ni Jeff Tumbado | June 20, 2023
Nakatakdang ipagbawal na ang larong lato-lato sa isang barangay sa Quezon City.
Ito ay kasunod ng nangyaring rambulan ng mga menor-de-edad sa Bgy. Holy Spirit nitong Sabado dahil nagkapikunan.
Ayon kay Barangay Chairwoman Lydia Ballesteros, bago naganap ang insidente ay isang grupo ng mga bata na nasa edad 10 hanggang 15 na kalalakihan ang nakitang nagtitipon sa isang kanto at nagpapasiklaban umano sa lato-lato.
Maya-maya pa ay isang bata ang tumawid ng kalsada at itinulak ang isa pang naglalaro, hanggang mauwi sa rambulan na sinalihan ng ibang kabataan.
Ayon pa sa opisyal, wala umanong nagtungo sa kanilang Barangay para maghain ng report.
Sa kanilang pag-iimbestiga, wala naman umanong lubhang nasaktan sa kaguluhan at mismong mga magulang ng mga nasangkot na bata ay hindi na interesado na magreklamo.
Sa mga pangyayari ay plano ni Ballesteros na tuluyan nang ipagbawal ang lato-lato sa kanilang barangay upang maiwasan na ang kahalintulad na insidente ng kaguluhan.