ni Jersy Sanchez - @Life & Style| June 28, 2021
Ano’ng madalas nating ginagawa pagkatapos magising sa alarm? Bagama’t may ilan na bumabangon agad, for sure, marami rin sa inyo ang dedma o humihirit pa ng ilang minuto para i-extend ang tulog. Agree?
Well, oks lang naman ito kung mahaba pa ang oras para maghanda sa trabaho o errands para sa buong araw, pero paano naman kung wala nang time? Hmmm…
Worry no more dahil narito na ang ilang tips para ‘magising’ talaga kayo nang hindi nai-stress sa umaga:
1. ILAYO ANG ALARM CLOCK SA HIGAAN. Bakit? Ang paglalagay ng alarm clock o cellphone sa lugar na hindi naaabot ng ating mga kamay ay epektibong paraan upang bumangon at maiwasan ang pagpindot ng “snooze”. Ayon sa mga eksperto, ang pagtulog ulit matapos pindutin ang snooze button ay hindi maituturing na ‘quality sleep’, gayundin, nagiging dahilan lang ito upang ma-stress kumpara sa ikaw ang mauunang magising kaysa sa iyong alarm.
2. AYUSIN ANG KAMA. Pagkatapos bumangon at patayin ang alarm, bumalik sa kama, hindi para humiga ulit kundi para ayusin ito. Well, kung ayaw na ayaw natin itong gawin noong tayo’y mga bata, para sa karamihan ng adult, ang gawaing ito ay magsisilbing ‘first accomplishment’ sa umaga.
3. MAGPAARAW. Kahit marami sa atin ang palaging nagmamdali na pumasok sa trabaho o gumawa ng errands, sey ng experts, maglaan ng kaunting panahon para magpaaraw. Oks na ‘yung pagbubukas ng kurtina sa kuwarto dahil magsi-synchronize ang iyong circadian rhythm at sasabihin nito sa iyong utak na ‘kailangan mo nang gumising’. Naks! Anyways, ang bahagyang pagpapaaraw sa habang nakadungaw sa bintana, paglalakad sa labas at paglanghap ng fresh air ay makatutulong upang mas maging alerto ka sa buong araw.
4. MAGHILAMOS. Well, madalas naman natin itong ginagawa upang linisin ang ating mukha pagkagising, pero ayon sa mga eksperto, ang paghihilamos gamit ang malamig na tubig ay nakatutulong upang bigyan ng signal ang ating katawan upang gumising. Gayunman, kung hindi mo bet ang paraang ito, oks ding uminom ng ice-cold water dahil may pareho itong epekto.
Ayan, mga besh, sure na no more stressful mornings dahil magiging maganda na ang inyong gising ‘pag sinubukan n’yo ang tips na ito.
Kaya para iwas-late at oversleeping, make sure to try these tips. Okie?