ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 17, 2024
Photo: Sue Ramirez at Dominic Roque - Instagram
After ng Konsiyerto sa Palasyo, na-exclusive interview namin ang isa sa cast ng 50th MMFF entry na The Kingdom na pinagbibidahan nina Bossing Vic Sotto at Piolo Pascual na si Sue Ramirez.
Kuwento ni Sue, second time na niyang nakatrabaho si Bossing Vic. Nu’ng una ay sa movie nito with Dawn Zulueta pero pahapyaw lang daw du’n ang naging role niya, unlike sa The Kingdom kung saan tatay niya ang comedian-turned serious actor.
Pero kahit second time na raw ito, nai-star struck pa rin siya kay Bossing at lagi siyang natataranta ‘pag nasa paligid na ito kaya sinisigurado raw niyang prepared talaga siya at kabisado ang kanyang mga dialogues ‘pag dumarating sa set dahil ayaw niyang mapahiya sa bida nila sa movie.
“Meron talagang presensiya si Bossing na kakaiba. ‘Pag pumasok siya, alam mo agad na nandiyan siya,” kuwento ni Sue.
Si Piolo naman ay first time raw naka-work ni Sue rito sa The Kingdom.
“Si Papa Piiiiiii!” napatiling sabi ni Sue sabay sabing “Nakakalokah! Ang hirap magpigil ng kilig talaga. Ang pogi-pogi ni Papa P.
“Ang saya, ang ganda nu’ng experience. First time kong naka-work si Papa P. Ang ganda ng experience, always a learning process kasi sa industriya na ‘to, palagi kang may napupulot at palagi kang may natututunan sa mga kasama mo, so same as Bossing, ganu’n din, always on my toes kapag si Papa P. ‘yung kaeksena ko kasi siyempre, we know that they’re veterans in the industry for a long time at iba rin ‘yung respeto na ibinibigay ko sa kanila because grabe rin ‘yung respeto na ibinibigay nila sa craft nila,” papuri pa ni Sue kay Piolo.
“Teka, wala kayang nagselos, Sue?” tanong namin sa aktres na super-kilig kay Papa P.
‘Di ba nga, sina Sue at Dominic Roque ang isa sa mga hot items ngayon sa showbiz matapos mag-viral ang kissing nila sa Siargao?
“Wala namang nagselos. Wala pa namang karapatang magselos, I think,” sagot ni Sue, sabay katwiran pang lahat naman ay kinikilig kay Piolo at baka nga raw pati si Dominic ay kasama ru’n, hahaha!
Ang bilib kami rito kay Sue, ‘di siya etchosera tulad ng ibang artista na may pa-deny-deny pa kahit may resibo na.
Inamin niyang nasa getting-to-know stage sila ngayon ni Dominic at hindi naman daw nagmamadaling magkaroon ng relationship.
Kinlaro rin niya sa amin na before pa ng viral kissing video nila ay nag-uusap na sila ni Dominic, message-message lang daw pero ‘di pa sila nagkikita talaga, hanggang sa umabot sa pagpapadala na ng food ng aktor.
At about that kissing video?
Baklang-baklang sabi ni Sue, “Nakakatawa ‘yung video na ‘yun! Nakakalokah talaga! Ako pa talaga ‘yung kumiss, hahaha!”
Ano’ng naging reaksiyon ni Dominic nang halikan niya?
“Actually, nagulat kaming pareho. Well, ano bang lusot ko, ‘di ba? Mag-e-excuse pa ba ako sa inyo? Wala lang, it’s ah… cute kiss lang, smack, we’re just having fun.”
Pero kahit nauna na ang kiss, nilinaw ni Sue na ‘di pa siya nagye-“yes” kay Dominic, so, wala pa silang relasyon at ‘di raw sila nagmamadali, kaya ‘wag daw natin silang i-pressure.
Klaro na, guys?!
Ang iba pang detalye sa aming panayam kay Sue Ramirez ay mapapanood sa TikTok account ng BULGAR.
After ng cheating scandal…
MARIS AT ANTHONY, NO SHOW PA RIN SA PROMO NG MMFF MOVIE NI VICE
Mukhang puspusan talaga ang ginagawa ngayon ng pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para mas mapaingay ang paparating na 50th Metro Manila Film Festival.
Pagkatapos nga kasi ng ginanap na 50th MMFF mediacon-fancon sa Quantum Skyview sa Gateway Mall, Cubao, QC last Dec. 6, nagdaos din ng Konsiyerto sa Palasyo nu’ng Linggo nang gabi bilang pagpapakita ng suporta nina Pangulong Bongbong Marcos at First Lady Liza Araneta sa gaganaping taunang festival ng mga pelikulang Pilipino.
At parang pansamantalang naisantabi ang usaping pulitika sa pagdalo nina Megastar Sharon Cuneta at dating Sen. Kiko Pangilinan (na mga kilalang Kakampink) sa ginanap na concert sa Kalayaan Grounds ng Malacañang Palace.
Bukod sa mag-asawa, namataan din namin du’n sina Diamond Star Maricel Soriano, Sen. Robin Padilla, Congw. Lani Mercado, Christopher de Leon, Lorna Tolentino at ang mga artistang may kani-kanyang entries sa festival sa pangunguna nina Vice Ganda at Gladys Reyes (And The Breadwinner Is…), Seth Fedelin and Francine Diaz (My Future You) kasama ang mga producers na sina Ms. Roselle Monteverde at Keith Monteverde, Sue Ramirez at Sid Lucero (The Kingdom), Aicelle Santos at Direk Pepe Diokno (Isang Himala: Musikal), Julia Montes at mag-inang Cong. Arjo Atayde at Sylvia Sanchez (Topakk), Tirso Cruz III (Uninvited), Ruru Madrid (Green Bones), Julia Barretto (Hold Me Close), at Enrique Gil, Rob Gomez at Alexa Miro (Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital).
May mga nag-abang naman kung darating sina Maris Racal at Anthony Jennings na kasama sa movie entry ni Vice, pero no show pa rin ang controversial couple. So, abang-abang tayo kung sa Parade of Stars sa Dec. 21 ay dyo-join na sila sa float.
Anyway, wala pang isang oras ang ginanap na Konsiyerto sa Palasyo na ang mga tanging performers ay sina Gian Magdangal, Jon Joven, Molly Langley, at Dane Mercado.
Buti na lang at sinamahan ng Divine Diva na si Ms. Zsa Zsa Padilla kaya nagkaroon ng big name sa mga performers.