ni Jeff Tumbado | April 4, 2023
Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magiging maayos ang pagbiyahe ng publiko sa kanilang mga destinasyon ngayong Semana Santa.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, noong nakaraang linggo pa lamang ay ipinakalat na ng mga regional director ng LTFRB sa lahat ng regional office ang kanilang mga enforcer upang matiyak ang maayos at mahusay na daloy ng pasahero sa mga pampublikong terminal sa bansa.
Iginiit ni Chairman Guadiz na magsasagawa ng inspeksyon ang mga enforcer sa mga tsuper at konduktor upang siguraduhin na mananatiling alerto at maayos ang kanilang pag-iisip at katawan sa oras ng pamamasada sa pamamagitan ng pagsusuri kung nakainom ba ang mga ito ng alak o ipinagbabawal na droga.
Susuriin din ng mga enforcer ang mga public utility bus (PUB) upang masiguro na hindi ito kolorum at ligtas pa itong pumasada.
Titiyakin din ng mga enforcer na nasusunod ang mga umiiral na public health safety protocol sa loob ng pampublikong sasakyan dahil nananatiling nasa state of national public health emergency ang bansa.
Naglabas na rin ang LTFRB ng Special Permits para sa 743 units upang matiyak na mayroong sapat na PUB na magsisilbi sa mga pasaherong pupunta sa kani-kanilang probinsya.