top of page
Search

ni Jeff Tumbado | April 18, 2023



Atty. Gerome Tubig

Isang legal officer ng Pampanga provincial government ang sugatan makaraan siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.


Patuloy na ginagamot sa isang ospital ang biktimang si Atty. Gerome Tubig.


Nabatid sa ulat ng San Fernando City Police Office (SFCPO), dumating ang biktima sakay ng kanyang kotse sa isang parking lot, alas-7:30 ng umaga ng Lunes, Abril 17, sa VL


Makabali Memorial Hospital sa B. Mendoza Road nang biglang sumulpot ang dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo at agad siyang pinaputukan ng ilang beses.


Nagtamo ng ilang tama ng bala ng baril sa katawan ang opisyal na agad isinugod sa pagamutan at kasalukuyang nasa Intensive Care Unit (ICU).


Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng MacArthur Highway.


Subject ngayon ng malawakang pagtugis ng mga awtoridad ang mga salarin habang patuloy na iniimbestigahan ang pamamaril.


 
 

ni Jeff Tumbado | April 6, 2023




Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga operator at tsuper ng mga Public Utility Vehicle (PUV) na sundin ang mga umiiral na batas laban sa overloading, overcharging, at colorum upang hindi mapatawan ng mabigat na parusa at multa.


Ang babala na ito ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III ay kasabay ng pagdagsa ng mga pasahero sa mga terminal ngayong Semana Santa.


Ayon kay Chairman Guadiz, kailangang mag-ingat ang mga pasahero sa mga kumpanya ng pampubliko at pampribadong sasakyan na maaaring manamantala sa gitna ng Semana Santa lalo’t sa mga panahon na ito, mayroong mga operator o tsuper na nagsasakay ng mga pasahero na labis sa kaya nilang bigyan ng serbisyo.


Ipinaalala rin na ipinagbabawal sa mga pampublikong transportasyon ang overloading dahil mapanganib ito sa buhay ng mga tsuper, konduktor, at lalo na ng mga pasahero.


Binigyang-diin din ang ilang napaulat na transport company na naniningil ng sobrang pasahe. Ayon kay Guadiz, kinakailangang sundin ng mga transport company ang inilabas na fare matrix ng LTFRB upang hindi mapatawan ang mga ito ng mabigat na multa o parusa.


Kabilang din sa mga ipinagbabawal sa batas ang ilang pribadong sasakyan na pumapasada bilang “for hire” nang walang kaukulang permiso mula sa LTFRB.


Bukod pa rito ang mga kolorum o mga PUV na pumapasada sa labas ng kanilang aprubadong ruta at mga pampublikong sasakyan na bumibiyahe nang hindi awtorisado tulad ng mga tourist bus na pumapasada bilang PUB o mga PUV na suspendido, kanselado, o wala nang bisa ang Certificate of Public Convenience (CPC).


Kung mapapatunayang lumabag sa batas laban sa overloading, multang P1,000 para sa tsuper at P5,000 sa operator ang ipapataw para sa unang paglabag, P1,000 na multa naman para sa tsuper at P10,000 para sa operator at pagbatak sa sasakyan sa loob ng 30 araw ang ipapataw para sa ikalawang paglabag. Habang P1,000 na multa sa tsuper at P15,000 sa operator kasabay ng pagkansela sa CPC nito ang ipapataw para sa ikatlong paglabag.


Para sa mga PUB na mapapatunayang sobra o kulang ang paniningil, multa na P5,000 ang ipapataw sa unang paglabag, P10,000 multa at pagbatak ng sasakyan sa loob ng 30 araw para sa ikalawang paglabag, at P15,000 na multa naman kasabay ng pagkansela ng CPC para sa ikatlong paglabag.


Kung ang sasakyan naman ay mapapatunayang kolorum, maging bus, truck, jeep, van, sedan, o motorsiklo man ito, multa na aabot sa P1 milyon, P200K, P50K, P200K, P120K, at P6K ang ipapataw depende sa paglabag. Kasabay nito ang pagbatak sa sasakyan sa loob ng 3 buwan para sa unang paglabag. Kabilang din sa ipapataw na parusa ang pagbawi sa CPC at rehistro at pag-blacklist sa nahuling sasakyan.


Para naman sa ikalawang paglabag, babawiin ang lahat ng CPC o ang buong fleet ng operator at hindi na rin bibigyan ng pagkakataon ang operator, stockholder, at director na gumamit ng anumang uri ng pampublikong sasakyan para sa operasyon nito.


Ituturing din na “blacklisted” at babawiin ang rehistro ng lahat ng awtorisadong unit ng naturang operator.


 
 

ni Jeff Tumbado | April 5, 2023




Isang dating pulis na ngayo’y kagawad ng Barangay ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi pa natutukoy na salarin sa bayan ng Ubay, Bohol kamakalawa.


Nakilala ang biktima na si Reynaldo “Ete” Garcia Hoylar, 54, residente at kagawad ng Bgy. Tuboran, Bien Unido City.


Hindi na umabot ng buhay sa District Hospital si Hoylar bunsod ng tatlong tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.


Base sa imbestigasyon ng Ubay Municipal Police Station, pasado alas-2 ng hapon ng Lunes, Abril 3, nang maganap ang pamamaril sa Bgy. Calanggaman, Ubay.


Galing umano sa sabungan ang biktima kasama ang kanyang 17-anyos na pamangkin nang lapitan sila ng dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo at pinagbabaril sila sa loob ng kotse.


Nagtamo ng sugat ang pamangkin ni Hoylar na patuloy na ginagamot sa ospital.


Patuloy pa ang pagsisiyasat ng mga awtoridad sa krimen.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page