ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | December 13, 2022
Umandar na naman ang utak ng mga sindikato kung paano kikita dahil talamak ngayon ang bentahan ng temporary driving license matapos matiyak na hindi normal ang operasyon ng Land Transportation Office (LTO).
Sa halagang P500 hanggang P1,000 ay agad na magkakaroon ng temporary driving license na kahit ang mga traffic enforcer ay hindi kayang idetermina kung tunay ito o peke.
Wala naman kasing safety features ang iniisyung temporary driving license ng LTO sa kasalukuyan na labis na ikinatuwa ng mga tsuper ng mga pampasaherong sasakyan dahil kahit maya’t maya sila hulihin ay hindi sila maaapektuhan.
Nagpalabas ng pahayag ng LTO na mahigit kasi 11 milyong plate number ng motorsiklo at 92,000 driver’s license ang hindi pa rin mai-release sa kasalukuyan na labis na ikinatuwa ng mga sindikato ng peke sa kahabaan ng Recto, Manila.
Dahil naglipana ang source ng mga pekeng temporary driving license ay nabuhay na naman ang mga online sellers na ang iniaalok ay mga pekeng temporary driver’s license na maaari umanong gamitin hangga’t hindi pa ayos ang problema sa LTO.
Kabilang umano sa mga dahilan kung bakit atrasado ang pag-imprenta ng driver’s license ay ang mga depektibong laser engraving machine na makikita sa ilan sa kanilang mga district at extension office sa mga lalawigan.
Kumalat ang balitang hindi sapat ang stock ng LTO para matugunan ang mga paparating na potential break down ng kanilang equipment at inaasahang sa darating na Pebrero pa sa susunod na taon ito maaayos.
Dahil dito ay naapektuhan ang distribusyon ng driver’s license card, kaya ang pansamantalang solusyon ng pamunuan ng LTO ay mamahagi muna ng temporary driver’s license para sa mga motorista.
Wala namang magawa ang kauupo pa lamang na LTO chief na si Atty. Jose Arturo ‘Jay Art’ Tugade dahil siya ang inabot ng kamalasan na sa halip na makausad na para mas mapaganda ang LTO ay nasa panahon pa siya nang nagkukumpuni.
Lalo na ngayon dahil nagkasundo na ang mga miyembro ng Metro Manila Council, Department of Interior and Local Government (DILG) at LTO na ipatupad na ang single ticketing system sa mga lalabag sa batas-trapiko sa rehiyon.
Nagkaroon ng media briefing noong Sabado at sinabi ng technical working group (TWG) na isasama sa bagong sistema ang pagbabayad ng mga parusa sa lumabag sa batas-trapiko na inaasahang ipatutupad sa unang quarter ng 2023.
Kung masisimulan na ang bagong sistemang ito ay maaaring ayusin ng mga motorista ang kanilang multa sa local government unit (LGU), kung saan sila nakatira kahit nakagawa sila ng traffic violation sa ibang lugar.
Ang bagong sistema ay gagawing pamantayan sa multa na ipapataw ng iba’t ibang LGU at ng MMDA na isang magandang hakbangin dahil matagal na itong hinihiling ng marami nating kababayang nagmamaneho.
Hindi na rin umano kukumpiskahin ang driver’s license dahil ang mga detalye ng lumabag na mga motorista ay ililista na lamang ng traffic enforcer bago ipasa sa tanggapan ng LTO ngunit kung hindi tutubusin ay masususpinde ang naturang lisensya.
Sampung araw lamang ang ibibigay sa mga lumabag na motorista para bayaran ang kanilang penalty sa pamamagitan ng digital wallet o payment centers na nakarehistro sa Land Transportation Management System ng ahensya, bago pa ito magkaroon ng interest.
Samantala, kung sakaling umabot na sa sampung paglabag at hindi pa rin inaayos ng apektadong driver ay tuluyan nang kukumpiskahin ang kanilang lisensya.
Sana lang bago ito ipatupad ay ayos na ang problema ng LTO sa pag-iisyu ng temporary driving license, dahil kung ganitong puro lista na lamang gagawin ng LGUs ay labis na masasamantala ang paggamit ng pekeng temporary driver’s license na kahit abutin pa ng 100 ang lista ay tatawanan lang tayo ng mga pasaway ng tsuper dahil hindi naman tunay ang kanilang detalye dito.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.