ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 1, 2022
Kung dati-rati ay kinatatakutan ng marami nating kababayan ang pagsakay sa motorsiklo dahil isa umano ito sa sampung dahilan ng kamatayan ng mga Pilipino ay hindi na ngayon dahil natuklasang "nakapagpapahaba" rin ito ng buhay.
Ayon sa pag-aaral, ang pagiging masaya ay hindi lang basta pinagaganda ang kalidad ng buhay kung hindi malaking tulong din ito para tumaas ang kumpiyansa at lebel ng kalusugan para humaba ang buhay ng taong masaya sa kanyang ginagawa.
Karagdagang dalawang taon umano sa buhay ng tao na may ibang pinagkakaabalahan na labis niyang ikinasisiya bukod pa sa pang-araw-araw na paghahanapbuhay at pag-iisip kung paano mareresolba ang mga problema.
Mas mahaba umano sa karaniwan ang buhay ng taong nag-aalaga ng hayop, kabilang na ang pagpapalipas ng oras sa harap ng aquarium, pagiging abala sa paglilingkod sa kahit anong relihiyon at marami pang iba na makapagdudulot ng saya.
Ang higit na nakatutuwa ay kasama sa masasayang ginagawa ng tao ay ang pagkahilig sa motorsiklo na espesyal umano ang pakinabang dahil bukod sa pamamasyal ay magandang ehersisyo rin umano ito hindi lang sa pisikal kung hindi maging sa mental na aspeto.
May pag-aaral din na ang mga taong mahilig magbasa ay daig pa ng nagmamaneho ng motorsiklo dahil mas aktibo umano ang isip nito na palaging nakahanda sa mga sitwasyon dahilan para bumaba rin ang tsansa na magkaroon ng Alzheimer’s disease.
Lumalabas na ang mga senior citizen na may masayang buhay ay masayang gumigising araw-araw at excited kung paano nila iraraos ang buong maghapon na hindi makararanas ng stress sa pagharap sa mga bagay-bagay.
Ayon kay Andrew Steptoe, Ph.D., professor ng psychology sa University College London sa United Kingdom ay malaki umano ang positibong epekto sa buhay ng tao ang pagiging masaya na sa tingin ko ay dapat nating bigyang pansin.
Sa mga nagdaan pang pag-aaral ay kinuha ang opinyon ng may 3,800 kalahok na may abilidad pang maalala kung ano ang mga nagdaan nilang pakiramdam sa mga lumipas na araw at kinuha ang sukat ng kanilang happiness, anxiety at iba pang emosyon.
Ang mga kalahok na nasa pagitan ng edad na 52 hanggang 79 ay hinati sa tatlong grupo na binase depende kung gaano sila kasaya at kapositibo sa kanilang nararamdaman at tiningnan din ang pagkakaiba nila sa edad, kalagayan sa buhay at bisyo.
Makaraan ang limang taon ay napatunayang 7% na hindi gaanong masaya ay binawian na ng buhay kumpara sa 4% na nagmula sa pinakamasayang grupo at 5% na nasa gitna ng sitwasyon.
Tiningnan din ng mga researcher ang edad, depression, chronic diseases, health behavior, tulad ng pag-eehersisyo, pagkonsumo ng alkohol at socio economic factors at napatunayan pa ring ang taong masaya ay mas mahaba ang buhay.
Sa ngayon ay parami na nang parami ang ating mga ‘kagulong’ na may iba’t ibang dahilan kung bakit nahihilig sila sa paggamit ng motorsiklo at napakataas ng porsyento na nagsasabing masaya sila sa kanilang ginagawa na unang dahilan para humaba ang buhay.
Marami tayong mga ‘kagulong’ na nagmula sa nakaririwasang buhay na mayroon ng mga kotse ngunit bumibili pa rin sila ng mamahaling motorsiklo dahil ginagawa nila itong libangan—may mga grupo sila na kasamang naglalakbay sa mga probinsya para maglibang.
May mga ‘kagulong’ naman tayong mas pinili nilang gumamit ng motorsiklo sa pang-araw-araw nilang buhay kahit mayroon silang sasakyan sa kanilang mga garahe dahil bukod sa mas mabilis ay iwas pa sa trapik at higit sa lahat ay tipid sa gasolina.
Meron din naman tayong ‘kagulong’ na mismong ang motorsiklo na ang kanilang ikinabubuhay—kabilang na ang mga nagde-deliver ng pagkain at habal-habal na mas gusto pa ang ganitong hanapbuhay kaysa nga naman mangamuhan pa.
Delikado raw ang pagmomotorsiklo, pero natuklasang marami pala itong dulot na buti at ngayon nakapagpapahaba pa ng buhay kung masaya ka.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.