ni Jemuel C. Salterio @Talbog | Jan. 27, 2025
Bonggang emosyonal ang naging eksena sa panibagong episode ng Toni Talks (TT), hosted ng kumare nating si Toni Gonzaga-Soriano, matapos mag-open up si Mikee Morada tungkol sa ikatlong beses na pagkawala ng kanilang baby ni Alex Gonzaga.
Isang kuwento ng pagmamahal, pananampalataya, at pagtanggap ang binahagi ng celebrity couple, na kahit sa gitna ng napakahirap na pagsubok ay nananatiling matatag.
Sa episode, deretsahang tinanong ni Toni si Mikee kung ang ikatlong miscarriage na nangyari noong Disyembre 2024 ang pinakamabigat na pinagdaanan nila bilang mag-asawa.
“Now, itong third one na nangyari nu’ng December, ito ba ‘yung pinakamasakit?” tanong ni Toni.
Agad namang bumalik si Mikee sa naging journey nila ni Alex, na nag-umpisa bilang isang sorpresang regalo.
“Kami ni Catherine, nu’ng nalaman naming pregnant s’ya, kasi feeling namin nabuo ‘to nu’ng birthday ni Mommy Pinty sa Singapore. Hindi namin talaga akalain, wala talaga kaming plano,” ani Mikee.
Matapos ang masayang balita, agad silang nagpunta sa OB-GYN para masigurong okay ang kanilang baby. Sa umpisa ay smooth sailing ang lahat hanggang sa dumating ang balitang ‘blighted ovum’ ulit.
“Nu’ng nalaman namin na pregnant kami for the third time, nagpa-check up kami kaagad sa OB and okey naman. Tapos nag-decide kami na mag-iingat na talaga s’ya. The second week, okay pa ‘yung ultrasound, hanggang du’n sa pangatlong linggo eh sabi samin nu’ng doctor, ‘Nako, wala na namang laman. Blighted ovum ulit,’” dagdag pa ni Mikee.
Pero ang mag-asawa, keribels pa rin at pinili pa ring mag-seek ng 2nd opinion. At ito na nga ang plot twist na hindi nila inakala.
“Sakto, nag-text ‘yung OB, parang kinukulit s’ya, ‘Daan ka naman. Visit ka.’ Siguro, blessing ni Lord, naisip namin na, ‘Sige, pa-second opinion tayo dun.’ The week after, nagpunta kami. Pagdating namin du’n sa ultrasound na ‘yun, ‘yun na ‘yung pang-apat. May bata sa loob, may baby,” masayang kuwento ni Mikee.
Ang unang tibok ng puso ng kanilang baby ang naging highlight ng kanilang journey bilang soon-to-be parents.
“Naiyak ako nu’ng narinig ko ‘yung heartbeat. First time kong nakarinig ng heartbeat,” kuwento ni Mikee habang ipinakita ang larawan (from his cellphone) ng kanilang baby kay Toni.
Pero ang kasiyahan ay muling sinubok nang malaman nilang mababa ang tibok ng puso ng kanilang anak.
“Nalaman namin na mababa ‘yung heartbeat, nasa 65 lang. So that same day, pumunta kami sa hospital, triny namin habulin, baka ma-save pa ‘yung baby. Ginawa namin lahat,” emosyonal na sabi ni Mikee.
Hanggang noong Disyembre 28, dumating ang balita na muling nagpabagsak sa kanilang mundo.
“Nung dumating ‘yung December 28, nakita na namin ‘yung embryo, ‘yung baby pero wala na s’yang heartbeat,” malungkot na pahayag ni Mikee.
Pag-uwi sa bahay, doon nag-breakdown si Alex. Pero sa kabila ng lahat, patuloy siyang niyakap ni Mikee—isang simpleng paraan ng pagpaparamdam ng suporta at pagmamahal.
“Sabi sa ‘kin ni Alex, ‘’Pag umiiyak ako, basta yakapin mo lang ako, and I will be okay,’” sabi ni Mikee.
Sa panayam, kitang-kita rin ang paghanga ni Toni kay Mikee bilang asawa ni Alex.
“Kung paano magsalita, paano magmahal sa pamilya, at kung paano magmahal sa bayan, ‘yun ang nakita ni Alex sa ‘yo, pareho kasi kayo ni Daddy Bonoy in so many ways,” ani Toni.
Bumaha ng suporta mula sa mga netizens matapos nilang mapanood ang episode. Sa kabila ng mga pagsubok, ang kuwento ng mag-asawa ay nanatiling simbolo ng pag-asa para sa lahat ng dumadaan sa parehong sitwasyon.
Dasal ng isang netizen, “Crying while watching this episode… Lord, lsana po this 2025 ipagkaloob N’yo po sa kanila ‘yung pinag-pray nila na baby.” Ang kuwento nina Alex Gonzaga at Mikee Morada ay paalala na sa kabila ng sakit, may liwanag na naghihintay.
Ang kanilang pananampalataya at pagmamahal ay inspirasyon na ang lahat ng bagay ay may tamang panahon. Hanggang ngayon, nananatili silang prayerful at hopeful na
darating din ang araw na mabibiyayaan sila ng anak.
Push lang mga, day! Ang pangarap, kailanman hindi nawawala, kundi pinapatatag.