Tips para maprotektahan ang personal na impormasyon
ni Jersy Sanchez - @No Problem| January 10, 2021
Pagkatanggap n’yo ba ng parcel o package ng pinamili n’yo online, basta n’yo na lang itinatapon ang mga plastic bag na pinaglagyan nito?
Kung oo, para sa inyo artikulong ito dahil knows n’yo ba na mayroong tamang paraan para i-dispose ito? Hmmm…
Ngayong usong-uso ang online shopping, for sure, marami sa inyo ang nakatatanggap ng higit sa isang parcel kada araw, kaya naman, kasabay ng ating pagsa-shopping, dapat nating matiyak na ligtas ang mga impormasyon natin.
Dahil dito, hinihikayat ng National Privacy Commission (NPC) ang publiko na i-dispose nang tama ang shipping labels o ‘yung sticker na nakadikit sa ating mga parcels o pinamili online.
Paliwanag ng NPC, ito ay dahil maaaring mapunta o magamit ng ibang tao ang mga impormasyong nakalagay dito tulad ng pangalan, address at contact number.
Well, paano nga ba dapat i-dispose ang shipping labels na ito?
Sey ng NPC, puwedeng takpan ng permanent marker ang mga label na ito at puwede ring i-shred. Kung hindi n’yo naman bet itapon, puwede rin itong gamiting scratch paper.
Akala natin, sa mga credit card info at online profile lang dapat i-secure ang ating mga impormasyon, pero sa mga ganitong bagay din pala tayo dapat mag-ingat.
Oh, ‘di ba madali lang? Gamit ang simpleng tips na ibinigay ng NPC, tiyak na mapoprotektahan natin ang ating personal na impormasyon, gayundin, hindi ito mapupunta sa masasamang loob.
Kaya sa susunod na pagdating ng ating package, make sure na na-dispose natin nang tama ang mga sticker at shipping labels nito. Okie?