ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 24, 2022
Nanawagan ang Department of Transportation (DOTr) na manatiling ‘top priority’ ang kaligtasan sa kalsada sa pagdiriwang ng “National Day of Remembrance for Road Crash Victims, Survivors and Families”.
Alinsunod umano ito sa pagpapatupad ng Philippine Road Safety Action Plan (PRSAP), kaya dapat lang na isama rin sa panawagan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang nagpapatupad ng Radio Frequency Identification (RFID) sa mga tollway.
Hindi na mabilang sa daliri ang mga aksidenteng naganap dahil sa kakulangan ng malasakit ng DPWH sa mga sirang tulay, pampublikong imprastruktura, sirang kalsadang, may malalaking lubak, ngunit hinihintay munang may mangyari sakuna bago umaksyon.
Hindi ba’t may dalawang sasakyan ang nahulog sa ginagawang Obispo Bridge sa Antero Soriano Highway, Tanza, Cavite na ikinamatay ng isa at lima naman ang nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan dahil kakulangan ng maayos na babala.
Kung ang malalaking sasakyan ay hindi nakakaligtas sa mga aksidenteng hindi sana nangyari ay mas lalong nasa delikadong kalagayan ang ating mga ‘kagulong’ na araw-araw ay nagmamaneho gamit ang kanilang motorsiklo.
Alam naman nating mas malapit sa sakuna ang mga nakamotorsiklo kumpara sa four-wheel vehicle dahil nangangailangan pa ito ng kombinasyon ng pisikal at mental na kahandaan dahil bukod sa init ay kalaban din ang masamang panahon at higit sa lahat ay ang kondisyon ng kalyeng dinaraanan.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Metro Manila Accident Recording and Analysis System (MMARAS), ang Metro Manila Development Authority (MMDA) umano ay nakapagtala ng kabuuang 26,768 aksidente sa kalsada noong nakaraang taon na kinasasangkutan ng mga nakamotorsiklo lamang.
May mga bumangga o nabangga ng kotse, mayroon namang motorsiklo sumalpok sa kapwa motorsiklo ngunit mataas na porsiyento umano ay bigla na lamang sumemplang o humagis ang isang nakamotorsiklo dahil sa hindi nakaiwas sa lubak.
Lalo nitong nagdaang Bagyong Paeng na rumagasa ang tubig-baha sa maraming kalsada sa bansa ay nagkalat ang mga butas ng kalye na labis na nagpapabagal sa daloy ng trapiko at sa gabi ay napakadelikado at hindi malayong may mamatay na naman tayong kababayan dahil diyan, kaya dapat bilisan naman ng DPWH ang kilos kahit tapal-tapal lang.
Isa pa sa mga dapat ayusin ang sistema ay ang RFID na kaya ipinatutupad ay para mapabilis ang pagdaan ng mga sasakyan sa mga toll gate ngunit hindi talaga ito mapulido at palagi na lamang tayong nakararanas ng problema.
Hindi ba’t sa kasagsagan nang pagpapatupad ng Metro Pacific Tollways Corporation sa RFID sa North Luzon Expressway (NLEX) ay sangkatutak na problema ang ating naranasan kumpara ngayon na may pagkakataon na lamang na pumapalya ang sensor at ayaw tumaas ng toll gate barrier.
Pero mas malala ang kinahaharap na problema ng Skyway O&M Corporation (SOMCO) dahil sila ang itinalaga ng Toll Regulatory Board (TRB) na mangalaga sa South Metro Manila Skyway Projects (SMMS) kabilang ang traffic safety, management, maintenance at toll collection.
Kaso may pagkakataong imbes na mapabilis sa pagdaan sa Skyway ay mapepeste pa sa haba ng pila ng sasakyan sa toll gate dahil sa ayaw na namang gumana ng sensor at lahat ay kailangan pang gumamit ng card para makadaan.
Ganyan din ang nangyari noong Huwebes nang hindi rin gumana ang Autosweep RFID na pinamamahalaan naman ng San Miguel Corporation (SMC) na nagdulot ng sobrang haba ng pila ng sasakyan sa South Luzon Expressway (SLEX) na umabot pa umano hanggang Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway.
Bukod sa SLEX ang iba pang tollways na pinamamahalaan ng SMC ay ang STAR, Ninoy Aquino International Airport Expressway (NAIAX) at Skyway ay pare-parehong nakararanas ng problema sa RFID-linked electronic toll tag reader at nagdurusa ay ang mga motorista.
Nagbabayad naman ng maayos ang publiko sa singil na gusto n’yo, sana lang ay puliduhin n’yo naman ang serbisyo at huwag n’yo gamitin ang media para pagtakpan ang kapalpakan ninyo—pati na rin ang DPWH.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.