ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | October 18 2022
Mainit na mainit ngayon ang usapin hinggil sa pagbabalik ng kontrobersyal na motorcycle lane, lahat ay may komento, lahat ay may nais iambag, dahil lahat tayo ay apektado nang hindi maayos na sistema ng kalagayan ng lansangan.
Ngunit sa pagkakataong ito ay tila seryoso ang pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na maisaayos ang lahat dahil nagsagawa sila ng dalawang araw na ‘Motorcycle Consultation Workshop’ sa pangunguna ni MMDA Acting Chairman, Carlo Dimayuga III.
Personal tayong pinadalhan ng imbitasyon ng Acting Chairman ng MMDA bilang Pinakaunang Representante ng 1-Rider Partylist para sa pagbuo ng consensus at action plan para maisaayos ang kasalukuyang lagay ng trapiko na ginanap noong Oktubre 12 at 13 sa New MMDA Building, Julia Vargas Avenue, Pasig City.
Dumalo rin sa unang araw ang second nominee ng 1-Rider Party List na si Representative Bonifacio Bosita kasama ang ilan pang imbitado mula sa iba’t ibang ahensya at stakeholders ng gobyerno at private sectors na binubuo ng mga bus operators, jeepney operators at motorcycle group—na aking mga ‘kagulong’ na siyang bida sa workshop.
Sa gitna ng workshop, inilahad ng MMDA ang plano nilang paglalagay ng eksklusibong motorcycle lane sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City na magsisilbing pilot testing bago tuluyang ipatupad sa Nobyembre ng kasalukuyang taon.
Dito binanggit ni Acting Chairman Dimayuga na nasa 410,000 na ang dami ng sasakyang dumaraan sa kahabaan ng EDSA at patuloy pa ang pagdami ng rehistradong sasakyan sa buong Metro Manila na umabot na umano sa 2.9 milyon noong nakaraang taon.
Base naman sa datos ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation Office (LTO) mula sa 2.9 milyong sasakyan sa National Capital Region (NCR) ay nasa 1.44 milyon ang motorsiklo.
Kaya dito na umano pumasok sa ideya ng MMDA na maglagay na ng eksklusibong motorcycle lane para maisaayos na umano ang daloy ng mga sasakyan at masiguro ang kaligtasan ng ating mga ‘kagulong’ na matagal na ring umaasa na mabigyang-pansin ng pamahalaan.
Dalawang araw naging mabunga naman ang mga talakayan, suhestiyon at maging ang inyong lingkod na si MR.1-RIDER ay nakibahagi at naglatag ng mga solusyon na malaki ang maitutulong hindi lang sa aking mga ‘kagulong’, kung hindi sa lahat ng nagmamaneho sa kalsada.
Nakabuo naman ng mga konkretong polisiya, tamang direksyon at mga panuntunan kung paano magiging mas maayos ang pagbibiyahe ng motorsiklo at ng mga kasabay na iba pang sasakyan na hindi masasangkot sa aksidente.
Nangako naman ang pamunuan ng MMDA na magsisilbi umano silang ‘partner’ ng ating mga ‘kagulong’ sa kalsada at titiyakin nilang ligtas ang mga nagmomotorsiklo sa pamamagitan ng paglalagay ng de-kalidad na imprastruktura.
Titiyakin umano ng MMDA na maipatutupad nang maayos at patas ang disiplina sa kalye sa pamamagitan nang pagpapatupad ng batas-trapiko at mga regulasyon para masigurong ligtas ang lahat ng motorista, partikular ang mga gumagamit ng motorsiklo.
Ipinagpapasalamat ko naman sa pamunuan ng MMDA na bilang Pinakaunang Representante ng 1-Rider Party list ang inyong lingkod ay binigyan tayo ng pagkakataong maihayag ang ating kaalaman para mas mapabuti ang kalagayan ng mga nagmomotorsiklo.
Dumalo rin sa naturang workshop ang DOTr, LTO, DPWH, LTFRB, PNP, PNP-HPG, PNP-NCRPO at iba pang LGU na lahat ay nagtulung-tulong para mas mapabilis na makabuo ng mga tamang solusyon na pangunahing adbokasiya ng inyong lingkod at ng 1-Rider Party List.
Sa aking mga ‘kagulong’, bigyan natin ng pagkakataon ang napakagandang planong ito, makisama tayo at sumunod ng maayos para hindi tayo ang maging dahilan na hindi magtagumpay ang motorcycle lane dahil nilikha ito para sa kaligtasan nating mga nagmomotorsiklo.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.