ni Jeff Tumbado | March 25, 2023
Itinalaga bilang bagong hepe ng pambansang pulisya si Police Major General Benjamin Acorda, Jr. kapalit ng nagretirong si Police General Rodolfo Azurin, Jr.
Si Acorda ang ika-29 na hepe ng Philippine National Police (PNP).
Batay ito sa General Order na pirmado ni Police Major General Robert Rodriguez, director ng Personnel and Records Management.
Si Acorda ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Sambisig Class of 1991.
Bago maitalaga sa puwesto, si Acorda ay nanungkulan bilang Intelligence Director ng PNP.
Nagsilbi rin si Acorda bilang Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 10, Director ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) at iba pang posisyon sa pulisya.
Si Acorda ay magsisilbing hepe ng PNP sa loob ng 8 buwan hanggang sa magretiro sa Disyembre 2023.
Samantala, tinawagan ng pansin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. si Acorda na palaging ipatupad ang “maximum tolerance” pagdating sa mga kritisismo laban sa organisasyon.
Dumalo si Marcos sa change of command ceremony ng PNP na idinaos sa Camp Crame kahapon.
Sa naging talumpati ng Pangulo, inatasan nito si Acorda na tiyakin na ang police force ay magiging bukas sa public scrutiny sa ilalim ng kanyang liderato.
Inatasan din niya si Acorda na tiyakin na mararamdaman ng publiko ang presensiya ng kapulisan sa kalsada kasabay din sa pagbibigay proteksyon sa mga vulnerable sector, kabilang na ang media at civil action groups.