ni Janice Baricuatro | June 22, 2020
Nilinaw ng Malacañang na hindi pa gagastusin ng pamahalaan ang $500 million na loan ng Pilipinas sa Asian Development Bank (ADB) para sa COVID-19, gayundin ang $500 million na loan sa World Bank (WB).
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, reserba lamang ang naturang pondo sakaling humina pa ang ekonomiya ng bansa.
Batay sa kasunduan ng Pilipinas at ADB, gagamitin ang naturang pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o ayuda sa mga mahihirap na pamilyang Pilipinong naapektuhan ng COVID-19.
Sinabi ni Roque na sinamantala lamang ng Pilipinas ang pangungutang habang maganda ang credit rating ng bansa na nasa +BBB.
Inihalimbawa ng kalihim ang credit rating na nakuha ng Pilipinas sa Japan kung saan nasa AAA- na ang bansa mula sa BBB+; at sa Standard & Poor’s, ay BBB+ naman na ang Pilipinas.
Nilinaw din niya na hindi pa nada-download ang naturang mga pondo.
“Oo. Inutang po natin iyan habang napakaganda po ng credit rating natin. At sa Japan nga po, naging AAA- na tayo from BBB+; na Standard & Poor’s, BBB+ naman tayo ‘no. So habang mura ang pangungutang natin, kinuha natin nang kinuha pero hindi pa po natin nada-download. Pero iyan po ay ating reserba just in case para hindi naman tayo talagang tuluyang mawala at pagpiyestahan na ang mga ari-arian ng estado gaya nang sinabi ng ating Presidente,” sabi ng opisyal.