top of page
Search

ni Jeff Tumbado | July 7, 2023




Isa ang iniulat na nasawi habang pitong iba pa ang dinala sa ospital nang makakain ng alimasag na kung tawagin ay “devil reef crab” sa Liloy, Zamboanga del Norte.


Ayon sa impormasyong nakalap mula sa kanilang Barangay sa Poblacion, nagtungo ang mga biktima sa bahagi ng dalampasigan para manghuli ng kalaskalas, o isang uri ng alimasag.


Gayunman, ilang mga kauri ng devil reef crab, na sinasabing may lason ang kanilang pinaghuhuli.


Matapos lutuin at kainin ang alimasag, nagsimula nang mamanhid ang katawan ng mga mag-anak.


Nasawi sa ospital ang tiyuhin ng isa sa biktima dahil sa hirap sa paghinga.


Sinabi ng isang doktor sa Zambanga City Medical Center, kung saan inilipat ang iba pang pasyente, na may neurotoxins ang devil reef crab na hindi dapat hinuhuli at kinakain.


 
 

ni Jeff Tumbado | July 6, 2023




Inilabas na ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga larawan ng dalawang suspek sa tangkang pagpatay sa photojournalist na si Rene Joshua Abiad noong Hunyo 29, sa Quezon City.


Sa pulong balitaan kahapon sa QCPD Headquarters sa Camp Karingal, ipinrisinta ni Director Police Brig. General Nicolas Torre III ang mga larawan ng mga salarin na kuha mula sa CCTV, ilang oras bago ang pananambang.


Ayon kay Torre, may pagkakakilanlan na sa mga suspek pero tumanggi muna itong ilahad ang kanilang pangalan at iba pang detalye.



"Alam ko nanunuod sila. So, I really think it is best for their interest to just surrender. I think they are outside Metro Manila. 'Yung iba sa kanila outside Metro Manila," pahayag ni Torre.


Matatandaan na Hunyo 29 nang pagbabarilin ng mga suspek si Abiad, photographer ng Remate Online habang sakay siya sa isang SUV kasama ang ilan niyang mga kaanak sa Bgy. Masambong.


Anim ang lahat ng sakay sa SUV kabilang ang tatlong menor-de-edad, isa ang apat na taong gulang na lalaki na pumanaw nitong nakaraang araw dahil sa tama ng bala ng baril sa kanyang ulo.


Nasa limang indibidwal ang nakilala at tinukoy bilang mga “persons of interest” sa likod ng pananambang kay Abiad.


 
 

ni Jeff Tumbado | June 20, 2023




Mahigit 38,000 indibidwal ang apektado sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay.


Ito ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council sa bago nilang situational report kahapon, kung saan nasa kabuuang 10,146 pamilya o 38,961 katao sa 26 barangay ang naapektuhan.


Sa naturang bilang, 5,466 pamilya o 18,892 indibidwal ang nasa evacuation centers habang ang 353 pamilya o 1,235 indibidwal ay tumutuloy sa kani-kanilang pamilya.


Nasa 628 indibidwal naman sa Region V ang nasugatan.


Samantala, iniulat pa ng nasabing ahensya na nasa P71.5 milyong cash assistance na ang naibahagi sa mga biktima.


Sa kasalukuyan, sinabi naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nananatiling nasa Alert Level 3 pa rin ang bulkan at may posibilidad pa rin ang pagsabog sa susunod na 7 araw o higit pa.


Patuloy umano itong nagpapakita ng matinding pagbubuga ng lava at naitala rin ang 265 rockfall events sa nakalipas na 24 oras


 
 
RECOMMENDED
bottom of page