mayroon din itong masamang epekto?
Ayon sa mga eksperto, ang mga taong exposed sa mataas na noise level ay maaaring magkaroon ng ear noise o acoustic trauma. Dahil dito, mahalagang i-regulate ang noise level at panatilihin ang proper hygiene dahil maaari rin itong magdulot ng external ear infections. Paano nga ba pangangalagaan ang ating mga tainga at pandinig?
1. TAMANG VOLUME. Marahil, para sa atin, mas malakas na volume, mas oksay. At kahit lumalabas pa ang “volume warning” sa ating gadget, dedma tayo. Pero mga besh, hinay-hinay lang dahil mas magandang panatilihin ang volume ng earphones o headphones sa 60% lamang.
2. SPEAKERS. Para sa mga estudyante, inirerekomenda na gumamit ng speaker na may mahinang volume sa halip na earphones o headphones.
3. TAMANG ORAS NG PAGGAMIT. Napi-feel n’yo ba na parang biglang gumagaan ang ating mga tainga pagkatapos ng mahabang oras ng paggamit ng earphones o headphones? Mga besh, hangga’t maaari, huwag lalagpas sa 4-5 oras ang paggamit nito. Mas oks maglaan ng 15 minute break kada oras para makapagpahinga ang pandinig.
4. LINISIN ANG EARPHONE. Kung madalas ginagamit, ugaliing linisin ang earphones o headphones dahil ang maruming gamit ay maaaring magdulot ng impeksiyon tulad ng fungal infection sa ear canal.
5. GUMAWA NG IBANG AKTIBIDAD. Sa halip na magbabad sa internet o maglaro ng online games pagkatapos ng klase, subukang gumawa ng iba’t ibang uri ng aktibidad sa loob ng bahay. Ito ay dahil ang matagal na exposure sa ingay ay nagdudulot ng sakit ng ulo.
6. GAMITIN ANG PAREHONG EARPIECE. Sey ng experts, posibleng lakasan ng gumagamit ang volume kung iisang ear piece lang ang ginagamit, na maaari namang makapinsala sa mga tainga. Kaya para iwas-damage, mas oks gamitin ang dalawang earpiece ng earphones.
Mga nanay at beshies, watch out. ‘Wag kalimutang i-monitor kung gaano na katagal ginagamit ang earphone o headphone kada araw.
Hindi porke madalas nating gamitin, 100% safe na. Tandaan na lahat ng sobra ay nakasasama, kaya para iwas-sakit at pagkasira ng pandinig, make sure na susundin mo ang tips na ito, gayundin, ‘wag ito kalimutang ibahagi sa iyong mga kakilala at kapamilya. Copy?