ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | October 11, 2022
May tumatakbong biro sa hanay ng mga gumagamit ng motorsiklo na kaya dapat umanong magsuot ng helmet ay upang manatiling guwapo pa rin ang mukha ng nasawi dahil sa aksidente sa pagmomotorsiklo.
Biro man, ngunit kung ating bibigyang-pansin ay mahalaga ang ibig sabihin dahil pinatutunayan lamang nito na kahit nakasuot ng helmet ay hindi ito sapat para makaligtas sa kamatayan ang rider.
Kung ang nakasuot ng helmet ay binabawian ng buhay — mas lalo pa ang walang suot kaya dapat mas doble ang pag-iingat sa tuwing sasakay ng motorsiklo at maging responsable tayo na alamin ang tama at ligtas na pagmamaneho ng motorsiklo.
Hindi natin dapat binabalewala ang ‘helmet law’ dahil kung may nasasawi pa rin kahit nakasuot nito ay mas marami ang nasasawi dahil sa hindi pagsunod sa batas na dapat nakasuot ng helmet ang nagmamaneho ng motorsiklo.
Bilang rider, hindi ko tinatalakay ang paksang ito para takutin ang ating mga ‘kagulong’ kung hindi para mas itaas pa ang kaalaman kung paano makapag-iingat sa tuwing sasakay ng motorsiklo at palagi ninyong iisipin na may mga mahal kayo sa buhay na naghihintay sa inyong pag-uwi.
Huwag maging mayabang kapag nagmamaneho at huwag sumubok ng mga kakaibang estilo na hindi n’yo napag-aaralan kung paano talaga gawin, lalo na kung sama-sama o grupu-grupo kayong nagmamaneho at hindi maiwasan ang kantiyawan at habulan.
Marami sa ating mga ‘kagulong’ ang hindi alam na ang pagmamaneho ng motorsiklo ang pang-siyam sa sampung dahilan ng nagiging kamatayan ng ating mga kababayan ayon mismo sa ulat ng Land Transportation Office (LTO).
Mahigit na sa sampung milyong rehistradong motorsiklo ang meron tayo sa buong kapuluan na patuloy pang dumarami at mahigit na sa tatlong milyong mas marami ang ating mga ‘kagulong’ kumpara sa lahat ng klase ng umaandar na sasakyan sa kalye sa buong bansa.
Ibinase ng pamunuan ng LTO ang kanilang ulat sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na kasama nga sa sampung nakamamatay ang pagmumotorsiklo at ito lang ang tanging hindi natural na kamatayan.
Kasama sa talaan ng sampung nakamamatay ang Ischemia o ang kakulangan ng suplay ng dugo sa internal organ ng ating katawan, partikular sa heart muscles kaya ito ang top killer sa ating bansa na pinatotohanan naman ng Department of Health (DOH).
Kasunod sa listahan ang cancer, pneumonia, cerebrovascular diseases, hypertension, diabetes, iba pang heart ailments, respiratory tuberculosis, chronic lower respiratory infections at diseases of the genitourinary system.
Wala pang bagong ulat na inilalabas ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ngunit sa pinakahuling ulat na ating nakalap ay umabot na sa 31, 279 ang naitala nilang aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo o baka mas mataas pa.
Lumalabas na ang ulat na ito ay sa loob lamang ng isang taon nangyari na kung susumahin ay nasa 86 kaso ng aksidente kada araw kaya kailangan talaga ng ibayong pag-iingat.
Hindi ko isinama ang ulat sa mga nasirang property pero ang ‘kagulong’ nating namatay ay 154, angkas na namatay 36, pedestrian na namatay 22, driver na sugatan 9,655, angkas na sugatan 2,546 at pedestrian na sugatan ay 2,140.
Mahal ko ang ating mga ‘kagulong’ at nasasaktan ako kapag may tinatawag na ‘camote riders’, na ayon sa depinisyon ng awtoridad ay unfit, dangerous, ignorant, stupid at suicidal, kaya sana hindi tayo makasama rito.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.